Pinakakaraniwang komplikasyon ng sakit sa puso ang heart failure. Sa kabutihang palad, may mga treatment upang makontrol ang problemang ito sa puso. Ngunit mas mahusay na maging pamilyar muna sa mga sintomas at senyales ng heart failure.
Ano Ang Heart Failure?
Sa kabila ng pangalan ng kondisyong ito, ang heart failure ay hindi tungkol literal na paghinto ng iyong puso sa pagtibok. Sa halip, tungkol ito sa kung paanong ang muscle ng puso ay hindi makapagbigay ng oxygenated na dugo na mahalaga para gumana nang maayos ang katawan.
Kapag nakaranas ka ng heart failure, nagpa-pump pa rin ng dugo ang iyong puso papunta sa lahat ng organs at mga cell sa katawan. Gayunpaman, hindi ito nagagawa ng puso sa pinakamaayos na paraan.
Ang heart failure ay nangyayari kapag ang muscle ng puso ay nagiging mahina at matigas. Resulta ito ng isa pang underlying condition.
Ano Ang mga Sanhi ng Heart Failure
Isang pangkaraniwang komplikasyon ng maraming malubhang kondisyon ang heart failure. Tulad ng ilang cardiovascular problems, sakit sa paghinga, at mga karamdaman sa dugo.
Narito ang ilang mga malalang sakit na maaaring maging sanhi ng heart failure:
- Ang Cardiomyopathy ay isang kondisyon ng cardiovascular na negatibong nakakaapekto sa muscle ng puso.
- Ang abnormal heart valves ay nagtutulak upang mag-pump nang matindi ang puso ng dugo. Ito ay dahil ang heart valves ay hindi nagbubukas o nagsasara nang lubos sa bawat pagtibok.
- Myocardial infarction o ang isang nakaraang atake sa puso ay pumipigil sa dugo at nutrisyon na makarating sa puso, na nagpapahina rito.
- Isang hanay ng mga birth defects ang congenital heart disease na nakaaapekto sa normal na paggana ng puso.
- Binabawasan ng coronary heart disease ang daloy ng dugo papunta sa puso dahil sa pagharang ng cholesterol (arteriosclerosis) sa coronary arteries.
- Ang severe lung disease ang nagdudulot sa katawan upang hindi makakuha ng sapat na oxygen. Kaya naman, naoobliga ang puso na magdoble trabaho upang makapagbigay ng mas maraming dugo at oxygen na kailangan ng katawan.
- Nagdudulot ang hypertension o high blood pressure sa puso na mag-pump ng dugo nang mas matindi kaysa sa normal dahil hinahadlangan ng HBP ang sirkulasyon ng dugo.
- Nauuwi ang Diabetes sa heart failure dahil sa mga komplikasyon nito tulad ng hypertension at atherosclerosis.
- Maaaring magresulta ang obesity sa heart failure dahil ang mga obese ay nangangailangan ng dagdag na suplay ng dugo upang mapunan ang tumataas nilang pangangailangan sa sustansya at oxygen.
- Ang sleep apnea ay nagdudulot sa katawan na maglabas ng stress hormones, na nagpapataas ng blood pressure. Pagkaraan, maaari itong mauwi sa mga problema sa puso.
Mga Senyales at Sintomas ng Heart Failure
Ang mga sintomas at palatandaan ng heart failure ay maaaring magkaiba-iba sa bawat tao dahil lahat tayo ay may iba’t ibang mga katawan at timbang. Narito ang mga sintomas at senyales ng heart failure na dapat mong bantayan
Kinakapos sa paghinga (dyspnea)
Pinakakaraniwang senyales ng heart failure ang kakapusan sa paghinga habang gumagawa ng pisikal na aktibidad. Ang kakapusan sa paghinga ay maaari pa ring mangyari kahit na nagpapahinga ang iyong katawan. Bilang karagdagan, kailangan mong humiga gamit ang isang karagdagang unan sa likod ng iyong ulo dahil makakahadlang sa iyong paghinga ang patag na paghiga.
Fatigue (matinding pagkapagod)
Ang iyong mga muscle ay maaaring hindi nakakakuha ng sapat na oxygen at dugo mula sa iyong puso dahil hindi ito mahusay sa pumping ng dugo sa lahat ng bahagi ng katawan. Maaari kang makaramdam ng sobrang pagod habang ginagawa ang iyong regular na gawain dahil ang iyong mga muscle ay kulang sa dugo at oxygen.
Increased heart rate
Sinusubukan ng sympathetic nervous system na gumawa upang mapunan ang kakulangan ng oxygen at dugo na natanggap ng utak at iba pang mga bahagi ng katawan. Pinakakawalan ang catecholamines sa blood stream, na nagpapakitid sa mga daluyan ng dugo at pinatataas ang rate ng puso. Ang mga artery ay sabay na lumalawak upang dalhin ang pagtaas ng supply ng blood flow sa utak at iba pang mahahalagang bahagi ng katawan.
Swelling (edema) at pagtaas ng timbang
Kapag ang iyong puso ay bumabagal sa pumping ng dugo, ang daloy ng dugo ay bumabalik sa mga ugat, na nagiging sanhi ng likido na mabuo sa iyong mga tissue. Ang pagpapanatili ng likido ay nagdudulot ng mga bahagi ng iyong katawan (mga bukung-bukong, binti, paa, at tiyan) upang mamanas at magdagdag ng karagdagang timbang sa iyong katawan.
Kawalan ng ganang kumain
Ang iyong digestive system ay hindi tumatanggap ng sapat na dugo. Nagreresulta ito sa mga problema sa pagtunaw. Nagdudulot ito ng pakiramdam na busog o may sakit.
Wheezing o paulit-ulit na pag-ubo
Ang heart failure ay nagiging dahilan ng pamumuo ng likido sa iyong mga baga at daanan ng hangin. Maaaring magkaroon ng puti o kulay-rosas na sipong may dugo kapag umubo.
Cognitive problems
Dahil ang daloy ng dugo ay hindi sapat, hindi nakakakuha ng oxygenated na dugo ang utak na kailangan upang gumana ito nang maayos. Ang nabawasan na daloy ng dugo sa utak ay maaaring maging sanhi ng mga cognitive problem tulad ng pagkalito at pagkawala ng alaala.
Kung nakakaranas ka ng alinman sa mga sintomas at senyales ng heart failure na ito, tawagan kaagad ang iyong doktor o magtungo sa ospital.
Pamamahala at Pag-iwas sa Heart Failure
Ang heart failure ay isang panghabambuhay na kondisyon dahil nasisira nito ang iyong puso sa paglipas ng panahon. Gayunpaman, mayroon pa ring mga paraan upang pamahalaan ito at maiwasang lumala.
Narito ang ilang mga tip sa pamamahala at pag-iwas sa heart failure:
Kumain nang masustansya
Ang pagkonsumo ng mga pagkain na mababa sa sodium at saturated fat ay nakakatulong na maiwasan ang heart failure na lumala. Ang masusustansyang pagkain tulad ng mga prutas, gulay, at lean protein ay tumutulong sa iyong presyon ng dugo mula sa pagtaas.
Regular na pag-eehersisyo
Nagpapalakas ng iyong katawan at puso ang paggawa ng mga physical exercise. Gayundin, makakatulong sa iyo na makamit ang isang malusog na timbang ang regular na pag-eehersisyo. Dahil ang labis na katabaan ay isa sa mga karaniwang sanhi ng heart failure.
Itigil ang paninigarilyo
Ang paninigarilyo ay hindi mabuti para sa iyong kalusugan. Lalo na kung nagdurusa ka na sa heart failure. Inirerekomenda na huminto ka sa paninigarilyo sa lalong madaling panahon. Nakaaambag sa paglala ng mga sakit ang paninigarilyo.
Pansinin ang mga pamamaga
Suriin kung ang ilang mga bahagi ng iyong katawan ay namamaga nang labis o hindi. Ang pamamaga sa iyong katawan ay indikasyon kung lumalala ang iyong kondisyon. Kung nangyari ito, ipaalam sa iyong doktor.
Umiwas sa mga stressful condition
Ang stress ay maaaring mag-trigger ng mga sakit na maaaring negatibong makaapekto sa iyong puso. Kung nai-stress ka, ang iyong sugar sa dugo, presyon ng dugo, kolesterol, at triglyceride levels ay tumataas na nagpapalala ng heart failure. Hangga’t maaari, huwag maglagay ng higit na stress sa iyong puso.
Kontrolin ang pag-inom ng alak
Kung nakararanas ka ng heart failure, malamang na payuhan ka ng iyong doktor na limitahan o iwasan ang pagkonsumo ng alkohol. Ang pag-inom ng mga inuming nakalalasing ay nagdaragdag ng higit na presyon sa iyong puso dahil maaari itong makaapekto sa iniinom mong mga gamot. Maaari din nitong itaas ang rate ng iyong puso at presyon ng dugo.
Limitahan ang pagkonsumo ng sodium
Ang labis na paggamit ng sodium ay puwedeng makadagdag sa high blood pressure. Kapag hindi nakontrol ang pagkonsumo ng sodium, maaaring lumala ang water retention sa katawan. Magdudulot ito ng paglala ng pamamaga.
Bawasan ang pagkonsumo ng saturated and trans fat
Ang sobrang saturated at trans fat sa diyeta ay maglalagay sa iyo sa mas malaking peligro ng cardiovascular disease.
Inumin at bantayan ang iyong mga gamot
Tiyaking iniinom mo ang lahat ng mga gamot na ibinigay sa iyo ng iyong medical provider. Sundin ang oras at routine sa pag-inom ng gamot.
Tanungin lamang ang iyong doktor tungkol sa mga karagdagang gamot na maaaring makatulong sa iyong kondisyon. Huwag mag-self medicate. Dahil mas magiging vulnerable ka sa heart failure at mapalala ang mga sintomas at senyales ng heart failure.
Bantayan ang iyong timbang at blood pressure
Ang pagsubaybay sa iyong timbang at blood pressure ang tutukoy kung nagiging mabuti ang kondisyon mo o mas lumalala. Kung napansin mong tumataas ang iyong timbang, ibig sabihin, dumadami ang fluid sa iyong katawan. Pinakamabuting tawagan agad ang iyong doktor.
Key Takeaways
Ang puso ay isa sa mga pinakaginagamit na mahalagang organs sa iyong katawan. Kaya ang dagdag na pagbabantay kung gumagana nang maayos ang iyong puso ay nakapagpapababa ng tsansang makaranas ka ng mga sintomas at senyales ng heart failure.
Kung kasalukuyang nakikipaglaban ka sa kondisyong ito, tiyaking sinusunod mo ang lahat ng payo ng iyong doktor sa lahat ng oras. Huwag mag-self medicate o maghintay pa na lumala ang kondisyon.
Hindi na maibabalik sa dati (irreversible) at itinuturing na isang pangmatagalang kondisyon ang heart failure. Gayunpaman, ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa kung paano pamahalaan ito nang maayos ay makakatulong sa iyo na magkaroon ng matagal at mabungang buhay.
Matuto pa tungkol sa kalusugan ng puso dito.