Para sa mga may asthma, mahalaga ang may kaalaman sa first aid para rito.
Ang pag-atake ng asthma ay isang lumulubhang epekto ng mga sintomas nito. Nangyayari ito kapag ang kalamnan o muscle na nasa lalamunan ay namulikat at namaga. Nagkakaroon ng mas makapal na plema sa daanan ng hangin, na humaharang sa papasok at papalabas na daloy ng hangin.
Kapag nakulong ang hangin sa baga, nahihirapang huminga ang taong may asthma, at nakararanas ng pananakit ng dibdib. Depende sa tindi ng atake, may iba na biglaan at may iba na dahan-dahan, at mayroon namang hihinto pansamantala, at babalik matapos ang ilang oras na mas matindi ang epekto.
Kapag inatake ang taong may asthma, mainam ding alam ng mga taong nasa paligid ang first aid para rito. Kapag naging malala ang atake ng asthma, huwag magdalawang isip na humingi ng medikal na atensiyon o tulong.
atake ng asthma “triggers”
Bago maging isang atake ang asthma, nagsisimula ito sa “triggers” o sa isang sanhi nito. Karaniwang panganib na nagdudulot ng atake ng asthma ay ang mga nalalanghap.
Ilan sa mga trigger ang:
- Allergens
- Panloob na allergens tulad ng alikabok ng bahay, dust mites, amag, buhok ng alagang hayop
- Panlabas na allergens tulad ng pollen, usok ng sigarilyo, polusyon, amag, at ang panahon
- Mga pagkain gaya ng gatas ng baka, mani, itlog, soya, wheat, isda, hipon, at iba pang shellfish, tree nuts
- Pisikal na aktibidad
- Impeksyon sa baga
- Ilang gamot gaya ng aspirin, anti-inflammatory drugs tulad ng ibuprofen o naproxen, at ilang gamot para sa presyon.
- Matinding emosyon
- Irritants (Aerosol sprays, pabango, car exhaust, gas fumes)
Pagtukoy sa mga senyales at sintomas ng asthma
Upang isagawa ang first aid para sa atake ng asthma, dapat na matukoy ng isang tao ang iba’t ibang senyales at sintomas nito batay sa tindi. Upang makontrol ng tao ang mga sintomas ng kanyang asthma, pinakamainam na kumonsulta sa doktor at bumuo ng plano.
Kabilang sa ilang indikasyon na aatake na ang asthma ang:
- Matinding pagkapagod
- Ubo at sipon
- Paninikip ng dibdib
- Paghingal
Maaaring makaranas ng mga sumusunod ang inaatake ng asthma:
- Kinakapos ng paghinga (kaya hindi makatulog o makagawa ng gawain)
- Pananakit ng dibdib
- Pag-ubo at paghingal
- Nahihirapang magsalita
Kabilang sa mga senyales na ang atake ay lumalala:
- Hindi makahinga kahit nakahiga
- Pagbabago sa bilis ng tibok ng puso
- Nagkukulay asul ang labi dahil sa mababang lebel ng oxygen sa dugo
- Pagsikip ng kalamnan sa leeg at balikat
- Mababang presyon
- Panic, pagkabalisa, at pagkalito
- Tahimik na asthma o walang paghingal dahil sa kawalan ng hanging dumadaloy
Kapag nakaranas ng matinding mga sintomas ang taong may asthma, huwag magdalawang isip na tumawag ng doktor at humingi ng agarang medikal na atensyon bilang karagdagan sa first aid para sa asthma. Bihirang-bihira na nakamamatay ang malalang asthma. Sa ilang mga kaso, maaaring kailangan ng tao ang agarang pagdadala sa ospital.
Maaari bang iwasan ang atake ng asthma?
Mas mainam ang umiwas kaysa sa magpagamot. Upang maiwasan ang paglala ng atake ng asthma, may mga hakbang na dapat mong sundin at palaging gawin. Kailangan mong gumawa ng asthma action plan kasama ng iyong doktor.
Narito ang mga paraan upang maiwasan ang atake ng asthma:
- Inumin ang iniresetang gamot ng iyong doktor
- Tukuyin at hanapin ang dahilan kung bakit ka inaatake ng asthma, at iwasan ito.
- Itala ang mga sintomas na iyong nararamdaman
- Magpunta sa doktor para sa follow-up checkups para sa iyong asthma
- Gumawa ng plano kasama ng iyong doktor upang mabantayan ang gamot na iyong iniinom, mga sintomas, at mga bagay na kailangan mong gawin kapag inatake ka ng asthma.
- Bantayan ang iyong paghinga. Ang kaunting pagbabago sa iyong paghinga ay maaaring senyales na ng simula ng atake ng asthma.
- Tingnan ang paggamit mo ng mga inhaler. Kung mas madalas kang gumagamit ng inhaler, magtanong sa doktor upang makontrol ito.
Maaari pa ring umatake ang asthma kahit sinusunod nang mabuti ng isang tao ang mga payong ito. Upang maging handa ka sa pag-atake ng asthma, may mga first aid para sa asthma at home remedies na pupuwede mong gawin o gamitin upang makontrol ang sitwasyon.
First aid para sa atake ng asthma
Narito ang apat na hakbang ng first aid para sa atake ng asthma:
- Tulungan ang taong umupo nang komportable
- Ibigay ang blue reliever inhaler (isa itong quick-relief medication o kilala bilang rescue medication o emergency inhaler) sa pasyente at sundin ang mga hakbang sa pagbibigay ng tamang dosage. Ang kadalasang dose nito ay 2 paglanghap, o hanggang 4 na paglanghap kung talagang malala (kinakapos ng paghinga kahit nakaupo nang hindi gumagalaw).
- Magpahinga sa loob ng apat na minuto. Kapag nagtuloy-tuloy pa rin ito, ulitin ang naunang hakbang.
- Kung lumala ang kalagayan, tumawag ng emergency at ipaalam sa operator na inaatake ng asthma ang pasyente. Magbigay pa rin ng gamot bawat 4 na minuto sa pasyente hanggang sa dumating ang ambulansya.
Home remedies para sa atake ng asthma
Kapag inatake ka ng asthma sa bahay, makatutulong sa iyo ang natural na remedyo at gamutan. Kabilang dito ang:
Steam baths at sauna treatments
Natuklasan ng mga mananaliksik sa Institute of Medical Balneology and Climatology ng University of Munich na ang steam bath at sauna ay maaaring makatulong sa pagpapagaan ng mga sintomas ng asthma sa pamamagitan ng pagpapalambot ng makapal na plema na kumakapit sa daanan ng hangin. Ito ang nakapagpapabuti ng paghinga. Nakakabawas din ito ng stress at pagkabalisa na puwedeng mag-trigger ng asthma.
Ehersisyo sa paghinga
Ang kaalaman sa tamang paghinga ay magandang paraan upang matulungang mabawasan ang pag-atake ng asthma. Tinukoy ng pananaliksik na ang mga ehersisyo sa paghinga ay paraan upang gumanda ang problema sa paghinga, nag-aalis ng mental stress, at binabawasan ang paggamit ng mga gamot.
Ang mga halimbawa ng herbs at natural alternatives ay bawang, luya, echinacea, at licorice root, turmeric, honey, at omega 3’s. Pinakamabuting kumonsulta sa doktor bago subukan ang mga ito.
Mga essential oil tulad ng eucalyptus at lavender
Pangunahing ginagamit ito dahil sa kanilang anti-inflammatory properties. Ang essential oils at iba pang natural na alternatibo ay hindi dapat gamitin kapag emergency. Alamin sa iyong doktor kung ligtas ba ang mga ito para sa iyo.
Tsaang may caffeine at coffee
Ang Theophylline, isang kemikal na natatagpuan sa parehong asthma medications at caffeine ay sinasabing nakababawas ng respiratory fatigue, na nagpapahina ng mga sintomas ng asthma.
Key Takeaways
Dapat na seryosohin sa lahat ng pagkakataon ang atake ng asthma. Mahalagang malaman ang first aid para sa asthma. Maaaring tumindi ang mga mahinang sintomas nito sa loob lamang ng ilang segundo. Ang pagiging handa at maalam ang unang hakbang upang harapin ang atake ng asthma.
Bagaman may mga first aid para sa asthma at home remedies, pinakamainam pa rin ang paghahanda ng mga gamot at patuloy na pagpapatingin sa doktor upang harapin ang asthma.