Tuwing tag-araw at nahaharap tayo sa nakapanlulumong init, kailangan nating lahat ng malamig at sariwang hangin. Lalong nagiging mabenta ang mga air conditioner ngayon. Ngunit masama ba ang aircon sa baga?
Mga Epekto ng Air Conditioning sa Baga: Mga Panganib na Dapat Mong Tandaan
Maraming kaakibat na side effect ang paggamit ng air conditioner na maaaring alam mo o hindi. Masama ba ang aircon sa baga? Narito ang mga bagay na maaaring nais mong malaman.
Pagkatuyo ng Nasal Passages at Posibleng Impeksyon
Kapag na-expose sa air conditioner, may posibilidad na matuyo ang nasal passage o daanan sa loob ng iyong ilong, na maaaring mauwi sa impeksyon.
Ang mucus sa nasal passage ay nagsisilbing layer ng proteksyon na kayang mapanatiling ligtas ang daanan ng hangin mula sa mga impeksyon at pagkakasakit. Kapag natuyo ang daanan ng hangin na dahilan para hindi magawa ang trabaho nito, mas malaki ang posibilidad na magkasakit at maimpeksyon.
Asthma Attack at mga Allergy
Isa sa mga epekto ng air conditioning sa baga ang mga allergy at asthma attack. Ang pagkatuyo ng nasal passage ay maaaring mag-trigger ng asthma attack at mga allergy, lalo na kung hindi maayos na nalilinis at naaayos ang air conditioner.
Ang paglanghap ng malamig at tuyong hanging lumalabas sa air conditioner ay maaaring mauwi sa mga seryosong problema sa paghinga at mga sakit sa baga.
Dehydration
Dagdag pa, maaari ding magdulot ng dehydration ang mga air conditioner. Bagaman may kakayahang palamigin ng air conditioner ang silid, minsan, may pagkakataon itong sinisipsip palabas ang moisture sa silid – lalo na kung naka-set sa napakababang temperatura ang inyong AC. Tinatanggal nito ang halumigmig sa silid at nakaaapekto rin sa iyong hydration.
Panatilihing hydrated ang sarili kapag nasa lugar na may AC.
Paano Mapoprotektahan ang Sarili Mula sa mga Panganib na Ito
Hindi lubusang nasa panganib ang bahay na naka-air conditioner. Maraming puwedeng gawin upang mapangalagaan ang iyong kalusugan at baga.
Panatilihing malinis ang aircon
Upang maiwasan ang masamang epekto ng air conditioning sa iyong baga, ang unang dapat mong gawin ay linisin ang inyong air conditioning unit. May mga unit na may tiyak na panuto kung paano lilinisin. Mayroon namang kailangan lang ng regular na maintenance gaya ng paglilinis ng filter at pagtatanggal ng bara ng funnel. Kailangan mong linisin nang mabuti ang mga bahagi ng unit dahil dito naiipon ang bacteria at fungi dahil sa moisture. Maaari itong magdulot ng seryosong mga komplikasyon at panganib sa kalusugan ng tao.
Gawin ito isa o dalawang beses sa isang buwan, upang maiwasan ang pamumuo ng bacteria.
Limitahan ang paggamit
Kung kaya mo naman ang init, huwag nang gumamit ng AC. Makatitipid ka ng pera, habang naiiwasan mo ring ma-expose sa dehydration at mga problema sa baga, maging ang iba pang masamang epekto ng air conditioning sa baga.
Ang tamang paglilinis ng inyong air conditioning unit ay hindi lamang nakapagbibigay ng pinakamahusay na performance. Mapoprotektahan ka rin nito at ang iyong pamilya laban sa mga seryosong panganib na maaaring mauwi sa pagkakasakit at pagkakaospital.
Ang Paggamit ba ng Air Purifier ay Makatutulong upang Labanan ang mga Panganib?
May malaking pagkakaiba ang air conditioner at air purifier. May mga paniniwalang pareho itong may kakayahang magpalamig at maglinis ng hangin nang sabay. Gayunpaman, hindi ito totoo.
Kayang alisin ng mga air purifier ang mga particle sa hangin, samantalang pinalalamig lamang ng air conditioner ang hangin. Hindi nakadisenyo ang AC unit para sa air purification, at ang purifier ay hindi nakapagpapalamig ng hangin. May magkaiba silang gamit at epekto sa nakakulong na espasyo tulad ng bahay.
Dahil sa pagkakaibang ito, minsan, maaaring kailanganin ng isang bahay ng air purifier upang salain ang mga dumi sa hangin na nasa silid.
Hindi naman isang pangangailangan ang purifier, ngunit lubos itong inirerekomenda, lalo na kung may bata, matanda, at mga taong may mahinang panlaban sa sakit. Ang regular na paglilinis at pag-maintain ng inyong AC ang pangunahin pa ring panlaban sa mga panganib at masamang epekto ng airconditioning sa baga.
Key Takeaways
Mas matimbang ba ang mga negatibong epekto ng air conditioning sa baga sa mga benepisyo ng paggamit ng AC? Bagaman mukhang nakatatakot ang mga nabanggit na panganib, ang kailangan mo lang gawin upang maprotektahan ang sarili at mga taong nakatira sa inyong bahay ay linisin nang mabuti ang inyong AC unit. Hindi ito komplikado at nakapagbibigay ng malaking proteksyon. Kung hindi kayang gawin, maghanap ng marunong maglinis ng air conditioner.
Matuto pa tungkol sa Respiratory health dito.