Marahil naranasan mo na ang pakiramdam na hinihingal. Isa itong sintomas na madalas mangyari. Posible at posible ding hindi ito senyales ng natatagong problema sa kalusugan, at mahirap din malaman minsan kung isa bang emergency kapag hinihingal ang isang tao.
Ngunit ano nga ba talaga ang hingal, at kailan maituturing na emergency kapag hinihingal ang tao?
Ano ang hingal?
Una, alamin muna natin kung ano ang ibig sabihin ng hinihingal. Marahil naranasan mo na ito kung nasubukan mo na ibigay ang lahat ng iyong enerhiya habang nag-eehersisyo. Tinatawag na hinihingal ang isang tao kapag nauubusan siya ng hininga o nahihirapan huminga.
Para sa mga taong wala sa tamang pangangatawan, o may mga problema sa baga tulad ng hika, posibleng mas madalas nila ito maranasan kaysa sa iba. Kadalasan, hindi kailangan ikabahala ang nararamdamang hingal kapag nawawala nang kusa o kapag nagpahinga. Sa pamamagitan ng pananatiling fit at pag-eehersisyo araw-araw, maiiwasan mo ang suliranin na ito.
Gayunpaman, maaaring isa rin itong sanhi ng mas seryosong problema sa baga o maging sa puso. Mahalagang bantayan ang mga sintomas na nararanasan kapag hinihingal para malaman kung kailangan na pumunta sa doktor o hindi.
Ano ang iba’t ibang uri ng hingal?
Mahahati sa tatlong pangunahing uri ang hingal; dyspnea, orthopnea, at paroxysmal nocturnal dyspnea. Narito ang kanilang mga kahulugan:
Dyspnea
Nakikita ang dyspnea sa tuwing nahihirapan o hindi maganda ang pakiramdam ng isang tao tuwing humihinga. Karaniwang nararanasan ang dyspnea kapag gumagamit ng maraming enerhiya ang isang tao, gaya ng kapag may mabigat na ehersisyo o gawain.
Gayunpaman, kapag nakakaranas ng dyspnea ang isang tao tuwing nagsasagawa ng normal na gawain, posibleng isa na itong senyales ng natatagong problema sa kalusugan.
Orthopnea
Nangyayari ang orthopnea kapag hinihingal ang isang tao habang nakahiga. Kadalasang bumubuti ang pakiramdam ng mga taong nakararanas nito kapag uupo o tatayo sila.
Paroxysmal Nocturnal Dyspnea
Nangyayari ang paroxysmal nocturnal dyspnea kapag natutulog ang isang tao, at nagigising sila dahil nararamdamang hinihingal. Karaniwan itong nangyayari matapos ang isa hanggang dalawang oras ng pagtulog, tulad ng orthopnea, bumubuti ang pakiramdam ng pasyente kapag umuupo o tumatayo.
Anong sanhi bakit hinihingal?
Maraming bagay ang nagsasanhi bakit hinihingal ang tao, gaya na lang ng sumusunod:
- Baradong ilong dahil sa sipon
- Pagiging overweight o obese
- Hika
- COPD o Chronic Obstructive Pulmonary Disease
- Kanser sa baga
- Pulmonya
- Problema sa puso
- Atake sa puso
- Mababang blood pressure
- Anemia
- Allergic reaction
- Panic attack
Alinman sa mga bagay na ito ang maaaring dahilan kung bakit hinihingal, kaya mahirap malaman kung isa ba itong emergency o hindi nang batay lamang sa isang sintomas.
Anong kailangan mong malaman
Pagdating sa pagiging emergency ng hingal, maraming bagay ang dapat isaalang-alang bago pumunta sa doktor.
Posibleng senyales ng atake sa puso at nangangailangan na ng agarang medical attention kapag bigla na lamang hinihingal ang isang tao, lalo na kapag sinamahan pa ito ng pananakit ng dibdib o malamig na pawis. Maituturing din na isang emergency kapag biglang hinihingal dahil sa posibleng allergen sa pagkain o sa kapaligiran.
Narito ang iba pang kondisyon na maaaring kailangan na ipakonsulta:
- Kung tumitindi at paulit-ulit na hinihingal sa loob ng isang buwan o higit pa.
- Kung hinihingal pagtapos gumawa ng anumang pisikal na gawain.
- Lumalala ang sintomas na nararamdaman kapag nakahiga.
- Nakararanas din ng ubo habang hinihingal at nilalagnat o giniginaw.
- Kung bigla itong lumabas, at nahihirapan ka na gawin ang mga bagay nang normal.
- Kapag sinamahan din ito ng pagduduwal o pagkahilo.
- Kung may mapansin na kulay asul sa iyong labi o ilalim ng mga kuko.
- Kapag hindi na gaano kaalerto o nagiging disoriented.
Sinasabi ng mga sintomas sa itaas na maaaring hinihingal ka dahil sa natatagong kondisyon sa kalusugan.
Kung maranasan ang mga sintomas na ito, pinakamabuting pumunta sa doktor upang makita kung may problema sa kalusugan.
Kapag mas maaga itong napasuri, mas magiging mabuti ang resulta.
Paano ginagamot ang hingal?
Higit na nakasalalay ang treatment ng hingal sa sanhi nito. Kung resulta ito ng problema sa baga, maaaring magreseta ng gamot ang iyong doktor para mas madali kang makahinga. Maaari ka rin sabihan na pansamantalang umiwas muna sa mabibigat na gawain.
Sa mga mas malubhang kaso tulad ng atake sa puso, nakatuon ang paggamot sa pagsiguro na hindi na ito mauulit muli.
Maaari ka rin painumin ng ilang uri ng gamot para bumuti ang paggana ng iyong puso. Sa ilang kaso, maaari ka rin sumailalim sa physical therapy para maibalik ang iyong lakas, at mapabuti ang kalusugan ng iyong puso.
Kung hinihingal dahil wala sa tamang pangangatawan, maaaring irekomenda ng iyong doktor na magbawas ng timbang o magsimulang mag-ehersisyo para makatulong sa iyo na maging fit.
Anong maaaring gawin para maiwasan ito?
Narito ang ilang paraan para makatulong sa iyo maiwasan ang paghingal:
- Kung naninigarilyo, huminto sa pagsisigarilyo. Inilalagay ka ng paninigarilyo sa panganib na magkaroon ng sakit sa puso, altapresyon, kanser sa baga, pati na rin biktima ng iba pang problema sa kalusugan. Mabuting huminto na sa paninigarilyo sa lalong madaling panahon para maiwasan ang mga problema sa kalusugan sa hinaharap.
- Siguraduhing mag-ehersisyo ng hindi bababa sa 30 na minuto bawat araw. Nakatutulong ang ehersisyo para mapanatiling malakas ang iyong mga baga at mapabuti ang iyong physical fitness. Matutulungan ka nitong maiwasan na kapusin ang iyong hininga o hingalin dahil sa mga pisikal na gawain.
- Kung may hika o iba pang problema sa baga, siguraduhing umiwas sa mga lugar na sobrang init o sobrang lamig. Maaaring lumala ang iyong dyspnea (hirap sa paghinga) dahil sa sobrang init o napakalamig na panahon. Kaya mabuting ideya na iwasan ang alinman sa mga labis na temperatura na ito.
- Iwasan ang polusyon sa hangin. Kung nakatira sa lugar na maraming makapal na usok, siguraduhing magsuot ng face mask para masala ang mga pollutant sa hangin.
- Kung na-diagnose na may problema sa puso, siguraduhing makinig sa payo ng iyong doktor at inumin ang iyong gamot.
Key Takeaways
Maaaring maliit na problema lamang kapag hinihingal ang isang tao, at maaaring isa rin itong seryosong problema sa kalusugan. Mahalagang bigyan ng pansin ang pinapahiwatig ng iyong katawan, at huwag isawalang-bahala ang anumang senyales ng malubhang problema sa puso o baga.
Alamin ang tungkol sa Iba Pang Mga Isyu sa Paghinga dito.