Pagdating sa mga sakit sa baga, pamilyar na tayo sa mga kondisyong tulad ng pulmonya, asthma, at bronchitis. Gayunman, bihira nating marinig ang bronchiectasis. Isa itong kondisyon na nagdudulot sa pasyente ng paulit-ulit na mga impeksyon sa baga at pag-ubo ng laway na may plema. Sa artikulong ito, tutungo tayo sa mas malalim na usapin ng mga babala, senyales, at sintomas ng bronchiectasis.
Pangkalahatang Ideya tungkol sa Baga
Bago natin lubos na maunawaan ang mga senyales at sintomas ng bronchiectasis, kailangan muna nating malaman ang pangunahing kaalaman tungkol sa istruktura ng baga.
Ang ating mga baga, ang pangunahing organ ng paghinga, ay nagtatrabaho upang magpasok ng oxygen at maglabas ng carbon dioxide sa pamamagitan ng prosesong tinatawag na gas exchange.
- Sa oras na lumanghap tayo ng hangin, sa pamamagitan man ng ilong o bibig, dadaan ito sa pharynx, pagkatapos sa trachea o windpipe.
- Mula sa windpipe, dadaan ang hangin sa primary bronchi. Mayroon tayong dalawang bronchi – isa papunta sa kaliwang baga, at ang isa ay patungo sa kanang baga.
- Ang mga pangunahing bronchus na ito ay magsasanga sa mas maliliit na bronchi (secondary at tertiary). Taglay ng bronchi ang malalagkit o malusak na mucous na tumutulong upang matanggal ang mga nalanghap na particle tulad ng alikabok at bacteria.
- Panghuli, ang maliliit na bronchi ay magsasanga sa pinakamaliliit na daanan ng hangin na tinatawag na bronchioles. Ito ang magdadala ng hangin sa alveoli (hugis ubas na sac) para sa gas exchange.
Ano ang Bronchiectasis?
Nangyayari ang bronchiectasis kapag isa o higit pang bronchi sa baga ay nagkaroon ng abnormal na paglapad. Ang paglapad na ito ay nagdudulot ng pananatili ng mas maraming mucus sa bronchi kaya’t mas nagiging malapit ito sa impeksyon.
Sa katagalan, maaaring magdulot ang bronchiectasis ng kawalan ng kakayahan ng airway na dalhin ang oxygen papasok at palabas ng mga baga. Puwede itong maging mapanganib, dahil nakasasagabal ito sa paghahatid ng oxygen sa mahahalagang organ ng katawan.
Pangunahing mga Senyales at Sintomas ng Bronchiectasis
Pag-ubo ng Plema
Isa sa karaniwang mga senyales at sintomas ng bronchiectasis ay patuloy na pag-ubo ng maraming plema. Maaaring mag-iba-iba ang kulay nito. Puwedeng maputla o dilaw, hanggang sa medyo maberde.
Bagaman karaniwan lang ang pag-ubo ng maraming plema, may mga taong kaunti ang plemang inuubo. May pagkakataon ding hindi sila naglalabas ng plema.
Pag-ubo nang may Dugo
Bagaman bihira, isa rin ang pag-ubo na may plema sa mga senyales at sintomas ng bronchiectasis. Nangyayari ito kapag ang ilan sa mga vessel ng baga ay dumugo.
Karaniwan, humahalo ang dugo sa plema na sinasabayan ng impeksyon sa baga.
Problema sa Paghinga
Isa pa sa mga warning sign at sintomas ng bronchiectasis ay ang problema sa paghinga. Kabilang dito ang kakapusan sa paghinga o “air hunger.”
May ilang mga taong nakararanas ng wheezing. Ang wheezing ay isang matinis na tila sipol na tunog kapag humihinga.
Kadalasan itong naririnig kapag nag-exhale. Ngunit maaari ding marinig kapag nag-inhale.
Pananakit ng Dibdib
Isa sa pinakakaraniwang pananakit na nararanasan ng taong may bronchiectasis ay ang pananakit ng dibdib. Resulta ito ng patuloy na pag-ubo at hirap sa paghinga. Lumalala ang pananakit na ito kapag humihinga nang malalim, gumagalaw, o umuubo.
Karagdagang mga Sintomas
Lagnat at Panginginig
Kapag nagkaroon ng impeksyon sa baga ang pasyenteng may bronchiectasis, maaari siyang magkaroon ng lagnat at panginginig.
Mga Problema sa Sinus
Dahil sa naipong mucus, maaaring magkaroon ng problema sa sinus tulad ng baradong sinus at pagsakit nito. Dagdag pa, puwede rin itong mauwi sa pagbaho ng hininga.
Pagkahapo
Dahil sa patuloy na pag-ubo at kakapusan sa paghinga, ang fatigue o pagkahapo ay maaaring maging isa sa karaniwang senyales at sintomas ng bronchiectasis.
Pagbaba ng Timbang
Dahil sa hirap sa paghinga at pag-ubo, kailangan ng mga taong may bronchiectasis ang mas maraming lakas. Kasabay ng pagkawala ng ganang kumain at pagkahapo, ang pagtaas ng pangangailangan sa sustansya ay nauuwi sa pagbaba ng timbang.
Pagtagas ng Pantog
Makararanas din ng pagtagas ng pantog o urinary incontinence ang taong may bronchiectasis. Hindi ito banta sa buhay, ngunit tiyak na may epekto ito sa gawain ng pasyente. Madalas nangyayari ang urinary incontinence kapag umuubo ang pasyente, kaya’t tinatawag din itong cough incontinence.
Digital Clubbing
Isa itong kondisyon kung saan kumakapal ang mga kuko, bumibilog at umuumbok. Bukod dito, ang clubbing of nails ay karaniwan sa mga taong may kondisyon sa puso o mga taong nakararanas ng kakulangan sa oxygen.
Kailan Dapat Humingi ng Tulong Medikal
Kung maranasan mo ang mga sumusunod, magpunta agad sa ospital.
- Mabilis o nahihirapang huminga
- Matinding kakapusan sa paghinga
- Pagkalito
- Bluish discoloration ng mga kuko, labi – indikasyon ito ng kakulangan sa oxygen
- Pag-atake ng matinding pananakit ng dibdib
- Mataas na lagnat
Narito ang mga senyales ng matinding impeksyon sa baga at kailangang matugunan agad ng healthcare provider.
Pagtugon sa mga Senyales at Sintomas ng Bronchiectasis
Dahil isa itong pangmatagalang kondisyon, patuloy na makararanas ang isang tao ng mga senyales at sintomas ng bronchiectasis. Kabilang sa pagtugon dito ang:
- Pagtigil sa paninigarilyo
- Pananatiling physically fit
- Pag-inom ng maraming fluid upang maiwasan ang pamumuo ng mucus
- Pagkain ng masustansya at balanseng pagkain
- Palagiang paghuhugas ng kamay upang mapababa ang panganib ng impeksyon
- Pagpapabakuna laban sa flu at pulmonya
Dagdag pa, kailangan mo ring mapansin ang mga senyales ng flare-up. Nangyayari ang mga flare-up kapag ang mga sintomas, lalo na ang hirap sa paghinga, ay lumala kumpara sa karaniwang nangyayari. Narito ang mga senyales at sintomas ng flare-up ng bronchiectasis:
- Pagdami ng plema o pagbabago ng kulay
- Lagnat at panginginig (na maaaring mangyari o hindi)
- Pagtindi ng kakapusan sa paghinga
Kung makaranas ka ng mga flare-up, pwede mong gawin ang mga sumusunod:
- Magpatingin sa doktor dahil maaaring kailangan mo na ng antibiotic therapy
- Kolektahin ang sample ng plema at ibigay sa doktor
- Uminom ng maraming fluid
- Isagawa ang airway clearance exercises nang mas madalas
- Inumin ang iniresetang mga gamot
Pag-iwas sa Bronchiectasis
Nauugnay sa maraming kondisyon ang pagkakaroon ng bronchiectasis. Ang pinsala sa daluyan ng hangin ay kadalasang dulot ng peklat mula sa dating pinsala sa baga o impeksyon.
Sa kasamaang palad, walang paraan upang maiwasan ang congenital bronchiectasis (nakukuha pagkapanganak pa lang). Gayunpaman, puwede kang gumawa ng ilang hakbang upang maiwasan ang mga impeksyon sa baga, na maaaring maging sanhi ng mga kondisyong ito:
- Magpabakuna laban sa whooping cough at tigdas (para sa mga bata)
- Agad na humingi ng medical treatment kung sa tingin mo ay may impeksyon ka sa baga
- Mag-ingat at huwag lumanghap ng mga substance tulad ng food particle at fluid. Kung aksidenteng nangyari ito sa mga bata, agad na humingi ng tulong medikal.
- Protektahan ang iyong baga mula sa mga bagay na nakaiirita dito, tulad ng mga pabango, gas, at usok.
- Huwag manigarilyo o ihinto ang paninigarilyo
- Magpabakuna taon-taon laban sa pulmonya
Key Takeaways
Ang mga senyales at sintomas ng bronchiectasis ay madaling maipagkamali sa mga sintomas ng iba pang sakit sa respiratory. Puwedeng mayroon ito sa iba pang kondisyon ng baga tulad ng chronic obstructive pulmonary disease. Dahil dito, kailangan mong kumonsulta sa doktor kung napansin mo ang mga kombinasyon ng mga sintomas na tinalakay sa itaas.
Matuto pa tungkol sa kalusugan ng respiratory dito.