Ano Ang Atherosclerosis? Ano Ang Mga Sintomas Ng Atherosclerosis?
Sa kasalukuyan, walang lunas sa atherosclerosis. Gayunpaman, ang paglubha ng kondisyong ito ay maaaring mapabagal sa pamamagitan ng gamot na statin na nakapagpapababa ng lebel ng cholesterol at ng mga pagbabago sa diet. Ang atherosclerosis ay ang namuong mga taba, cholesterol, at iba pang mga sangkap sa loob ng artery at sa walls nito. Tinatawag na plaque ang pamumuong ito. Ang plaque ay maaaring maging sanhi ng pagkitid ng arteries, at nakahahadlang sa pagdaloy ng dugo. Maaaring ding sumabog ang plaque, at humantong sa pamumuo ng dugo. Ang plaque ay maaaring magkapira-piraso at maging sanhi ng mga pamumuo ng dugo na maaaring humantong sa atake sa puso o stroke. Ano-ano ang ilang sa mga sintomas ng atherosclerosis? Alamin sa artikulong ito.
Anu-Ano Ang Mga Sintomas Ng Atherosclerosis?
Karamihan sa mga sintomas ng atherosclerosis ay hindi nararamdaman hanggang sa magkaroon ng pagbabara. Ang mga karaniwang sintomas ng atherosclerosis ay ang mga sumusunod:
- Pananakit ng dibdib o angina
- Pananakit ng binti, braso, o saan mang bahagi na may baradong artery
- Cramp sa puwit, guya, o hita. Paulit-ulit na nararamdaman ang cramp, na lumulubha kung nagsasagawa ng ehersisyo at naibsan sa pamamagitan ng pahinga.
- Kakapusan sa paghinga
- Pagkapagod
- Pagkalito — na nangyayari kung ang pagbabara ay nakaaapekto sa sirkulasyon ng dugo sa utak
- Pagkawala ng motor o sensory function sa isang bahagi ng katawan
- Panghihina ng muscle sa binti dahil sa mahinang sirkulasyon
Mayroon ding mga noncoronary atherosclerotic na sintomas, tulad ng hindi gumagaling na mga sugat, impotence, pagbaba ng timbang, at pananakit ng tiyan.
Bukod pa rito, mahalagang maunawaan ang mga senyales ng atake sa puso at stroke, na parehong maaaring dulot ng atherosclerosis. Agad na tumawag para sa agarang interbensyong medikal.
Anu-Ano Ang Mga Senyales Ng Atake Sa Puso?
Ang mga sumusunod ay ang mga senyales ng atake sa puso:
- Matinding bigat sa dibdib na umaabot sa kanang braso o panga
- Pananakit sa tiyan
- Kahirapan sa paghinga, pagpapawis, at pagkahilo
- Pagsusuka o pagduduwal
- Pagkawala ng malay
- Mabilis na tibok ng puso
Anu-Ano Ang Mga Senyales Ng Stroke?
Ang mga sumusunod ay ang mga sintomas ng stroke:
- Pamamanhid o panghihina ng mukha o paa
- Mga kahirapan sa pagsasalita
- Kahirapang maunawaan ang pagsasalita
- Problema sa paningin
- Biglang problema sa pagbabalanse at paglalakad
- Matinding pananakit sa ulo
- Kalituhan
- Pangingisay
- Kawalan ng malay
Parehong emergency ang atake sa puso at stroke. Kung makaranas ng mga senyales ng atake sa puso o stroke, tumawag sa hotline ng ospital o sa lokal na mga serbisyong emergency at pumunta sa emergency department ng ospital sa lalong madaling panahon.
Ano Ang Dapat Gagawin Kung Makaranas Ng Mga Sintomas Ng Atherosclerosis?
Kung magkaroon ng pagbabara sa artery, kadalasan ay hindi ito nawawala. Ngunit maaari itong pabagalin o pahintuin ang plaques sa pamamagitan ng gamot at mga pagbabago sa paraan ng pamumuhay. Sa papamagitan ng mabisang therapy, maaaring bahagyang mag-contract ang mga ito.
Pagbabago Sa Paraan Ng Pamumuhay
Ang balanseng diet, regular na ehersisyo, at pagtigil sa paninigarilyo ay mga pagbabago sa paraan ng pamumuhay na maaaring makapagpabagal o makapagpahinto ng atherosclerosis. Bagama’t hindi maaalis ng mga ito ang bara, ang mga pagbabagong ito ay natuklasang nakapagpapababa ng tyansa ng atake sa puso at stroke.
Gamot
Mapababagal at posibleng mapahinto ang Atherosclerosis sa tulong ng mga gamot para sa mataas na cholesterol at altapresyon. Nakapagpapababa rin ito ng tyansa ng atake sa puso at stroke.
Mga Pagsusuri
Sa umpisa, kabilang sa mga pagsusuri ang pagsusuri sa dugo at imaging scans — walang proseso hanggang sa magmungkahi ang doktor ng isa o ilan. Kaya naman napakahalagang kumonsulta sa doktor kung nakararanas ng mga sintomas ng atherosclerosis.
Intervention Strategies
Kung ang isang tao ay ma-diagnose na may atherosclerosis, posibleng magmungkahi ang doktor ng mga pagbabago sa paraan ng pamumuhay, tulad ng pagkakaroon ng diet na malusog sa puso, regular at wastong ehersisyo, at pagtigil sa paninigarilyo. Maaari ding magreseta ng mga gamot, tulad ng mga gamot sa cholesterol. Depende sa kondisyon ng pasyente, maaari ding imungkahi ang mga sumusunod na intervention strategy:
Angiography At Stenting
Upang ma-access ang apektadong arteries, ang doktor ay magpapasok ng isang manipis na tubo sa isang artery sa binti o braso; ang mga pagbabara ay makikita sa isang live na X-ray screen. Ang angioplasty, na gumagamit ng catheter na may lobo sa dulo, at ang stenting ay maaaring madalas na magbukas sa baradong artery. Gayunpaman, ang stenting ay nagkapagpapagaan lamang sa mga sintomas at hindi napipigilan ang atake sa puso.
Bypass Surgery
Madalas na ginagamit ng doktor ang isang malusog na ugat nadaluyan ng dugo mula sa binti o dibdib upang iwasan ang baradong bahagi.
Endarterectomy
Pinapasok ng doktor ang arteries sa leeg upang alisin ang plaque at ayusin ang daloy ng dugo. Para sa mga indibidwal na may mataas ang panganib, maaari ding maglagay ng stent.
Fibrinolytic Therapy
Ang namuong dugo na bumabara sa artery ay nasisira sa pamamagitan ng gamot.
Tatalakayin ng doktor sa pasyente ang mga panganib sa bawat pamamaraan.
Key Takeaways
Sa pamamagitan ng gamutan, maaaring mapabuti ang kalusugan. Ngunit maaaring kailanganin ng mahabang panahon. Ang kalubhaan ng sakit, mga sintomas ng atherosclerosis, pinsala sa iba pang organs, at kung ang pagtigas ng artery ay maaaring mabago ay lahat nakasalalay sa pagtugon ng katawan sa gamutan. Ang pagkakaroon ng malusog na paraan ng pamumuhay at pagsasaayos sa nutrisyon ay maaaring makatulong na pabagalin ang proseso o mapigilan ang paglubha ng kondisyon.
Gawin ang mga kinakailangang pagbabago sa paraan ng pamumuhay kasabay ng regular na konsultasyon sa doktor. Makatutulong ang mga ito sa paggamot ng kondisyon at sa pag-iwas sa side effects.
Matuto pa tungkol sa Atherosclerosis dito.