backup og meta

Anu-Ano Ang Mga Senyales Ng Sakit Sa Puso? Alamin Dito

Anu-Ano Ang Mga Senyales Ng Sakit Sa Puso? Alamin Dito

Sa kabila ng pamamayagpag ng nakamamatay na sakit na coronavirus na tumatama sa bansa, ang coronary heart disease ay nananatiling pangunahing sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas mula Enero hanggang Nobyembre noong nakaraang taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). Dahil dito, ano-ano ang mga senyales ng sakit sa puso na dapat mong bantayan at pansinin sa iyong sarili? Ibabahagi ng artikulong ito ang ilan sa telltale signs ng bawat uri ng sakit sa puso. 

Iba’t Ibang Mga Senyales Ng Sakit Sa Puso

Ang sakit sa puso ay tumutukoy anumang kondisyon na nakakaapekto sa istraktura o paggalaw ng puso subalit sa pag-aakala ng karamihan na ito ay iisang klase lamang. Nakadepende sa bawat uri ang mga partikular na senyales at sanhi ng mga ito. Ating kilalanin ang bawat isa. 

Senyales Ng Sakit Sa Puso Sa Daluyan Ng Dugo

Isa sa pinakakaraniwang uri ng sakit sa puso ang cornonary heart disease. Ito ay nangyayari kapag ang arteries ay kumikitid at nahaharangan ang daluyan. Ito ay kadalasang dulot ng mga cholesterol deposits o plaques na kalaunan ay tinatawag na atherosclerosis. Dahil dito, maaari itong humantong sa atake sa puso, pananakit ng dibdib (angina) o stroke.

Ilan sa mga senyales at sintomas nito ay ang mga sumusunod:

  • Pananakit ng dibdib, paninikip ng dibdib, pagkakaroon ng presyon sa dibdib, at discomfort sa dibdib (angina)
  • Pananakit ng leeg, panga, lalamunan, itaas na parte ng tiyan o likod 
  • Pagkakapos ng hininga o pagkahingal
  • Pananakit, pamamanhid, panghihina o panlalamig sa mga binti o braso kung ang mga daluyan ng dugo sa mga naturang bahagi ay makitid

Posibleng mas maramdaman ng mga kalalakihan ang pananakit ng dibdib. Samantala, ang mga kababaihan naman ay mas madalas makaranas ng iba pang mga sintomas kasama ng discomfort sa dibdib, tulad ng pagkahingal, pagduduwal, at matinding pagkapagod.

Maaaring hindi ma-diagnose ang kondisyon hanggang sa magkaroon ka ng atake sa puso, angina, stroke o heart failure. Kung kaya, mahalagang bantayan ang mga naturang senyales ng sakit sa puso at magkaroon ng palagiang pagpapakonsulta.

Senyales Ng Sakit Sa Puso Sanhi Ng Mga Vascular Diseases

Ang puso ay may apat na valves kabilang ang aortic, mitral, pulmonary, at tricuspid valves. Bumubukas at sumasara ang mga ito upang ilipat ang dugo sa puso. Tinatawag na vascular diseases ang mga problema sa daluyan ng dugo na binabawasan ang daloy ng dugo, dahilan para maapektuhan ang paggana ng puso. Ang heart valve ay maaaring makitid (stenosis), maluwang (regurgitation o insufficiency) o may pag-umbok (prolapse).

Kabilang ang mga sumusunod sa mga pangkalahatang posibleng senyales at sintomas:

  • Pananakit ng dibdib
  • Panghihina at pagkahimatay (syncope)
  • Pagkapagod
  • Iregular na pagtibok ng puso
  • Pagkapos ng hininga
  • Pamamaga ng paa o bukong-bukong

Senyales Ng Sakit Sa Puso Sanhi Ng Heart Arrhythmias

Ang heart arrhythmias ay nagiging sanhi ng masyadong mabagal, masyadong mabilis o iregular na pagtibok ng puso. Ang mga pagbabagong ito ay potensyal na nakakapansinsala dahil maaaring humantong sa ventricular fibrillation, na halos palaging umaabot sa kamatayan. Nagdudulot naman ng pagkapagod at mataas na panganib ng stroke ang atrial fibrillation. 

Ilan sa mga uri ng arrhythmias ay hindi nagpapakita ng mga senyales ng sakit sa puso. Gayunpaman, maaari pa ring magkaroon ng ilan sa  mga sumusunod:

  • Pananakit o discomfort ng dibdib
  • Pagkahina (weakness) o pakiramdam na malapit na mahimatay (syncope) 
  • Kumakabog na dibdib
  • Pagkahilo 
  • Mabilis na pagtibok ng puso (tachycardia)
  • Mabagal na pagtibok ng puso (bradycardia)
  • Pagkakapos ng hininga

Senyales Ng Sakit Sa Puso Sanhi Ng Cardiomyopathy

Ang cardiomyopathy ay tumutukoy sa isang kondisyon kung saan nahihirapan ang heart muscles na magpadala ng dugo sa ibang parte ng katawan. Dahil dito, maaari itong mauwi sa heart failure.

Ang mga unang yugto nito ay maaaring hindi magsanhi ng mga kapansin-pansing mga senyales. Habang lumalala ang kondisyon, maaaring magkaroon ng mga sumusunod: 

  • Pagkahilo
  • Pagkapagod
  • Pakiramdam ng kakapusin ang hininga habang nagsasagawa ng aktibidad o kahit nagpapahinga
  • Pagkaramdam ng pagkahingal sa gabi kapag sinusubukang matulog o paggising na kapos sa paghinga
  • Mga iregular na tibok ng puso na mabilis at makabog
  • Pamamaga ng mga binti, bukong-bukong o paa

Key Takeaways

Maraming iba’t ibang uri ng sakit sa puso at mayroon ang mga itong kaakibat na mga senyales at sintomas. Ugaliing magkaroon ng regular checkups at patuloy na pakiramdaman ang sarili kung nakararanas na ng mga nabanggit upang maiwasan ang paglala ng kondisyon. 

Alamin ang iba pa tungkol sa Sakit sa Puso dito

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Cardiomyopathy, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/cardiomyopathy/symptoms-causes/syc-20370709, Accessed August 8, 2022

Heart Disease, https://www.hsph.harvard.edu/nutritionsource/disease-prevention/cardiovascular-disease/, Accessed August 8, 2022

Heart disease, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/heart-disease/symptoms-causes/syc-20353118, Accessed August 8, 2022

Heart disease remains top cause of death in PH in 2021: PSA, https://www.pna.gov.ph/articles/1168439, Accessed August 8, 2022

Types of heart disease, https://www.heartandstroke.ca/heart-disease/what-is-heart-disease/types-of-heart-disease, Accessed August 8, 2022

Kasalukuyang Version

11/08/2022

Isinulat ni Fiel Tugade

Narebyung medikal ni Mae Charisse Antalan, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Epekto ng Sakit sa Puso sa Buong Katawan, Ano nga ba?

Namamana Ba Ang Sakit Sa Puso? Heto Ang Mga Facts Sa Heart Disease


Narebyung medikal ni

Mae Charisse Antalan, MD

General Practitioner


Isinulat ni Fiel Tugade · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement