Upang mas maunawaan ang pinakamahalagang impormasyon tungkol sa kalusugan ng baga, kailangan muna natin tukuyin kung ano talaga ang ginagawa ng mga baga ng isang tao. Ang baga ay isa sa mga pinakaimportanteng bahagi ng respiratory system, o ang sistemang responsable sa paghinga.
Sa tuwing humihinga ang isang tao, ang respiratory system ay kumukuha ng oxygen mula sa hangin, at naglalabas ng carbon dioxide mula sa katawan. Ang baga ay sumisipsip ng oxygen, at pagkatapos ay ipinamamahagi ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan sa pamamagitan ng mga daluyan ng dugo o blood vessels.
Ang lahat ng mga cells sa katawan ay nangangailangan ng oxygen upang gumana. Kung kaya siguruhin ang kalusugan ng baga dahil ito ay mahalaga sa kaligtasan ng katawan.
Nangangahulugan ito na kung mayroong anumang karamdaman o sakit na nakakaapekto sa baga, ito ay may masamang epekto din sa pangkalahatang kalusugan. At ang pag-alam sa mahahalagang impormasyon tungkol sa baga at kung paano ito alagaan ay makakatulong mapanatili itong malusog at nasa kundisyon.
Pangunahing Problema sa Kalusugan ng Baga
Importanteng malaman mo ang mga sakit na maaaring makaapekto sa iyong baga. Narito ang mga karaniwang problema sa baga na nararanasan ng mga tao:
Asthma
Ang asthma o hika ay isang kondisyon sa baga kung saan ang daanan ng hangin ay namamaga at makipot. Dahil dito, nahihirapan huminga ang isang taong may asthma. Ang alikabok, pollen, polusyon sa hangin, usok, malamig na hangin, atbp. ay maaaring mag-trigger ng hika.
Chronic obstructive pulmonary disease (COPD)
COPD is a condition wherein the person’s air sacs in their lungs is damaged. Another condition related to the disease, chronic bronchitis is defined as the mucus buildup in the air passages.
Ang COPD ay isang kondisyon na nakakasira sa air sac ng baga. Ang isa pang kondisyon na kaugnay sa sakit na ito ay ang chronic bronchitis kung saan may mucus buildup sa daluyan ng hangin.
Lung cancer
Ang lung cancer ay may dalang panganib sa kalusugan ng baga. Ito ay isang uri ng kanser na nagiging sanhi ng abnormal na paglaki ng mga cells sa baga, na kalaunan ay nagdudulot ng pinsala dito.
Pneumonia
Ang pulmonya ay isang impeksyon sa baga na nagpapahirap sa paghinga. Ito ay maaaring magdulot ng permanenteng pinsala o maging kamatayan kung hindi malulunasan. Ito ay maaaring sanhi ng:
- Virus
- Bacteria
- Fungus
Tuberculosis
Ang tuberculosis ay isang nakakahawang sakit na delikado sa kalusugan ng baga. Ito ay sanhi ng isang bacteria na tinatawag na mycobacterium tuberculosis. Kapag hindi ginamot , maaari itong makapinsala sa baga ng isang tao at maaaring humantong sa kamatayan.
Influenza or flu
Ang influenza o trangkaso ay isang impeksyon na dulot ng influenza virus. Maaari itong maging sanhi ng pulmonya para sa mga may mahinang immune system.
Mga Importanteng Kaalaman Tungkol sa Kalusugan ng Baga: Statistics sa Pilipinas
May ilang mga sakit na karaniwang nauugnay pagdating sa kalusugan ng baga sa Pilipinas. Ang tatlong nangungunang problema sa baga sa Pilipinas na nasa ikatlo, ikaanim at ikasiyam na puwesto, ayon sa pagkakabanggit.ay:
- Pneumonia
- COPD
- Tuberculosis
Isa sa mga pangunahing dahilan ng mga kondisyong ito ay ang kakulangan ng programang pangkalusugan para sa mga Pilipino. Iniuugnay din ito sa malnutrisyon at polusyon sa hangin, lalo na sa Metro Manila.
Ang tuberculosis ay itinuturing ding banta sa kalusugan ng baga kahit na ito ay isang sakit na nalulunasan. Ito ay sa kadahilanang ang ilang mga pasyente ay hindi nasusuri nang maayos. Ang tuberculosis ay isang airborne disease, at kapag di nalunasan ang carrier, maaari nyang mahawaan ang ibang tao na kanyang nakakasalamuha.
Mga Importanteng Kaalaman Tungkol sa Kalusugan ng Baga: Mga Pangunahing Sanhi
Isa sa pinaka importanteng impormasyon tungkol sa baga ay ang mga pangunahing sanhi at sintomas nito.
Narito ang mga karaniwang sanhi ng problema sa baga:
- Paninigarilyo, kasama na ang secondhand smoke
- Exposure sa radon gas
- Polusyon sa hangin
- Impeksyon dulot ng virus gaya ng coronavirus
- Impeksyon dulot ng bacteria gaya ng streptococcus pneumoniae
- Exposure sa kemikal sa lugar na pinagtatrabahuhan
- Pagiging malnourished o undernourished
Lahat ng ito ay maaaring maging sanhi ng lung disease. Ang paninigarilyo at exposure sa radon gas ay parehong kilala bilang sanhi ng lung cancer.
Ang polusyon sa hangin ay isa pang dahilan ng pag-aalala, lalo na sa mga nakatira sa lungsod. Maaaring makaranas ng hirap sa paghinga ang mga taong nakatira malapit sa pabrika at mga daanan ng sasakyan. Ang mga sintomas ng problema sa baga ay pwedeng lumala dahil dito.
Mga Remedyo at Pagbabago sa Pamumuhay Para sa Mas Mabuting Kalusugan ng Baga
Narito ang mga pagbabago sa pamumuhay na maaari mong gawin upang mapanatili na malusog ang iyong baga:
- Tigilan ang paninigarilyo. Mas kaunting pinsala sa baga kung mas maaga ang paghinto.
- Iwasan ang secondhand smoke lalo na kung ang kasama sa bahay ay naninigarilyo. Pwede rin silang payuhan na huminto sa paninigarilyo para sa kanilang kalusugan.
- Suriin ang kasaysayan ng iyong pamilya. Ang asthma, COPD, at lung cancer ay pwedeng maipasa sa iba’t-ibang henerasyon. Kung may kapamilya na nagkaproblema sa kalusugan ng baga, mas mainam na mas maagang gumawa ng mga hakbang sa pag-iwas.
- Ugaliin ang pag-eehersisyo araw-araw at pagkain ng masustansyang pagkain. Ang sobrang timbang ay maaaring magdulot ng karagdagang stress sa iyong baga.
- Gumamit ng face mask upang matakpan ang iyong ilong at bibig sa tuwing lalabas ng bahay. Gawin ito lalo na kung ikaw ay nakatira sa isang lugar kung saan masama ang kalidad ng hangin. Ang maskara ay maaaring makatulong sa pag sala ng virus, bacteria, at iba pang mapaminsalang bagay na nakakasira sa kalusugan ng baga.
Narito ang Iba’t-ibang Home Remedies Para Mabawasan ang Sintomas ng COPD:
- Tanungin ang iyong doktor tungkol sa mga pamamaraan na makakatulong sa mas madali at mas malalim na paghinga.
- Makakatulong ang pag-inom ng maraming tubig sa pagtanggal ng uhog sa mga daanan ng hangin. Pwede ka ring gumamit ng humidifer para dito.
- Ang pag-eehersisyo araw-araw ay makakatulong upang mapanatili ang kalusugan ng baga.
- Ang masustansyang pagkain ay makakatulong sa pagbaba ng timbang. Mababawasan din nito ang dagdag na strain sa baga.
- Ang paglanghap ng sariwang hangin at pag-iwas sa masamang hangin ay makakatulong sa pagbawas ng sintomas ng COPD>.