backup og meta

Nakakahawa ba ang Pulmonya? Alamin Dito ang Kasagutan

Nakakahawa ba ang Pulmonya? Alamin Dito ang Kasagutan

Ang pulmonya ay isang impeksyon ng isa o ng parehong mga baga. Nakadepende sa ilang salik ang tindi ng mga sintomas nito, tulad ng organismong nagdudulot ng Pulmonya, pangkalahatang kalagayan ng kalusugan, at kung gaano kaagap kang ginamot. Nakakahawa ba ang Pulmonya? Paano ito nangyayari? Alamin ‘yan dito.

Nakahahawa ba ang Pulmonya?

Kapag nalaman mong may pulmonya ang isang tao, agad mong tinatanong ang “Nakakahawa ba ang pulmonya?”

Ang sagot ay oo. May ilang uri ng pulmonya ang nakakahawa. Upang maging tiyak, ang viral at bacterial na pulmonya ay puwedeng kumalat mula sa isang tao patungo sa isa pa. Samantala, ang fungal na pulmonya ay hindi nakakahawa. Ang fungi ay orihinal na nagmula sa lupa, na di kalaunan ay napupunta sa hangin.

Kapag nalanghap ng tao ang fungi, maaari siyang magkaroon ng fungal na pulmonya, ngunit hindi niya ito maikakalat sa ibang tao. Gayunpaman, pakitandaang hindi lahat ng taong na-expose sa organismong nagdudulot ng pulmonya ay magkakaroon ng pulmonya.

nakahahawa ba ang pneumonia

Paano kumakalat ang pulmonya?

Ngayong nasagot na natin ang tanong na “nakakahawa ba ang pulmonya?”, pag-usapan naman natin kung paano ito kumakalat.

Sa pangkalahatan, ang organismong nagdudulot ng pulmonya ay nalalanghap.

Ang bacteria o virus na nananatili sa ilong at lalamunan ng tao ay naikakalat nila sa pamamagitan ng:

  • Pag-ubo at pagbahing. Kapag umubo, bumahing, o kahit nagsalita ang taong may pulmonya, nagsasaboy ito ng maliliit na patak na may mikrobyo. Sinomang malapit sa kinaroroonan ng taong ito ay maaaring malanghap ang organismo at mahawahan din.
  • Paglilipat nito sa isang bagay/gamit. Kapag humawak ng anumang bagay ang isang may pulmonya, maaari niyang mailipat dito ang sarili niyang “droplets” na may bacteria. Puwedeng mahawakan ng ibang tao ang kontaminadong bagay na ito at makuha ang organismo. Kapag humawak pa sila sa bibig at ilong, maaari na silang mahawa.
  • Pagpapahiram ng kubyertos. Madaling nakapanghahawa ng pulmonya sa ibang miyembro ng pamilya kapag ang isang may pulmonya ay nagpahiram ng kanyang nagamit na kubyertos. Karaniwan ding nangyayari ito sa mga malalapit na magkakaibigan at kasama sa kuwarto, at mag kakasabay kumain.

nakakahawa ba ang pneumonia

Sino ang mas madaling kapitan ng pulmonya?

Matapos malamang nakakahawa ang pulmonya, oras na upang suriin kung paanong hindi lahat ng taong na-expose sa organismong nagdudulot ng pulmonya ay magkakaroon nito.

Kaya naman mahalagang maunawaan ang mga salik na nagiging dahilan kung bakit mas madaling kapitan ng pulmonya ang isang tao.

Sa pangkalahatan, mataas ang panganib na magkaroon ka ng pulmonya kung:

  • Mahina ang iyong resistensya. Ang mga taong nasa edad 2 pababa at lagpas na ng 65 na taong gulang ay madaling kapitan nito. Ganito rin ang panganib sa mga taong may mga kondisyong nagpapahina ng kanilang resistensya (HIV, chemotherapy, autoimmune diseases). Mayroon ding mas mahinang resistensya ang mga buntis dahil ang kanilang katawan ay nakatuon sa pagsuporta sa lumalaking sanggol sa kanilang tiyan.
  • Mga kondisyong nakaaapekto sa mga baga. Halimbawa, kung kamakailan ka lang nagkasakit ng lagnat o sipon, maaaring mataas ang panganib mo ng pagkakaroon ng pulmonya. Kasama na rin dito ang pag kakaroon ng kundisyon tulad ng asthma at COPD.
  • Paninigarilyo at pag-inom ng alak. Napapahina ng alak ang resistensya at nakakadulot ng pinsala sa tissue ng baga ang paninigarilyo. Kaya’t naaapektuhan ang kakayahan nitong labanan ang pulmonya.
  • Exposure sa masasamang usok. Ang regular o matagal na exposure sa usok ng sigarilyo na galing sa ibang tao, mga kemikal, at iba pang polusyon sa hangin ay maaaring makapagpahina sa baga. Ito ang nagiging dahilan upang madali makapasok ang impeksyon sa baga.
  • Kamakailan lang na ipinasok sa ospital. Mas nagiging mapanganib magka-pulmonya kung gumugol ka nang maraming oras na nakahiga. Ang posisyong ito (paghiga) ang nagiging daan upang magkaroon ng pananatili at pag dami ng mikrobyo at tubig sa baga.

Paano maiiwasan ang pagkalat ng pulmonya

Dahil nakahahawa ang pulmonya, mahalagang doblehin ang pag-iingat upang mabawasan ang pagkalat nito.

Kung mayroon kang mga sintomas ng pulmonya tulad ng pag-ubo, lagnat, kakapusan sa paghinga, at pananakit ng dibdib kapag umuubo o humihinga, sundin ang mga sumusunod na hakbang:

Agad na humingi ng tulong medikal

Ayon sa mga eksperto, maikokonsidera ka pa ring nakahahawa hanggang sa ikalawang araw ng iyong gamutan, kahit na wala ka nang lagnat. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang magtungo agad sa doktor sa oras na magkaroon ka ng mga sintomas ng sakit na ito.

Kung mayroon kang viral na pulmonya, tandaang maaari ka pa ring makapanghawa hanggang sa ang mga sintomas mo ay umayos na at wala ka nang lagnat sa loob ng ilang araw.

Manatili sa bahay

Upang mabawasan ang pagkalat ng pulmonya, gawin ang lahat ng makakaya upang maiwasan ang pakikisalamuha sa iba. Hangga’t maaari, manatili sa loob ng bahay hanggang sa gumaling ka.

Kung hindi mo mapigilang makihalubilo sa iba, dumistansya sa kanila hangga’t makakaya. Bukod pa dyan, magsuot ng face mask at sundin ang tamang gawi sa pag-ubo.

Madalas na maghugas ng kamay

Dahil ang pulmonya ay maaaring kumalat sa mga kontaminadong bagay, iwasang humawak sa mga ito nang hindi naghuhugas ng kamay.

Gayundin, hikayatin ang lahat ng miyembro ng pamilya na ugaliin ang madalas at maayos na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig sa loob ng 20 segundo.

Linisin ang madalas na nahahawakang bagay

Sa bahay, subukang linisin nang madalas ang mga bagay na madalas ding hawakan, tulad ng:

  • Remote control
  • Doorknob
  • Cellularphone
  • Handle ng refrigerator

Iwasang ipahiram ang personal na mga gamit

Iwasan ang pagpapahiram ng kubyertos, lalo na kung sa tingin mo’y may pulmonya ang isa sa miyembro ng inyong pamilya.

Dagdag pa, maaaring dalasan ang paglalaba upang maiwasan ang pagkalat ng impeksyon.

Magpabakuna kontra sa pulmonya at flu

Nakakahawa ba ang Pulmonya? Dahil oo ang pangkalahatang sagot sa tanong na ito, bakit hindi mo subukang magpabakuna?

Pakatandaang bagaman inirerekomenda ng mga doktor ang kumuha ng flu vaccine para sa lahat, hindi lahat ay kailangan ng vaccine na pang pulmonya. Kung mayroon kang kasalukuyang sakit sa puso, bato, o atay, mas malaki ang tsansang irekomenda ng doktor na magpabakuna ka laban sa pulmonya. Hindi ka nito mapoproteksiyunan sa lahat ng uri ng pulmonya, ngunit mapoproteksyunan ka nito mula sa mga banta sa buhay ng mga  komplikasyong dulot ng pulmonya.

Panatilihing malakas ang iyong immune system at malusog ang iyong baga

At bilang panghuli, ang magandang paraan upang mabawasan ang pagkalat ng pulmonya ay sa pamamagitan ng pagpapanatiling malakas ang iyong resistensya at pagkakaroon ng malusog na baga.

Palaging kumain nang masusustansyang pagkain, regular na mag-ehersisyo, magandang tulog at pahinga, bawasan ang pag-inom ng alak, at umiwas o itigil na ang paninigarilyo.

Key Takeaways

Karaniwang respiratory infection ang pulmonya, ngunit maiiwasan naman ito. Ikonsidera ang mga hakbang na nakalista sa itaas upang maiwasan ang pagkalat nito. Magpatingin agad sa doktor kung magkaroon ka ng mga sintomas ng pulmonya.

Matuto pa tungkol sa pulmonya dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Mycoplasma pneumoniae Infections
https://www.cdc.gov/pneumonia/atypical/mycoplasma/about/index.html
Accessed October 6, 2020

Pneumonia
https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/4471-pneumonia
Accessed October 6, 2020

Is pneumonia contagious?
https://www.nhs.uk/common-health-questions/infections/is-pneumonia-contagious/
Accessed October 6, 2020

Pneumonia
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/pneumonia/symptoms-causes/syc-20354204
Accessed October 6, 2020

Pneumonia
https://medlineplus.gov/pneumonia.html
Accessed October 6, 2020

Can You “Catch” Bronchitis or Pneumonia?
https://www.aurorahealthcare.org/patients-visitors/blog/can-you-catch-bronchitis-or-pneumonia
Accessed October 6, 2020

Community-Acquired Pneumonia in Adults
https://www.cedars-sinai.org/health-library/diseases-and-conditions/c/community-acquired-pneumonia-in-adults.html
Accessed October 6, 2020

Kasalukuyang Version

12/26/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Regina Victoria Boyles, MD

In-update ni: Regina Victoria Boyles


Mga Kaugnay na Post

Tanong Tungkol Sa Pneumonia Vaccine: Karaniwang Mga Katanungan

Pulmonya Sa Pilipinas: Dapat Bang Ipag-Alala Ang Sakit Na Ito?


Narebyung medikal ni

Regina Victoria Boyles, MD

Pediatrics


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement