Ang pagbubuntis ay isang napakamapanganib na panahon. Hindi lamang ang kalusugan ng ina ang nakataya, kundi maging ng anak. Sa panahong ito, maraming mga kondisyong pangkalusugan ang maaaring makaapekto sa kalusugan ng ina at ng sanggol. Isa na rito ay ang high blood sa buntis. Sa artikulong ito, malalaman ang mga sanhi ng high blood sa buntis, mga posibleng komplikasyon, at mga paraan upang maiwasan ito.
Ano ang high blood sa buntis?
Kinakailangang sumailalim ng katawan sa napakaraming pagbabago habang nagbubuntis. Ito ay bilang paghahanda sa paglaki ng sanggol sa loob ng ilang buwan. Ang presyon ng dugo ng ina ay maaaring maapektuhan sa panahong ito.
Ang high blood sa buntis ay tinatawag na gestational hypertension. Karaniwan itong nagsisimula sa ika-20 linggo ng pagbubuntis. Kadalasang nawawala ang kondisyong ito matapos manganak.
Kung ang ina ay mayroon ng high blood bago pa man ang pagbubuntis (o ang ika-20 linggo ng pagbubuntis) at pagkatapos manganak, tinatawag ang kondisyong ito na chronic hypertension. Ang chronic hypertension at gestational hypertension ay parehong maaaring humantong sa preeclampsia. Ang preeclampsia ay isang malubhang kondisyon na kakikitaan ng altapresyon at pagkakaroon ng protina sa ihi. Ang kondisyong ito ay maaaring humantong sa mga malulubhang komplikasyon para sa ina at sa sanggol.
Ano-ano ang mga sanhi ng high blood sa buntis?
Walang nakaaalam sa tiyak na sanhi ng high blood sa buntis. Subalit ang ilang mga kondisyon ay maaaring makapagpataas ng tyansa sa pagdebelop nito. Ang ilan sa mga kondisyong ito ay ang mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng high blood bago pa man ang pagbubuntis
- Problema sa bato o chronic kidney disease
- Pre-gestational diabetes
- Ang edad ng ina ay 20 pababa o 40 pataas
- Maraming ipinagbubuntis na sanggol
- Kumonsulta sa iyong doktor kung ikaw ay may tyansang magkaroon ng high blood habang nagbubuntis.
Sino ang maaaring magkaroon ng ganitong kondisyon?
May mas mataas kang tyansa na makaranas ng high blood sa iyong pagbubuntis kung ikaw ay:
- Unang beses na magbuntis
- Overweight bago ang unang pagbubuntis
- Mahigit 40 taong gulang
- May family history ng preeclampsia
Katulad ng nabanggit kanina, ang mga kababaihang nagbubuntis ng kambal o mahigit pang sanggol ay mayroon ding mas mataas na tyansa na magkaroon ng kondisyong ito.
Ano-ano ang mga epekto ng high blood sa buntis?
Paano nakaaapekto ang high blood sa buntis at sa kanyang anak? Ang mga epekto nito ay lubhang nagbabago at maaaring katamtaman lamang ang sakit o malubha. Narito ang ilan sa mga malulubhang epekto ng high blood sa buntis:
- Problema sa organs katulad ng bato
- Mahinang pagdaloy ng dugo patungo sa placenta sa loob ng sinapupunan
- Pre-term birth
- Pagtaas ng tyansa ng pagkakaroon ng sakit sa puso
Kung ang gestational hypertension ay humantong sa preeclampsia, maaari itong magresulta sa pagkasira ng mahahalagang organs tulad ng atay at bato.
Ano ang gamot sa high blood sa buntis?
Ang gamot sa high blood sa buntis ay depende sa lapit ng kabuwanan o ng araw ng panganganak. Kung nadebelop na ang sanggol at tila walang mga komplikasyon o problema, maaaring irekomenda ng doktor na ipanganak na agad ang sanggol. Ang preeclampsia ay maaaring humantong sa eclampsia. Ang eclampsia ay isang bihira subalit napakamapanganib na sakit na dahilan ng seizures.
Sa katunayan, ang high blood sa buntis ay hindi nangangailangan ng gamot dahil nawawala rin naman ito matapos manganak. Subalit maaaring irekomenda ng doktor ang pag-inom ng mga gamot para sa chronic o matagal ng altapresyon.
Paano natutuklasan ng doktor ang high blood sa buntis?
Ang mga buntis ay dapat na regular na nagpapakonsulta sa doktor. Susuriin ng doktor ang presyon ng dugo ng ina habang nagpapakonsulta. Dahil ang gestational hypertension ay kadalasang nararanasan sa ika-20 linggo o pagkatapos ng ika-20 linggo ng pagbubuntis, babantayan ito nang mabuti ng iyong doktor.
Mahalagang tandaan na ang high blood ay kadalasan walang sintomas maliban na lamang kung napakataas. Kung magkaroon ka man nito, babantayan ka nang mabuti ng iyong doktor upang tingnan ang iba pang mga pagbabago. Babantayan ng doktor ang pagkakaroon ng ibang senyales, tulad ng pagkakaroon ng protina sa ihi (na maaaring sintomas ng problema sa bato).
Paano maiiwasan ang pagkakaroon ng high blood sa buntis?
Ano ang pinakamabuting paraan upang maiwasan ang high blood sa buntis? Sa kasalukuyan, walang tiyak na paraan upang maiwasan ito. Subalit may mga sanhi ang altapresyon na maaaring makontrol. Ang pinakamainam na gawin habang nagbubuntis ay ang pagpapakonsulta sa iyong doktor upang mas mabantayan ang iyong kondisyon.
Tiyaking walang nakakalimutang konsultasyon sa iyong doktor. Sundin ang kanyang mga rekomendasyon pagdating sa iyong diet at pag-eehersisyo.
Nario ang ilang mga rekomendasyon upang mapanatili ang magandang kalusugan habang nagbubuntis at upang maiwasan ang gestational hypertension:
- Uminom ng maraming fluids
- Dagdagan ang pagkain ng mga pagkaing may protina
- Magkaroon ng sapat na pahinga habang nag-eehersisyo nang regular
- Itaas ang iyong mga paa nang maraming beses sa bawat araw. Dapat ito ay mas mataas kaysa sa normal na posisyon.
- Iwasan ang pag-inom ng alak
Key Takeaways
[embed-health-tool-bmi]














