Isang natural na reflex ng katawan ang pag-ubo para alisin ang mga allergen o irritant sa respiratory tract. Tinatawag na dry cough o non-productive cough ang ubo na walang kasamang sipon o plema. Karaniwang nagsasanhi ng irritated o inflamed na respiratory tract ang ganitong klase ng ubo. Bagaman maaaring gumamit ng mga over-the-counter na gamot para gamutin ang dry cough, may mga home remedy din na makatutulong para mapawi ang mga sintomas nito. Magbasa pa para matuto tungkol sa mga natural na gamot sa dry cough.
Paano Maalis ang mga Plema at Sipon sa Baga
Bago magpatuloy sa mga natural na gamot sa dry cough, kailangan muna natin malaman kung paano alisin ang sipon at plema sa baga.
Nasal Saline
Nakatutulong ang ganitong uri ng gamot sa pag-alis ng sipon, basa man o tuyo. Dahil unti-unting natatanggal ng saline solution ang bara, nagkakaroon ng daanan para sa hangin.
Over-the-counter na Gamot
Isa sa mga pinakamabisang paraan ang mga over-the-counter na gamot para mapawi ang mga sintomas ng ubo, basa man o tuyo. Mabibili ito kahit saan kaya maganda itong paraan para malabanan ang ubo. Ngunit dapat tandaan na ang kahit anong gamot ay may tsansa na magkaroon ng side effect. Bukod dito, kailangan alamin mismo kung anong gamot ang nararapat para sa ubo, dahil iba pa ang gamot para sa maplema o dry na ubo.
Mga Natural na Lunas sa Dry Cough
Fluids
Sa usaping mga natural na gamot sa dry cough, ang tubig at iba pang fluid ang kaibigan ng mga tao laban sa hindi magandang pakiramdam na dala ng mga irritation sa respiratory tract. Napipigilan din ng mga fluid ang dehydration, na maaaring magdulot ng irritation sa lalamunan.
Mainam ding lunas sa sore throat na dala ng dry cough ang honey na hinalo sa mainit na tubig, tsaa, o lemon juice.
Salt Water Gargle
May kakayahang pumatay ng bakterya sa lalamunan ang pinaghalong asin at tubig kapag minumog ito. Nakatutulong din ito sa pagpawi sa mga iritasyong nararamdaman sa lalamunan.
Hot Sauce
Maaaring lunas sa dry cough ang anumang uri ng pagkain na maanghang, o pagkain na may capsaicin. Nagbibigay ito ng ginhawa sa taong may dry cough sa pamamagitan ng paglaban sa inflammation sa lalamunan. Maaaring maghalo ng ilang patak ng cayenne pepper hot sauce sa isang baso ng maligamgam na tubig, at magmumog nito. Maaaring hindi masarap ang lasa nito, at maaaring hindi applicable para sa mga taong hindi mahilig sa maanghang. Dapat rin mag-ingat sa dami ng lagay ng cayenne sa maligamgam na tubig.
Kailan Dapat Humingi ng Medikal na Tulong
Minsan, hindi sapat ang mga natural na lunas sa dry cough o over-the-counter na gamot para malabanan ito. Dapat humingi ng medikal na tulong ang isang tao kapag patuloy na lumalala ang sintomas ng kanilang dry cough, kahit pa matapos uminom ng gamot para dito. Tingnan ang listahan sa ibaba para malaman kung mayroon ka ng mga sintomas na sinasabi. At kung oo, kailangan mong magpatingin sa doktor sa lalong madaling panahon.
- Pagkahingal
- Pagkakaroon ng greenish-yellow ang kulay ng plema
- Pagkakaroon ng dugo sa plema
- Pagkahimatay
- Pagkamaga ang ankle (bukong-bukong)
- Pangangayat
- Pagkakatpos ng hininga
- Pamamawis ng malamig sa gabi
- Pagkawala ng gana kumain
- Pananakit sa dibdib
Maraming nagsasanhi ng walang tigil na pag-ubo, at maaaring hindi alam ng mga tao na mayroon na silang natatagong kondisyon sa kalusugan dahil sa paulit-ulit na ubo. Narito ang ilan sa mga maaaring sanhi ng walang tigil o hindi gumagaling na ubo, kung hindi pa nalulunasan.
- Hika
- Chronic bronchitis
- Postnasal drip
- Side effect ng pag-inom ng ACE inhibitors (isang uri ng gamot pang-high blood)
- Gastroesophageal reflux disease
May iba pang hindi masyadong karaniwan na sanhi ng walang tigil na ubo:
- Heart failure
- Kanser sa baga
- Mga allergen at irritant sa kapaligiran
- Pertussis
- Mga psychological disorder
- Aspirasyon kapag lumulunok
- Iba pang sakit sa baga
Kung hindi alam ng isang tao ang sanhi ng kanilang walang tigil na ubo, maaari itong magdulot ng iba pang komplikasyon sa hinaharap, lalo na kung hindi sila magagamot agad. Ang pag-alam sa kung ano ang dahilan ng walang tigil na pag-ubo, at pagpapagamot nito bago pa lumala, ang pinakamahusay na paraan para labanan ito.
Key Takeaways
Maaaring labanan ang ubo sa tulong ng mga natural na gamot sa dry cough. Magandang alternatibo o supplement ang mga natural na gamot sa dry cough kung walang makukuhang OTC na gamot. Bukod dito, dapat humingi kaagad ng medikal na tulong ang mga taong walang tigil sa pag-ubo para maiwasan ang mga komplikasyon sa hinaharap.
Matuto pa tungkol sa pangangalaga ng iyong mga baga dito.