Ang cardiomyopathy ay isa sa maraming sakit sa puso na maaaring lubhang makaapekto sa regular na paggana ng puso. Sa ilang mga kaso, maaari itong humantong sa heart failure o kamatayan. Paano matutukoy ang mga sintomas ng cardiomyopathy ayon sa uri?
Una, ang pag-unawa sa mga sintomas ng cardiomyopathy ay mahalaga sa pag-diagnose at paggamot kung ang sakit ay nasa mga unang yugto pa lamang. Matuto tungkol sa mga uri at sintomas ng cardiomyopathy.
Sanhi Ng Cardiomyopathy
Hindi pa rin sigurado ang mga doktor tungkol sa tiyak na sanhi ng cardiomyopathy. Gayunpaman, iminumungkahi ng datos na ang cardiomyopathy ay maaaring:
- Inherited o namamana: Maaaring maipasa ang cardiomyopathy sa mga miyembro ng pamilya sa pamamagitan ng partikular na mutation ng gene.
- Acquired o nakukuha: Ang ilang mga kondisyon tulad ng altapresyon o diabetes ay maaaring maging sanhi ng sobrang paggana ng puso. Ito ay nagreresulta sa pagkapal ng cardiac muscle. Mayroon ding cardiomyopathy na sanhi ng sakit na dulot ng virus.
Sintomas Ng Cardiomyopathy
Maaaring iba-iba ang mga sintomas ng cardiomyopathy, depende sa kalubhaan at mga bahagi ng puso na apektado. Sa ilang mga kaso, ang mga sintomas ay maaaring hindi maramdaman ng pasyente o hindi lubhang malala na maging sanhi ng alalahanin.
Kung hindi gagamutin, ang cardiomyopathy ay maaaring maging sanhi ng mga sintomas na indikasyon din ng heart failure. Ang mga sintomas ng advanced na stages ng cardiomyopathy ay kinabibilangan ng:
- Pagkapagod
- Pamamaga ng tiyan, binti, bukung-bukong, ugat sa leeg, at paa
- Pakiramdam na hinihingal o nahihirapan huminga
- Pagsakit ng dibdib
- Hindi regular na tibok ng puso, na tinatawag ding arrhythmia
- Pagkahilo
- Heart murmurs, na kung may sobrang tunog nG puso pagkatapos ng tibok nito
Gayunpaman, ang mga sintomas na ito ay hindi para sa lahat ng uri ng cardiomyopathy. Mahalagang matukoy ang mga sintomas ng bawat uri nito. Sa ganitong paraan ay matutulungan ang doktor na ma-diagnose kung anong uri ng cardiomyopathy ang mayroon ang pasyente.
Sintomas Ng Cardiomyopathy Ayon Sa Uri Nito
Narito ang mga sintomas ng cardiomyopathy ayon sa uri, at ang mga senyales at sintomas na dapat bantayan.
Dilated Na Cardiomyopathy
Ang dilated cardiomyopathy (DCM) ay ang pinakakaraniwang uri ng cardiomyopathy, lalo na para sa mga taong higit 20 taong gulang. Sa mga taong may DCM, ang kanilang puso ay mas mahina at hindi kayang mag-pump ng dugo na kasing-ayos ng nararapat.
Ito ay sanhi ng pagnipis (dilation) ng myocardium na matatagpuan sa kaliwang ventricle, na siyang bahagi ng puso na pangunahing responsable sa pag-pump ng dugo.
Bilang resulta, ang mga bahagi ng puso ay lumalaki para sa mas maraming dugo. Gayunpaman, ang cardiac muscle ay nagsisimulang humina habang kumakalat ang DCM sa ibang bahagi ng puso tulad ng kanang ventricle at atria. Ang ganitong uri ng cardiomyopathy ay maaaring magdulot ng pamumuo ng fluid sa ibang bahagi ng katawan dahil sa kakulangan ng suplay ng dugo.
Ang mga sintomas ng DCM na dapat bantayan ay ang mga sumusunod:
- Edema, kadalasang dulot ng pananatili ng fluid.
- Pakiramdam ng “pag-flutter” sa dibdib, o palpitations na sanhi ng hindi regular na tibok ng puso (arrhythmia)
- Ang pamumuo ng mga buong dugo dahil sa hindi regular na daloy ng dugo sa buong katawan. Ito ay maaaring maging banta sa buhay kung ang namuong dugo ay mapupunta sa utak (stroke) o sa mga baga (pulmonary embolism).
- Kahirapang huminga
- Paghingal habang nakahiga
- Paroxysmal nocturnal dyspnea, kung saan ay kakapusan sa paghinga ay nagiging dahilan ng pagkagising ng mga pasyente
- Epekto sa kakayahang mag-ehersisyo
- Peripheral edema
Hypertrophic Cardiomyopathy
Mula sa salitang “hypertrophy”, ang hypertrophic cardiomyopathy (HCM) ay nailalarawan sa pamamagitan ng hindi normal na pagkapal ng cardiac muscle. Karaniwang nakaaapekto ang HCM sa septum, na wall ng puso na naghihiwalay sa kaliwa at kanang ventricles.
Dahil sa makapal na septum sa puso, maaaring hindi makadaloy nang maayos ang dugo palabas ng puso (obstructive hypertrophic cardiomyopathy).
Gayunpaman, ang HCM ay maaari ding maging sanhi upang ang mga bahagi ng puso ay lubhang mabawasan ang dami ng dugo na kayang i-pump palabas ng puso.
Kabilang ang mga sumusunod sa mga sintomas ng hypertrophic cardiomyopathy:
- Kakapusan sa paghinga, na karaniwan sa mga may HCM dahil sa mataas na presyon sa baga
- Panghihina, o pagkahimatay (syncope) na maaaring sanhi ng hindi regular na tibok ng puso
- Arrhythmia, o hindi regular na pagtibok ng puso
Restrictive Cardiomyopathy
Sa restrictive cardiomyopathy (RCM), ang myocardium na matatagpuan sa mga bahagi ng puso ay nagiging matigas at hindi nababaluktot.
Bagama’t ang puso ay maaaring walang problema sa pagpigil o pagpiga ng dugo, ang cardiac muscle ay maaaring hindi maayos na makapagrelaks. Nagreresulta ito sa pagbaba ng dami ng dugo sa mga bahagi ng puso.
Ang mga sintomas ng RCM ay maaaring hindi malinaw sa simula, ngunit maaaring kabilang ang:
- Kakapusan sa paghinga kahit na nagpapahinga
- Pamamaga ng mga binti at braso o extremities, sanhi ng pamamuo ng fluid na resulta sa hindi pagkakaroon ng sapat na dugo na pina-pump sa buong katawan
- Ubo
- Pagkahilo, o maging pagkahimatay
Arrhythmogenic Right Ventricular Cardiomyopathy
Isang uri ng cardiomyopathy ang Arrhythmogenic Right Ventricular Cardiomyopathy o ARVC. Inilalarawan ito bilang pagkasira ng cardiac muscles, na nagreresulta sa pagkakaroon ng scar tissue kung saan dapat naroroon ang myocardium.
Nakaaapekto ang ARVC sa electrical stimulus na nagbibigay sa puso ng kakayahang tumibok. Ginagawa nitong mas mahirap para sa puso na mag-pump ng dugo habang ang myocardium ay nagiging mas manipis at nababawasan ang pagiging elastiko.
Ang mga sintomas ng arrhythmogenic right ventricular cardiomyopathy ay maaaring hindi malinaw sa simula. Maaari ding magawa ng isang indibidwal ang kanyang karaniwang gawain kahit na mayroon siyang ARVC.
Gayunpaman, habang lumulubha ang sakit, maaaring magsimulang maramdaman ang mga sintomas kabilang ang:
- Arrhythmia, ang hindi regular na pagtibok ng puso ng isang tao dahil sa pagkagambala sa electrical pathways na nagpapatibok ng puso
- Panghihina, pangunahing dahilan nito ay ang kakulangan ng oxygen at dugo na sinusuplay sa utak
- Kakapusan sa paghinga (dyspnea) na kadalasang nangyayari dahil sa namuong fluid sa baga
- Pamamaga ng mga binti, tiyan, o bukung-bukong (edema), na sanhi rin ng pamaumuo ng fluid dahil sa kakulangan sa dugong dumadaloy sa ibang bahagi ng katawan
Key Takeaways
Maaaring magkakapareho ang mga sintomas ng cardiomyopathy sa lahat ng uri nito, depende sa kalubhaan ng pinsalang dulot nito sa cardiac muscles at sa mga bahagi ng puso na apektado. Kung nakararanas ng kombinasyon ng mga nabanggit na sintomas, siguraduhing ipaalam ang mga alalahaning ito sa doktor sa lalong madaling panahon.
Matuto pa tungkol sa Cardiomyopathy rito.