Mahalaga ang bakuna sa trangkaso dahil isa itong nakakahawang viral infection sa ilong, lalamunan at baga. Kilala ito sa medical circles bilang influenza, at ang sakop nito ay mas mataas sa mga bata at younger adults, kumpara sa mga matatandang indibidwal. Ang influenza ay nauugnay sa kamatayan sa tumataas na edad at lalo na para sa mga taong may underlying health conditions, tulad ng chronic heart disease.
Ang mga recent research ay nagpapakita ng mga ugnayan at koneksyon sa pagitan ng sakit sa puso at trangkaso. Sa madaling sabi, ang flu shot o bakuna sa trangkaso ay isang mahalagang bahagi ng pag-iwas sa sakit sa puso.
Sakit sa Puso at Trangkaso
Makikita na ang mga taong may problema sa puso ay mas mataas ang risk na magkaroon ng trangkaso, kaysa sa mga taong may iba pang pangmatagalang sakit o long-term illness.
Ang viral infections tulad ng trangkaso ay naglalagay ng karagdagang stress sa katawan at maaaring makaapekto sa presyon ng dugo, tibok ng puso, at pangkalahatang paggana ng puso.
Napansin din ng American Heart Association na para sa mga taong may cardiovascular disease, ang pagkuha ng bakuna sa trangkaso ay maaaring makapagbawas ng panganib ng pagka-ospital at iba pang major health events. Kabilang ang mga atake sa puso o stroke, at kamatayan.
Noong 2019, sinabi ni Dr. Eduardo Sanchez ang punong opisyal ng medikal para sa pag-iwas sa American Heart Association na mayroong listahan ng mga bagay na dapat gawin upang maiwasan ang second heart attack o stroke o iba pang malubhang komplikasyon dahil sa trangkaso.
Ang Bakuna sa trangkaso bilang Preventive Measure
Magandang preventive measure ang pagbabakuna para sa trangkaso partikular sa mga taong may history ng stroke at atake sa puso dahil nakakatulong ito upang maiwasan ang pagkakaroon ng mas malalang medikal na komplikasyon at batay kay Sanchez dapat na mabakunahan annually ang mga taong may malubhang isyu sa kalusugan.
“Para sa aming mga pasyente na may mga malalang sakit, tulad ng high blood pressure, diabetes, o emphysema, napakahalagang makuha ang bakuna sa trangkaso. Dahil malaki ang komplikasyon na pwedeng makuha sa trangkaso kapag may chronic disease ang isang tao,” pagdaragdag ni Sanchez.
Mahalagang tandaan na ang bakuna sa trangkaso ay hindi 100% epektibo ngunit ito pa rin ang pinakamahusay na depensa laban sa trangkaso para sa mga matatanda at highest risk group (kabilang ang mga may sakit sa puso). Inirerekomenda ng mga doktor na kumuha sila ng flu shot bilang bahagi ng pag-iingat.
Ang pinakakilalang benepisyo ng bakuna sa trangkaso ay ang pananatili nito sa pag-iwas sa influenza infection at cardiovascular complications.
Sa isang bagong hypothesis mula 2020, ine-encourage sa pamamagitan ng vaccine immunity at modulation of on-going immuno-inflammatory response ang influenza-independent effects lalo sa mga taong may cardiovascular disease at matatandang indibidwal.
Nakatutulong ba ang Flu Shot para sa mga May Sakit sa Puso?
Kung mayroon kang sakit sa puso, mas malamang na magkaroon ka ng komplikasyon mula sa trangkaso. Kasama sa mga komplikasyong ito ang pulmonya, bronchitis, lung failure, atake sa puso, o severe case ng kamatayan. Ang trangkaso rin ay maaaring magpalala sa pagpalya ng puso, diabetes, hika, o iba pang mga dati nang kondisyon.
Patuloy na aktibong pinag-aaralan ng researchers ang mga benepisyo at panganib ng taunang flu shot sa mga taong may sakit sa puso. Iminungkahi din ng ilang pag-aaral na ang bakuna sa trangkaso ay nagpapababa ng risk sa heart attack, stroke, at kamatayan mula sa isang cardiovascular event.
Ang pagbabakuna sa trangkaso ay ligtas para sa karamihan ng mga taong may sakit sa puso, at sa pandemyang lumalaganap sa buong mundo ang pagkuha ng bakuna laban sa trangkaso ay mas mahalaga kaysa dati. Bagama’t nakatuon ang ating pansin sa COVID-19, parehong kumakalat ang COVID-19 at ang trangkaso sa bawat bansa.
Para sa mga taong nag-aalaga sa isang taong may sakit sa puso, dapat ka ring magpabakuna sa trangkaso taun-taon dahil nakakatulong ito na mapababa ang mga pagkakataon ng impeksyon para sa’yong sarili at sa mga nakapaligid sa’yo.
Pagkatapos naman magdusa mula sa isang cardiovascular events tulad ng stroke ang posibilidad ng pagtaas ng paglala ng sitwasyon ay maaaring maganap. Ngunit, sa pamamagitan ng pagkuha ng bakuna laban sa trangkaso, binabawasan nito ang panganib na magkaroon ng medikal na komplikasyon.
Matuto pa tungkol sa Sakit sa Puso dito.