Ang mga sakit na nauugnay sa puso ay ang nangungunang sanhi ng kamatayan sa buong mundo. At sa mga sakit na ito, atake sa puso ang isa sa mga pinakakaraniwan. Mainam na alamin mo ang mga senyales ng atake sa puso upang makahingi ka ng medikal na atensyon bago ito lumala.
Kapag alam mo ang mga unang babala ng atake sa puso, maaaring maging kapaki-pakinabang ito lalo na kung may mahal sa buhay na may mahinang kalusugan. Gayundin sa mga sintomas na nararamdaman niya sa atake sa puso. Maaari kang gumawa ng mga hakbang para sa mabilis na medikal na atensyon.
Senyales ng atake sa puso
Narito ang ilan sa mga paunang babala na palatandaan ng atake sa puso na dapat mong malaman.
Pananakit ng dibdib
Ang pananakit ng dibdib ay isa sa mga pinakakaraniwang palatandaan ng atake sa puso.
Kapag nangyari ang atake sa puso, ang daloy ng dugo sa iyong puso ay napuputol, o nababawasan nang husto. Kung ang daloy ng dugo sa puso ay apektado sa anumang paraan, nagdudulot ito ng kahirapan sa muscles ng puso na gawin ang kanilang trabaho. Nagiging sanhi ito ng pananakit at paninikip ng dibdib na kadalasang nauugnay sa atake sa puso.
Ang pananakit ng dibdib na nararanasan ng isang tao sa panahon ng atake sa puso ay iba sa iba pang uri ng pananakit ng dibdib, at tiyak na malalaman mo na may mali kapag naramdaman mo ito. Kaya mahalaga na laging bigyang-pansin kung ano ang sinusubukang sabihin sa iyo ng iyong katawan.
Inilalarawan ito ng ilan na isang uri ng bigat sa kanilang buong dibdib. Nagiging sanhi ito ng kinakapos na paghinga, hirap huminga, “burning”o “pinipiga” na pakiramdam.
Pagkahilo
Ito ang isa pang senyales ng atake sa puso. Ang pagkahilo ang pakiramdam na maaari kang himatayin o mawalan ng malay.
Sa kaso ng mga atake sa puso, nagreresulta ito sa kakulangan ng dugo na dumadaloy mula sa puso patungo sa utak. Dahil ang daloy ng dugo ay mahalaga sa utak ng isang tao. Kailangan mong humingi ng medikal na atensyon sa lalong madaling panahon kung nagsisimula kang makaramdam ng pagkahilo.
Pagduduwal
Ang isa pang karaniwang senyales ng atake sa puso na nauugnay sa pagkahilo ay ang pagduduwal. Sa katunayan, ang ilang mga tao ay nagsisimula pa ngang magsuka bago mangyari ang atake sa puso. Minsan, ang indigestion at pananakit ng tiyan ay maaari ding kasama sa mga pakiramdam na ito.
Ito ay partikular na sintomas na dapat bantayan sa mga matatanda at mga pasyenteng may diabetes. Ang atake sa puso ay maaaring naiiba tulad ng pananakit ng tiyan (lalo na sa epigastric area), pagduduwal, at pagsusuka.
Pananakit sa ibang bahagi ng katawan
Bukod sa nararanasang sakit sa dibdib, ang pananakit kung minsan ay nakakarating sa mga braso, panga, leeg, likod, at tiyan ng isang tao. Pagdating sa pananakit ng braso, kadalasan ang kaliwang braso ang apektado, ngunit maaari rin itong mangyari sa iyong magkabilang braso.
Ang pakiramdam na ito ay parang may lumalabas na sakit na nagmumula sa iyong dibdib, lumilipat palabas sa iba pang bahagi ng iyong katawan.
Kinakapos na paghinga
Ang kakapusan ng paghinga ay isa pang senyales ng atake sa puso. Ito ay maaaring mangyari nang mayroon o walang pananakit sa dibdib.
Ang dahilan kung bakit nakakaranas ka ng kakapusan sa paghinga ay dahil ang iyong puso na nagbobomba ng dugo at ang iyong paghinga ay malapit na magkaugnay. Nangangahulugan ito na kung may isang bagay na nagdudulot ng problema sa iyong puso sa pagbomba ng dugo, tulad ng paparating na atake sa puso, maaari ka ring makaranas ng hirap sa paghinga.
Ang isang mahalagang bagay na dapat tandaan sa kinakapos na paghinga ay maaaring mangyari nang biglaan at walang babala. Ibig sabihin, kung nakaupo ka lang, o hindi gumagawa ng anumang bagay mabigat na trabaho, at nakakaranas ng hirap sa paghinga, siguraduhing humingi ng medikal na atensyon sa lalong madaling panahon.
Ang isa pa sa senyales ng atake sa puso ay pagkapagod. Ito ay ang kakulangan ng enerhiya o pagod. Ang kapansin-pansin sa pagkapagod na dulot ng atake sa puso ay ito ay biglaan, at hindi maipaliwanag.
Nangyayari ito dahil nahihirapang tumibok ang iyong puso, kaya sinusubukan nitong mag-pump ng sobrang lakas para makabawi. Ito ang dahilan kung bakit ang pagkapagod ay isa sa mga mas karaniwang sintomas ng atake sa puso.
Ang isang ito ay kapansin-pansing sintomas. Ayon sa ilang mga tao na inatake sa puso nakaranas sila ng matinding pagkabalisa o anxiety bago ito mangyari.
Sinasabi nila na ito ay isang malakas na pakiramdam ng “nalalapit na kapahamakan” at tiyak na malalaman mo ito kung nangyari ito sa iyo.
Maaaring paraan ito ng iyong katawan ng pagsasabi na mayroong bagay na mali, at kailangan mong humingi ng tulong sa lalong madaling panahon.
Malamig na pawis
Ito ay isang mahalagang sintomas at isa sa mga senyales ng atake sa puso. Ang malamig na pawis, o kilala bilang diaphoresis, ay nangyayari dahil ang iyong puso ay kailangang gumawa ng dagdag na pagsisikap upang mag-bomba ng dugo sa katawan.
Dahil dito, ang iyong katawan ay nagsisimulang pawisan upang matulungan kang manatiling cool habang ang iyong puso ay nagsusumikap. Nagreresulta ito sa malamig na pawis na nangyayari bago ang atake sa puso.
Key Takeaways
Kung nakakaranas ka ng anumang kumbinasyon ng mga sintomas na nabanggit, pinakamainam na humingi kaagad ng medikal na atensyon. Bagaman posibleng ang ilang sintomas ay sanhi ng iba pang mga sakit, palaging mas mahusay na maging ligtas kaysa magsisi pagdating sa iyong kalusugan.
Sa halip na balewalain ang mga sintomas na ito, siguraduhing bigyang-pansin kung ano ang sinusubukang sabihin sa iyo ng iyong katawan.
Gaya ng dati, ang pagpapagamot kaagad ay pinakamainam pagdating sa mga atake sa puso. Makakatulong ito na masimulan ang iyong paggamot sa lalong madaling panahon. At maaaring makabuluhang mapababa ang panganib na maaari kang magkaroon ng isa pang atake sa puso sa hinaharap.
Matuto pa tungkol sa Heart Health, dito.
[embed-health-tool-bmi]