backup og meta

Constipation: Lahat ng Dapat Malaman

Constipation: Lahat ng Dapat Malaman

Pagkain ang isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng sustansya ng katawan ng tao. Gayumpaman, hindi lahat ay na-aabsorb mula sa pagkain na ating kinakain. Ang mga hindi natunaw na pagkain ay nagiging dumi, na kailangan ilabas ng katawan. Regular na sinusubukan ng katawan na itapon ang mga bagay na hindi nito kailangan. Kaya lang kung minsan, ang pagdumi ay hindi madali gaya ng gusto natin. Kung mangyari ito, maaaring nakakaranas ka ng constipation. Ano nga ba ang dahilan para sa constipation?

Ang constipation o fecal impaction ay isang digestive problem, na nagiging sanhi ng tuyo o matigas na dumi o madalang na pagdumi. Constipated ang isang tao kapag madalang ang pagdumi niya. Kadalasan tatlong beses sa isang linggo.

Ang constipation ay karaniwang nararanasan ng lahat paminsan-minsan. Pero kung ang nararanasan mong constipation ay umabot na ng ilang linggo, buwan o mas mahaba pa, malamang na may chronic constipation ka.

Mga Uri ng Constipation 

Iba’t iba ang dahilan para sa constipation. Gayundin, may tatlong magkakaibang uri ng constipation:

  • Normal transit- Ang dumi ay nakakadaan nang normal sa colon, pero mahirap pa ring ilabas.
  • Slow transit- Mabagal ang galaw ng dumi sa large intestine. Ito ay karaniwang sanhi ng mga abnormalidad sa (enteric) nerves na kumokontrol sa malaking bituka.
  • Dyssynergic defecation- Nangyayari ito kapag walang koordinasyon sa pagitan ng pelvic floor at mga nakapaligid na muscles at nerves. Dahil sa kawalan ng koordinasyon, ang nerves at muscles sa paligid ng pelvic floor ay abnormal na umuurong at nagre-relaks, na nagreresulta sa kahirapan sa pagdumi. 

Mga Palatandaan at Sintomas

Upang kumpirmahin kung may constipation ka, kailangan mo munang malaman kung mayroon ka ng mga sumusunod na sintomas. 

  • Matigas, tuyong dumi na mahirap at masakit ilabas
  • Madalang na pagdumi, karaniwang mas madalang sa 3 beses bawat linggo
  • Kailangan ang pwersa sa oras ng pagdumi
  • Pakiramdam o sensasyon na hindi mo lahat nailabas ang dumi sa iyong tumbong
  • Kailangan ng manu-manong tulong upang mailabas ang dumi alinman sa paggamit ng mga kamay upang lagyan ng pressure sa tiyan o paggamit ng isang daliri upang alisin ang dumi sa tumbong.
  • Sakit ng tiyan o abdominal cramps
  • Bloated ang tiyan

Kung nakakaranas ka ng mga sintomas ng constipation, lalo na kung ito ay talamak, kumunsulta kaagad sa iyong doktor. Ito ay para malaman kung ano ang dahilan para sa constipation at kung paano gagamutin at maiwasan na lumala ito.

Mga Risk Factor at Dahilan Para sa Constipation

May iba’t ibang dahilan para sa constipation, tulad ng:

Mga dahilan na nauugnay sa pamumuhay

  • Stress
  • Pagtanda
  • Kakulangan ng pisikal na aktibidad o ehersisyo
  • Dehydration o hindi sapat na pag-inom ng tubig
  • Madalas na hindi pinapansin ang pakiramdam na nadudumi o naantala ang pagbisita sa banyo
  • Mga pagbabago sa iyong regular na gawain tulad ng oras ng pagkain at oras ng pagtulog
  • Hindi kumakain ng sapat na pagkaing mayaman sa fiber o diet na kaunti ang fiber
  • Ilang mga gamot na nagpapabagal sa pagdumi gaya ng mga antidepressant, narcotics, antacids, iron pills, at antihistamines.

Pinagbabatayan na mga kondisyon at sakit sa kalusugan

  • Pagbubuntis
  • Diverticular disease
  • Lazy bowel syndrome
  • Endocrine disorders, tulad ng hypothyroidism, diabetes, at hypercalcemia.
  • Irritable bowel syndrome (IBS)
  • Mga karamdaman ng nervous system tulad ng autonomic neuropathy, multiple sclerosis, Parkinson’s disease, at stroke.
  • Mga bara sa colon o tumbong na sanhi ng anal fissure, pagbara ng bituka, bowel stricture, rectocele, colon o rectal, at iba pang abdominal cancers.
  • Electrolyte imbalance tulad ng Hypokalemia na nagdudulot ng paralytic ileus

Sino ang nasa panganib ng constipation?

Ang constipation ay maaaring ituring na isa sa mga pinakakaraniwang digestive issues. Halos lahat ay nagkaroon nito. At sa katunayan, ang ilang mga tao ay mas madaling kapitan kaysa sa iba. Matapos malaman ang mga sintomas at dahilan para sa constipation, alamin natin ngayon kung sino ang higit na nasa panganib ng kondisyong ito.   

Ito ang mga sumusunod na salik na nagpapataas ng iyong panganib na magkaroon ng constipation:

  • Old age. Ayon sa mga pag-aaral, ang constipation ay isa sa mga alalahanin ng mga taong edad 65 pataas. Ang iba pang health conditions at mga pagbabagong nararanasan ng mga matatanda ay mga dahilan din kung bakit mas may panganib silang magkaroon ng constipation.
  • Mga Babae. Ang mga babae ay mas madaling kapitan ng constipation kaysa sa mga lalaki. Maaari ring maranasan nila ang constipation ng maraming beses sa panahon ng pagbubuntis, sa umpisa ng menstrual cycle, at pagkatapos ng menopause
  • Mga taong may poor diet, kulang sa ehersisyo, at mga palaging dehydrated. 

Paggamot at Pag-iwas

Mayroong iba’t ibang mga paggamot na maaari mong gawin o gamitin upang mapawi at maalis ang constipation.

Narito ang ilan sa kanila:

Ang ilan sa mga pinakakaraniwang sintomas ng constipation ay sanhi ng hindi magandang pamumuhay at diyeta. At kaya ang pagbabago ng habits na ito ay makakatulong sa paglutas ng mga problema sa constipation. Narito ang maaari mong gawin:

  • Dagdagan ang iyong diet ng mga pagkaing mayaman sa fiber. Nakakatulong ang fiber sa pagbabawas ng timbang at sukat ng dumi. Ito rin ay pampalambot kaya nagiging madali ang pagdumi. Kumain ng maraming prutas at gulay at iba pang pagkain na mayaman sa fiber. Ito ay upang mapalambot ang iyong dumi at maibsan ang constipation.
  • Maging physically active. Sa regular na ehersisyo, maaaring mapabuti ang bowel motility. Tumutulong din ito sa madaling pagdaan ng dumi mula sa colon papunta sa rectum at palabas.
  • Huwag ipagpaliban ang pagba-banyo kapag nakaramdam na ng pagdumi. Pumunta kaagad sa banyo at maglaan ng oras sa pagdumi. Huwag balewalain ang pakiramdam dahil maaari itong maging sanhi ng fecal impaction, na nagreresulta sa constipation. 

Laxatives

Kung ang pagbabago sa diet at lifestyle ay hindi nakatulong na bumuti ang constipation, maaaring gumamit ng laxatives. Narito ang mga laxative na pwede mong bilhin over-the-counter:

  • Fiber supplements. Bukod sa mga prutas at gulay na pwedeng idagdag sa diet, makatutulong ang pag-inom ng fiber supplements na mapabuti ang pagdumi. Humingi ng payo sa doktor mo kung ano ang pinakamainam para sa iyo.
  • Enemas at Suppositories. Maaring gamutin ang constipation gamit ang enema o pagpasok ng tubig sa tumbong. Ang likidong ginagamit sa enema, kadalasang tubig, ay tumutulong sa paglambot ng dumi, na nagtataguyod ng  bowel movement. Sa kabilang banda, ang glycerin suppositories, ay gumagana sa pamamagitan ng pag-irita sa lining ng bituka, na nagreresulta sa pagdumi.  
  • Mga stimulant. Ang laxative na tulad ng bisacodyl, ay nagpapa-contract sa intestinal muscle na tumutulong itulak palabas ang dumi.
  • Osmotics. Nagpapanatili ng tubig sa dumi ang mga laxative na osmotics. Nagpapalambot at nagpapaluwag ito, kaya nagiging mas madali ang pagdumi. Ang mga osmotics tulad ng oral magnesium hydroxide, magnesium citrate, at lactulose polyethylene glycol ay maaaring makatulong sa constipation.
  • Lubricants. nagpapagaan ng constipation ang mineral oil. Nagpapadulas ito ng mga bituka, na pumipigil sa pagkatuyo ng dumi. 
  • Panlambot ng dumi. Ang docusate sodium at docusate calcium stool softeners ay tumutulong sa paglambot ng dumi na ginagawang mas madali at mas komportable ang pagdumi.

Kung ang mga problema o dahilan para sa constipation ay hindi magamot ng mga nabanggit sa itaas, pinakamainam na kumunsulta kaagad sa iyong doktor. Maaaring mabigyan ka ng reseta ng gamot, training, at maging operasyon upang makatulong sa paggamot ng kondisyon mo.

Paano maiiwasan ang constipation

Ang paninigas ng dumi ay karaniwang nawawala nang kusa. Gayunpaman, kung patuloy mong ginagawa ang mga gawi na maaaring lalong magpalala sa iyong kondisyon, maaari itong maging chronic constipation. Narito kung ano ang maaari mong gawin upang maiwasan ang hindi gumagaling na constipation:

  • Hangga’t maaari, isama sa iyong diet ang mga pagkaing mayaman sa fiber o uminom ng fiber supplements. Ang mga pagkain tulad ng prutas at gulay, whole grain cereal, at beans ay maaaring makatulong.
  • Manatiling hydrated sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig o pagkonsumo ng mga pagkaing mayaman sa tubig tulad ng mga pipino, kamatis, at pakwan.
  • Mag-ehersisyo o gumawa ng anumang pisikal na aktibidad hindi bababa sa 30 minuto sa halos lahat ng araw ng linggo.
  • Huwag kailanman balewalain ang pakiramdam na nadudumi.
  • Bawasan ang stress sa pamamagitan ng paghahanap ng mga paraan kung paano ito pangasiwaan.
  • Magkaroon ng regular na iskedyul ng pagdumi upang masanay ang iyong katawan sa proseso.

Key Takeaways

Ngayong alam mo na kung ano ang mga dahilan para sa constipation, handa ka na para dito kung sakaling dumating ang oras na harapin ito. Laging tandaan na maghanda sa mas mahusay at mas malusog na mga pagpipilian upang maiwasan ang constipation. 
Tandaan, pinakamainam na kumonsulta ka sa iyong doktor para sa medikal na payo at mga reseta kung kasalukuyan kang dumaranas ng constipation at nahihirapan kang gamutin ito.

Matuto pa tungkol sa Digestive Health at Constipation, dito.

[embed-health-tool-bmi]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Constipation in Older Adults: Stepwise Approach to Keep Things Moving https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC4325863/ Accessed August 10, 2020

Coming to Terms With Constipation https://www.health.harvard.edu/digestive-health/coming-to-terms-with-constipation Accessed August 10, 2020

Constipation https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/4059-constipation Accessed August 10, 2020

Diagnostic Approach to Chronic Constipation in Adults  https://www.aafp.org/afp/2011/0801/p299.html Accessed August 10, 2020

Constipation https://www.betterhealth.vic.gov.au/health/conditionsandtreatments/constipation Accessed August 10, 2020

Constipation https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/constipation/symptoms-causes/syc-20354253 Accessed August 10, 2020

Constipation https://www.nhs.uk/conditions/constipation/ Accessed August 10, 2020

Constipation http://www.med.umich.edu/1libr/MBCP/Constipation.pdf Accessed August 10, 2020

 

Kasalukuyang Version

02/13/2023

Isinulat ni Corazon Marpuri

Narebyung medikal ni Mae Charisse Antalan, MD

In-update ni: Corazon Marpuri


Mga Kaugnay na Post

Anu-ano ang mga Benepisyo ng Mangga sa Kalusugan?

Sanhi ng Constipation, Anu-ano ang mga Ito? Alamin Dito!


Narebyung medikal ni

Mae Charisse Antalan, MD

General Practitioner


Isinulat ni Corazon Marpuri · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement