Ang pag-alam sa tamang first aid sa atake sa puso ay maaaring makapagligtas ng buhay.
Ang atake sa puso, o myocardial infarction, ay nangyayari kapag nagkakaroon ng bara sa suplay ng dugo sa puso. Kapag nagkaroon ng kakulangan sa suplay ng dugo, maaari nitong lubhang maapektuhan ang muscle ng puso.
Kung hindi ito agad na ipagagamot, maaari itong maging sanhi ng kamatayan.
Maraming mga pasyenteng nakaranas ng atake sa puso ang namatay bago pa man makarating ng ospital. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang maisugod sila agad sa ospital sa lalong madaling panahon upang tumaas ang tyansa na maligtas ang kanilang buhay. Kung mas maagang maibibigay ang karampatang gamot, mas kakaunting sira sa muscle ng puso ang maaaring maranasan.
Basahin ang artikulong ito upang malaman ang first aid sa atake sa puso.
First Aid Sa Atake Sa Puso: Mga Senyales At Sintomas
Ang mga sintomas ng atake sa puso ay maaaring maranasan ng isang tao bago ang ilang oras, araw, o linggo ng mismong pag-atake.
Ito ay kadalasang nagiging sanhi ng pananakit ng dibdib sa loob ng mahigit 15 minuto. Gayunpaman, may mga kaso kung saan ang isang taong aatakihin sa puso ay maaaring hindi makaranas ng malubhang pananakit ng dibdib o ng anuman, lalo na sa mga kababaihan. At kadalasan, ang pananakit na ito ay inaakalang sanhi ng hindi pagkatunaw ng pagkain dahil ito ay hindi gaanong malubha.
Ang mga sintomas ng atake sa puso ay maaaring aliman o lahat ng mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng pressure sa dibdib na kahintulad ng pagdagan ng isang mabigat na bagay
- Pagkakaroon ng hindi komportableng pakiramdam o matinding pananakit mula sa dibdib papunta sa balikat, braso, at likod
- Pagpapawis
- Pagkahilo, pagkahimatay
- Kakapusan ng hininga
- Tila maduduwal na pakiramdam
- Lubhang pamumutla
First Aid Sa Atake Sa Puso
1. Agad Na Tumawag Ng Ambulansya
Tandaan: upang simulan ang tamang first aid sa atake sa puso, tumawag ng ambulansya. Agad na tumawag ng ambulansya kapag ang isang tao ay biglang nahimatay at hindi tumutugon sa iyo. Tandaan na ang mabilis na pagresponde ay maaaring makatulong upang maiwasan ang hindi pagtibok ng puso at mabawasan ang pagkasira ng muscle nito.
Bukod sa pagtawag ng ambulansya, maaari ding tumawag sa iba tulad ng sa insurance company ng pasyente, doktor, at mga malalapit na kamag-anak.
May mga insurance na pangkalusugang nagbibigay ng tulong sa emergency care sa pinakamalapit na ospital. Tatawagan nila ang kanilang emergency network provider at sasabihin sa iyo ang tamang paraan ng pagsasagawa ng first aid.
2. Luwagan ang masikip na damit at ilagay ang pasyente sa komportableng posisyon
Matapos tumawag ng tulong, ang kasunod na unang hakbang sa pagsasagawa ng first aid sa atake sa puso ay ayusin ang posisyon ng pasyente.
Hayaan ang pasyente na magpahinga nang nakaupo sa sahig habang nakabaluktot ang mga hita at may suporta sa likod at ulo. Upang makatulong sa kanyang paghinga, luwagan ang anomang masikip niyang damit lalo na ang nasa bahagi ng dibdib at baywang.
3. Manatiling kalmado
Mahalaga ang laging manatiling kalmado sa ganitong uri ng emergency. Kung nababalisa ang pasyente, maaari nitong mapalubha ang sitwasyon dahil kakailanganin ng kanyang puso ng mas maraming oxygen. Kaya kung tinutulungan mo ang isang pasyenteng nakararanas ng atake sa puso, huwag magpanik at sabihin sa kaniya na huminga nang malalim at paparating na ang ambulansya.
4. Kung walang malay ang pasyente, magsagawa ng CPR
Isinasagawa ang CPR kung ang pasyente ay mawalan ng malay at tumigil sa paghinga. Kung wala kang CPR training, ipapayo sa iyo ng doktor ang pagsasagawa ng 100 hanggang 120 chest compression kada minuto.
Ang emergency dispatcher na iyong kausap sa telepono ay sasabihan ka ng mga tamang paraan hanggang sa dumating ang ambulansya.
First Aid Sa Atake Sa Puso: Ano Ang Dapat Gawin Kung Ikaw Ang Inatake Sa Puso?
- Huwag na subukan pang magmaneho nang mag-isa upang pumunta sa ospital.
- Tumawag ng ambulansya, kamag-anak, o kaibigan upang ipaalam sa kanila ang iyong sitwasyon at sabihan silang agad kang puntahan.
- Subukang hindi isara ang pinto ng bahay. Maupo nang nakahugis ‘W’ ang mga hita at sumandal sa pader.
- Maaaring resetahan ka ng iyong doktor ng gamot na Glyceryl Trinitrate (GTN) upang mapaluwang ang iyong coronary arteries. Gayundin, upang mapabuti ang suplay ng oxygen sa muscle ng iyong puso at mabawasan ang pananakit.
Mga Maling Paniniwala
May mga first aid sa atake sa puso na kumakalat sa online mula sa ibang tao. Ang mga ito ay hindi pinatutunayan at sinusuportahan ng mga doktor.
Hindi dapat pansinin ng mga tao ang mga maling paniniwalang ito na may kaugnayan sa atake sa puso.
1. Cough CPR
Ito ay kapag kailangan mong huminga nang malalim at umubo nang walang tigil. Ang pagsasagawa nito ay pinaniniwalaang nakapipiga ng puso at nakapagpapanatili ng sirkulasyon ng dugo. Sa kasalukuyan, walang medikal na patunay na ang prosesong ito ay epektibo.
2. Cayenne pepper at tubig
Ipinapayo ng ilang mga tao sa mga pasyenteng may atake sa puso ang pag-inom ng tubig na hinaluan ng isang kutsarang cayenne pepper. Sinasabing napatataas nito ang tibok ng puso at muling nababalanse ang sirkulasyon ng dugo sa buong katawan. Subalit walang medikal na ebidensya kung ang cayenne pepper ay maaaring gamitin bilang emergency aid sa atake sa puso.
Mga Bagay Na Dapat Dalhin Sa Ospital
Kung ikaw ay may atake sa puso o may tyansang makaranas nito, mahalaga ang laging pagdadala sa ospital ng listahan ng iyong mga medikal na kondisyon, gamot, at allergies.
Bukod dito, kailangan din ang pagkakaroon ng listahan ng mga sumusunod at ilagay ito sa iyong pitaka o bag, kung magkaroon man ng emergency:
- Kumpletong tirahan
- Malalapit na tao na maaaring tawagan kapag may emergency, tulad ng iyong asawa o karelasyon, at kanilang numero ng telepono
- Pangalan at numero ng telepono ng iyong doktor
- Impormasyon tungkol sa iyong insurance
Key Takeaways
Bawat minuto ay mahalaga pagdating sa usapin ng first aid sa atake sa puso. Kung hindi agad magkakaroon ng karampatang gamutan, maaari itong maging sanhi ng pagkasira ng muscle ng puso.
Ang mahalagang tandaan ay ang agad na paghingi ng tulong. Bago pa man dumating ang ambulansya, ang emergency dispatcher ay bibigyan ka ng mga pinakaepektibong paraan upang matulungan ang pasyente.
Kung ikaw ay may tyansang makaranas ng atake sa puso, huwag magpanik, laging dalhin ang iyong gamot, at ipaalam sa taong iyong pinagkakatiwaan ang iyong medikal na kalagayan. Tandaan: ang pagsasagawa ng first aid sa atake sa puso ay maaaring makapagligtas ng buhay sa mga malulubhang medical emergency.
Matuto pa tungkol sa Sakit sa Puso dito.