Milyon-milyong mga tao sa buong mundo ang may high blood. Sa katunayan, mahigit 20% ng mga Pilipino ang naiulat na mayroon nito. Dahil dito, maaaring ikaw o ang iyong kakilala ay sumasailalim sa gamutan para sa kondisyong ito. Subalit paano makontrol ang high blood? Alamin sa artikulong ito ang kasagutan.
Paano Makontrol Ang High Blood Para Sa Mga Nakatatanda?
Kadalasan, ang high blood ay kung ang blood pressure ay sumobra sa normal reading na 120/80 mmHg. Gayunpaman, ang iisang reading ng numerong ito hindi awtomatikong nangangahulugang ikaw ay may high blood. Ngunit paano makontrol ang high blood?
Maraming kategorya o mga yugto ang high blood, bawat isa ay may kanya-kanyang paraan ng pagkontrol. Kaya naman, ang unang hakbang upang makontrol ito ay ang magpasuri at diagnose sa doktor.
Pagkontrol Sa Bahagyang Mataas Na Blood Pressure (Prehypertension)
Bagama’t ang bahagyang mataas na blood pressure ay hindi awtomatikong nangangahulugang ikaw ay may altapresyon, ito ay maaaring maagang senyales. Sa yugtong ito, ang blood pressure ay nasa pagitan ng 120/80 hanggang 129/80 mmHg. Karamihan sa mga tao ay hindi nakararamdam ng anomang mga sintomas sa yugtong ito, kaya madalas itong hindi natutuklasan hanggang sa sumapit ito sa stage 1 o stage 2.
Mabuti na lamang, ang yugtong ito ay hindi pa nangangailangan ng anomang espesyal na gamutan. Ang diet at ehersiyong cardiovascular ay mainam gawin upang mabuti ang kalusugan ng puso. Maging maingat sa pagkain ng mga matataba, maaalat, at masyadong matatamis na mga pagkain. Sa halip, kumain ng diet na mas masustansya para sa puso, tulad ng whole grains, fiber, at lean protein.
Pagkontrol Sa Stage 1 High Blood
Ang yugtong ito ay ang unang “opisyal” na yugto ng high blood. Kung ang iyong blood pressure ay nasa pagitan ng 130/80 hanggang 139/80 mmHg, ikaw ay may stage 1 high blood ayon sa American College of Cardiology and American Heart Association.
Ang diet at ehersisyo ay maaaring hindi na sapat upang ito ay makontrol. Kaya naman, maaaring ireseta ng iyong doktor ang mga gamot para sa high blood. Ang mga pasyenteng mayrooon ng diabetes, CKD, o may mataas na tyansang magkaroon ng atake sa puso o stroke ay bibigyan ng maraming mga gamot.
Pagkontrol Sa Stage 2 High Blood
Ang pagkontrol sa stage 2 high blood ay nangangailangan ng pagsisimula ng mga gamot. Kung walang ibang co-morbidities o kung kamakailan ay hindi nagkaroon ng history ng diabetes o sakit sa puso, maaaring ikaw ay resetahan ng isa o dalawang blood pressure-lowering agents.
Susuriin ng doktor ang iyong kalagayan at tutukuyin ang BP na dapat mong panatilihin. Kailangan pa rin ang diet at ehersisyo, maging ang pag-inom ng mga gamot. Ang hindi pag-inom ng gamot ay maaaring maging sanhi ng mga problema o maaaring humantong sa mas mataas na blood pressure.
Kumonsulta sa iyong doktor o pharmacist kung ikaw ay nakararanas ng anomang side effects habang umiinom ng mga gamot.

Wastong Pagsukat Sa Blood Pressure
Dagdag pa, kailangan ang regular na pag-alam ng iyong blood pressure para sa pagkontrol ng parehong stage 1 at stage 2 na high blood. Ang pag-alam kung paano wastong sukatin ang iyong blood pressure ay mahalaga para sa tamang readings.
Maging ang mga pinakasimpleng bagay ay maaaring makaapekto sa iyong blood pressure, kabilang na ang iyong pag-upo o pagtayo at kung ikaw ay nasa bahay o klinika.
Maraming tao ang nagkakaroon ng mas mataas na reading ng blood pressure kung sila ay nasa klinika o ospital. Ito ay ang tinatawag na “white coat hypertension.”
Narito ang ilang mga payo kung paano magkaroon ng wastong reading ng blood pressure:
- Tiyaking ikaw ay may sapat na pahinga at hindi stress o balisa.
- Suriing mabuti ang iyong BP apparatus bago kunin ang iyong blood pressure. Kung depektibo ang pump o cuff, hindi wasto ang magiging reading.
- Maupo nang tuwid habang ang braso ay komportableng nakapatong sa lamesa, panatilihin ang siko ay kalebel ng dibdib.
- Iwasan ang pag-inom ng mga inuming caffeinated o ng mga tiyak na gamot bago sukatin ang iyong BP.
- Umihi bago sukatin ang iyong BP.
Paano Makontrol Ang High Blood Para Sa Mga Emergency?
Kung ang blood pressure ng isang tao ay lubhang umabot nang higit sa 180/120 mmHg, ito ay tinatawag na hypertensive crisis.
Ang hypertensive crisis ay isang medikal na emergency dahil maaari itong magresulta sa permanenteng injury o maging kamatayan.
Narito ang mga maaaring mangyari kung may hypertensive crisis:
- Pagkasira ng organ
- Matinding pananakit ng ulo
- Pananakit ng dibdib o likod
- Kahirapang huminga
- Panghihina
- Kahirapang magsalita
- Pangingisay
Ang pagkontrol sa hypertensive crisis ay nangangailangan ng agarang pagbibigay ng mga gamot upang mapababa ang blood pressure. Kadalasan, ang pasyente ay binibigyan ng IV injection. Matapos ito ay susubaybayan nang madalas ang iyong blood pressure upang matiyak na epektibo ang mga gamot.
Para sa hypertensive crises na kinabibilangan din ng iba pang mga kondisyon tulad ng myocardial infarction (MI), stroke, o pulmonary edema, ang mga kondisyong ito ay gagamutin din. Ang hypertensive crises ay hindi isang kondisyong maaaring magamot sa bahay. Mahalagang agad na maisugod sa ospital ang pasyente.
Ang isa pang emergency na sanhi ng high blood pressure ay ang gestational hypertension. Maaaring makaranas ang isang buntis ng pagtaas ng kanyang blood pressure matapos ang 20 linggo ng pagbubuntis. Ang preeclampsia ay isang sakit na kinabibilangan ng mataas na blood pressure, pagkakaroon ng protina sa ihi, at edema.
Kung hindi ipagagamot, ang preeclampsia ay maaaring maging eclampsia na nagreresulta sa pangingisay dulot ng mataas na blood pressure. Ang eclampsia ay isang uri ng hypertensive crisis habang nagbubuntis. Bagama’t ito ay bihira, nalalagay sa panganib ang ina at ang sanggol dahil sa eclampsia.
Ang pagkontrol sa gestational hypertension ay iba mula sa ibang uri ng sakit sa altapresyon. Ito ay dahil marami sa mga gamot ay maaaring makasama sa fetus.
Ang ilang mga gamot na ginagamit upang mapababa ang blood pressure ay may vasodilators, beta-blockers, at calcium channel blockers. Para sa mga kababaihang mayroon ng high blood bago pa man magbuntis, ang kanilang mga gamot ay maaaring iba.
Key Takeaways
Sa kabuoan, ang pagkontrol sa high blood ay nakasentro sa iisang pangunahing layunin: mapababa ang blood pressure. Ang bawat yugto ng high blood ay nangangailangan ng magkakaibang pamamaraan at target na blood pressure.
Kadalasan, ang pag-iwas ay mas mainam kaysa sa paglunas, lalo na sa mga kondisyong tulad ng high blood. Ang pagpapanatili ng masustansyang diet, aktibong paraan ng pamumuhay, at regular na pag-inom ng iniresetang mga gamot ay makatutulong upang makontrol ang blood pressure.
Matuto pa tungkol sa Altapresyon dito.