backup og meta

Para saan ang losartan at iba pang "sartan" na gamot?

Ang Angiotensin II Receptor Blockers o ARBs drugs ay karaniwang gamot na ibinigay sa mga taong may altapresyon. Narito ang mga dapat mong malaman kung ano ang losartan – ang epekto nito sa katawan, pag-inom, at side-effects nito.

Para saan ang losartan at iba pang "sartan" na gamot?

Listahan ng ARBs Drugs

Bago natin alamin kung ano ang losartan – ang epekto nito sa katawan, pag-inom, at side-effects nito, isa-isahin muna natin ang mga halimbawa ng angiotensin II receptor blockers. Kabilang dito ang mga “sartan” na gamot tulad ng:

  • Losartan
  • Valsartan
  • Irbesartan
  • Olmesartan
  • Telmisartan
  • Eprosartan
  • Candesartan

Ano ang Losartan: Ang mga Epekto nito sa Katawan

Bagama’t ang angiotensin II receptor blockers ay karaniwang gamot para sa altapresyon, mahalagang tandaan na inirerekomenda rin ito ng mga doktor para sa ibang sakit. Halimbawa ng mga sakit na ito ay ang sakit sa puso at chronic kidney disease. Maaari din itong inumin ng mga pasyente matapos makaranas ng atake sa puso.

Ngunit paano nagiging epektibo ang “sartan” na gamot sa altapresyon? Ano ang epekto nito sa katawan?

Hinaharang ng ARBs drugs ang receptors kung saan umaatake ang hormone angiotensin II. Ang angiotensin II ay pinakadahilan ng pagsisikip o pagsasara ng mga ugat na daluyan ng dugo at ng pagpapanatili ng asin at tubig. Ang mga ito ay nakaaapekto sa pagtaas ng presyon ng dugo.

Sa pamamagitan ng pagharang sa receptors, pinipigilan ng ARBs drugs ang epekto ng angiotensin II. Ito ay nakatutulong sa paggamot sa altapresyon.

Ang ARBs Drugs ba ay Katulad ng ACE Inhibitors?

Ang Angiotensin-converting enzyme (ACE) inhibitors ay nagbibigay ng kaparehong epekto ng “sartan” na gamot. Ngunit ang epekto nito sa katawan ay iba.

Pinipigilan ng angiotensin II receptor blockers ang pagkilos ng hormone. Sa kabilang banda, ang ACE inhibitors naman ay pumipigil sa mga tiyak na enzymes sa paglikha ng angiotensin II.

Ano ang Losartan: Paano Inumin ang mga “Sartan” na Gamot

Ang pag-inom ng angiotensin II receptor blockers ay nakadepende sa tiyak na gamot na ibibigay sa iyo ng doktor. 

Ang mga “sartan” na gamot ay may iba’t ibang dosage forms; maaaring bigyan ka ng doktor ng paunang dose isang beses sa isang araw o dagdagan ito depende sa kondisyon o reaksyon ng iyong katawan.

Tandaan na ang lahat ng angiotensin II receptor blockers ay may maximum na dose araw-araw. Halimbawa, ang maximum na dose araw-araw ng losartan ay 100 mg; sa kabilang banda, ang valsartan ay may 320 mg.

Ang iba pang pangkalahatang tuntunin sa pag-inom nito ay ang mga sumusunod:

  • Regular na pag-inom ng gamot, mahighit na sundin ang reseta.
  • Pag-inom ng gamot kahit na ang iyong BP ay maging normal.
  • Pagiging maingat sa potassium supplements dahil ang ARBs drugs ay maaaring makapagpataas ng lebel ng potassium.

At sa huli, magpakonsulta sa iyong doktor. Huwag kalimutang dalhin ang lahat ng mga mahahalagang resulta ng laboratory test, rekord ng iyong blood pressure readings, at rekord ng mga side effect, kung mayroon man. Sa pamamagitan nito ay malalaman ng doktor kung maganda ang epekto ng gamot sa iyo.

Ano ang Losartan: Side Effects

Kung ikaw ay umiinom ng anomang ARBs drugs, maaari mong maranasan ang mga sumusunod na side effects:

  • Pagkahilo
  • Hyperkalemia o mataas na lebel ng potassium
  • Angioedema o pamamaga ng balat dahil sa pamumuo ng fluid

Gayundin, tandaan na ang ilang angiotensin II receptor blockers ay maaaring may side effects na wala sa ibang ARBs drugs. Halimbawa: Ang olmesartan ay maaaring maging sanhi ng problema sa tiyan, tulad ng pagtatae.

Ano ang Losartan: Interaksyon sa mga pagkain at alak

Bago ka resetahan ng anomang angiotensin II receptor blocker, tatanungin ka ng doktor ng iba pang gamot na iyong iniinom.

Ito ay dahil karaniwan sa mga pasyenteng may altapresyon ay may iba pang iniinom na gamot (lalo na sa kaso ng resistant hypertension). Kung pinahinto o binago ng iyong doktor ang pag-inom mo ng iyong mga gamot, ito ay marahil dahil sa posibilidad ng drug interactions.

Halimbawa, ang pag-inom ng potassium-sparing water pills o painkillers habang umiinom ng angiotensin II receptor blockers ay nakapagpapataas ng tyansa ng hyperkalemia (mataas na lebel ng potassium sa dugo).

Gayundin, maaaring ipayo sa iyo ng doktor ang paglimit sa pag-inom ng alak at iwasan ang mga salt substitutes na may potassium.

Pangunahing Konklusyon

Ang Angiotensin II receptor blockers o ARBs drugs ay karaniwang gamot para sa altapresyon. Sa pamamagitan nito, lumalawak ang mga ugat na daluyan ng dugo at naiiwasan ang pananatili ng asin at tubig. Dahil dito, bumababa ang presyon ng dugo.

Karamihan sa ARBs drugs ay mga maintenance na gamot, na kailangang inumin isang beses sa isang araw kahit na ang presyon ng iyong dugo ay maging normal.

Matuto pa tungkol sa altapresyon dito.

[embed-health-tool-bmi]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Angiotensin receptor blockers (ARBs), https://www.bhf.org.uk/informationsupport/heart-matters-magazine/medical/drug-cabinet/arbs, Accessed October 28, 2021

Angiotensin II receptor blockers, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/high-blood-pressure/in-depth/angiotensin-ii-receptor-blockers/art-20045009, Accessed October 28, 2021

Angiotensin II receptor blockers (ARBs), https://www.uofmhealth.org/health-library/pl1009, Accessed October 28, 2021

Angiotensin II Receptor Blockers (ARB), https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK537027/, Accessed October 28, 2021

ARBs (angiotensin II receptor blockers), https://www.heartandstroke.ca/heart-disease/treatments/medications/angiotensin-receptor-blockers, Accessed October 28, 2021

Kasalukuyang Version

02/24/2026

Isinulat ni Jan Alwyn Batara

Sinuri ang mga impormasyon ni Jan Alwyn Batara

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Anu-ano ang mga Nirereseta na Gamot para sa High Blood?

High Blood Sa Buntis: Paano Ito Nangyayari, At Paano Ito Maiiwasan?


Sinuri ang mga impormasyon ni

Jan Alwyn Batara


Isinulat ni Jan Alwyn Batara · a

ad iconPatalastas

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconPatalastas
ad iconPatalastas