Seryosong kondisyon ang Sudden Cardiac Arrest (SCA) o biglang paghinto ng tibok ng puso. Nangyayari ito kasunod ng pagkagambala sa electrical conduction system ng puso na nagiging sanhi ng paghinto nito sa pagtibok. Sinasabayan ito ng pagkawala ng paghinga at malay. Magpatuloy sa pagbabasa upang malaman pa ang tungkol sa kondisyong ito.
Paano gumagana ang puso?
Una sa lahat, mahalagang ilarawan kung ano ang puso at kung paano ito gumagana. Binubuo ang puso ng mga muscle fiber na nag-ko-contract at nag-re-relax para magpadala ng dugo sa buong katawan.
Tulad ng iba pang muscle sa katawan, nangangailangan din ng oxygen ang puso upang gumana nang maayos. Nagagawang tumibok ng mga muscle nang sabay-sabay dahil sa mga electrical signal na dumadaloy sa nerve fibers ng puso.
Ngayon, madali na nating matutukoy ang pagkakaiba ng atake sa puso at SCA. Ito ang mga terminong madalas napagpapalit ngunit tumutukoy sa magkaibang kondisyon.
Heart Attack vs. Sudden Cardiac Arrest: Biglang Paghinto ng Tibok ng Puso
Kadalasan, arrhythmia ang nagsasanhi ng biglang paghinto ng tibok ng puso. Ito ang abnormal heart rhythm na nakikita kapag may problema ang electrical system ng puso.
Sa kabilang banda, nangyayari naman ang atake sa puso kapag barado ang blood vessel na nag-su-supply sa muscle ng puso at nagkukulang sa oxygen. Kaya isang problema sa sirkulasyon ang atake sa puso. Habang isa namang problema sa signal conduction ang paghinto ng tibok ng puso. At oo, maaari ding humantong ang atake sa puso sa paghinto ng tibok ng puso dahil maaaring ma-trigger ng atake sa puso ang electrical disturbances.
Nagkakapareho ang mga risk factor ng parehong kondisyon. Kaya ang mga taong may pamilyang may history ng coronary artery disease, mataas na blood pressure at cholesterol level, mga diabetic, pati obese, mas mataas ang panganib nila na magkaroon ng parehong atake sa puso at SCA.
Kabilang sa mga posibleng mangyari na senyales at sintomas ang discomfort sa dibdib, kakapusan ng paghinga, panghihina, at palpitation.
Gayunpaman, maaari din itong mangyari sa mga pasyenteng walang sintomas at sa mga hindi na-diagnose ang kondisyon sa puso tulad ng:
Electrical problem sa puso
Ilang tao ang may problema sa conduction system. Halimbawa nito ang mga taong nabubuhay ng may Brugada syndrome at long QT syndrome.
Valvular heart disease
Maaaring humantong sa paglaki ng heart muscle ang pagtagas o pagpaliit ng valves ng puso. Dahil dito kaya mas malaki ang panganib ng isang tao sa arrhythmia, na maaaring maging SCA o biglang paghinto ng tibok ng puso.
Congenital defects ng puso
Mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng congenital heart disease ang mga bata at adolescent na may SCA dahil sa karamdamang ito. Kahit pa ang mga matatandang nagkaroon at gumaling na mula sa nasa congenital defect, nananatili pa rin silang nasa panganib ng SCA.
Coronary artery disease (CAD)
Matatagpuan sa karamihan ng pasyente na may SCA ang buildup ng cholesterol sa mga vessel ng puso. Madalas ding nauuwi ang matinding CAD sa atake sa puso.
Atake sa puso
Gaya ng nabanggit kanina, maaari ding humantong sa SCA ang atake sa puso, kapag nag-trigger ito ng electrical disturbances tulad ng ventricular fibrillation. Maaari ding magdulot ng abnormality sa rhythm ang scar tissue mula sa patay na heart muscle dahil susubukan ng mga electrical short circuit na iwasan ang scar tissue na hindi makapagpadala ng electrical signal.
Dahil posibleng magdulot ng kamatayan ang biglang paghinto ng tibok ng puso, mahalagang pumunta sa emergency department o sa doktor kung maramdaman ang alinman sa mga sumusunod:
- pananakit ng dibdib
- palpitation
- kinakapos na paghinga
- hindi maipaliwanag na paghingal
- nanghihina o malapit mawalan ng malay
- pagkahilo
Maaaring senyales ang mga ito ng problema sa puso. Posibleng kailangan ng treatment upang hindi ito mauwi sa biglang paghinto ng tibok ng puso.
Minsan, nauuna ang pananakit ng dibdib at kakapusan ng paghinga sa cardiac arrest o biglang paghinto ng tibok ng puso. Mahalagang makilala ang mga senyales at sintomas na ito dahil maaaring makapagligtas ng buhay ng isang tao ang isang simpleng tawag sa emergency number ng lugar na magdadala ng agarang access sa mataas na kalidad na pangangalaga sa panahon ng biglang paghinto ng tibok ng puso.
Sudden Cardiac Arrest: First Aid
Bagaman hindi mangyayari ang SCA sa lahat, mas mabuting maging handa kung sakaling mangyari ito sa taong iyong pinapahalagahan. Posibleng makapagligtas ng buhay ng isang tao ang pag-aaral ng basic hands-only cardiopulmonary resuscitation (CPR). At kung paano gumamit ng automated external defibrillator (AED) sakaling bumagsak sila dahil sa SCA.
Kapag nakaligtas ang isang tao sa paghinto ng tibok ng puso at nakarating sa ospital, maaaring magbigay ng mga gamot para ma-stabilize ang kanilang heart rhythm. Nakadepende ang long-term treatment sa sanhi nito, kabilang dito ang:
- gamot para sa pag-aalaga ng heart rhythm, tulad ng mga beta-blocker;
- isang device para makontrol ang heart rhythm, tinatawag itong implantable cardioverter-defibrillator (ICD); at
- mga procedure tulad ng coronary angioplasty o bypass surgery, na nagpapabuti sa daloy ng dugo sa puso.
Sa usaping pag-iwas, isang mabuting paraan para makaiwas sa risk factors na nagdadala ng maraming sakit sa puso ang pamumuhay ng may healthy lifestyle. Mahalaga ang pagkakaroon ng balanced diet na may prutas, gulay, protein, at carbohydrates na may tamang sukat at dami.
Nakatutulong din ang regular na pag-ehersisyo para mapanatiling maayos ang iyong puso. Kung may anumang sakit sa puso, kailangang kumuha ng angkop ng treatment upang lumiit ang posibilidad na makaranas ng biglang paghinto ng pagtibok ng puso.
Key Takeaway
Ngayo’y may sapat ka nang kaalaman tungkol sa biglaang paghinto ng tibok ng puso, mga sanhi nito, sintomas, treatment, at mga posibleng hakbang para makaiwas. Sa pagtatanda sa lahat ng ito, mas handa ka na ring kumilos nang mabilis kung sakaling mangyari ito sa isang taong kakilala. Para sa karagdagang mga katanungan o alalahanin, makipag-ugnayan sa iyong doktor sa lalong madaling panahon.
Matuto pa tungkol sa kung paano mapapanatiling mabuti ang iyong puso dito.