backup og meta

Mga Dapat Malaman Tungkol Sa Blepharitis

Mga Dapat Malaman Tungkol Sa Blepharitis

Ano ang sanhi ng blepharitis? Ang blepharitis  ay isang kondisyon sa  mata na nakaaapekto sa mga talukap ng nito. Sanhi ito ng baradong oil glands na namamaga at nagpoprodyus ng malagkit na discharge. Dagdag pa, ito ay tila balakubak — nagdidikit ng mga talukap ng mata, na nagiging sanhi ng pamumula, pangangati, at pamamaga. Ang mga sintomas ng kondisyong ito ay maaaring magdulot ng hindi komportableng pakiramdam, ngunit hindi ito nagtatagal.

Sa kabutihang palad, ang kondisyong ito ay hindi nakakahawa. Anuman ang edad ng tao ay maaaring magkaroon ng blepharitis dahil ito ay isang karaniwang kondisyon sa mata. Ang kapaligiran ay may malaking epekto sa mga nagiging sanhi nito. May mga gamot na nakapagpapahupa ng mga sintomas nito ngunit hindi para sa ganap na paggaling.

Mga Uri Ng Blepharitis

May dalawang pangunahing uri ng blepharitis — ang anterior at posterior. Gayunpaman, tinutukoy ng ophthalmologists ang apat pang mga karagdagang uri ng blepharitis. Narito ang mga uri ng kondisyong ito at ang kani-kanilang mga itsura at sintomas:

  • Anterior blepharitis. Nakaaapekto ito sa panlabas na bahagi ng mata, lalo na sa mga talukap. Kabilang sa mga karaniwang sanhi nito ay ang balakubak at bakterya.
  • Posterior blepharitis. Naaapektuhan nito ang loob na gilid ng talukap, ang bahaging partikular na dumidikit sa mata. Ito ay kadalasang sanhi ng baradong oil glands sa talukap, maging ng iba pang mga karaniwang kondisyon sa balat, tulad ng rosacea at balakubak.
  • Staphylococcal blepharitis. Kapansin-pansin sa ganitong uri ang golden-yellow crusting na may kaugnayan sa eyelid erythema at posibleng pink eye o sore eyes/conjunctivitis.
  • Seborrheic blepharitis. Ito ay isang uri ng blepharitis na nakikita bilang parang balakubak na kaliskis sa paligid ng mga takip ng pilikmata na may bahagyang pamumula.
  • Ulcerative blepharitis. Lumilitaw ito na may mga matitigas na crust na dumidikit sa mga pilikmata. Nagdudulot ito ng pagdurugo kung aalisin. Ang ganitong uri ay maaaring humantong sa pamamaga ng cornea.
  • Meibomian blepharitis. Ang itsura ng talukap ay kulay pula dulot ng baradong oil glands na may parang balakubak sa balat.

Anu-Ano Ang Mga Sanhi Ng Blepharitis?

Hindi pa natutukoy ang tiyak na bagay na nagiging sanhi ng blepharitis. Gayunpaman, narito ang ilang mga posibleng dahilan at mga kondisyong may kaugnay sa kondisyong ito:

  • Labis na bakterya, karaniwang nakukuha mula sa ibang bahagi ng balat
  • Dermatitis o rosacea, dandruff flakes mula sa anit o kilay
  • Parasites, tulad ng eyelash mites at kuto mula sa anit
  • Impeksyong nakukuha mula sa herpes simplex virus (HSV)
  • Baradong oil glands sa mga talukap
  • Allergy sa pagkakalantad sa allergen

Madaling magkaroon ng ganitong kondisyon ang mga taong nakararanas ng panunuyo ng mga mata.

sanhi ng blepharitis

Mga Sintomas Ng Blepharitis

Karaniwang makikita ang senyales at sintomas ng kondisyong ito sa umaga, pagkagising. Kabilang dito ang:

  • Matigas na discharge mula sa mata, na katulad ng dandruff flakes
  • Namumula at namamagang mga talukap, minsan ay may kaugnayan sa pangangati at mainit na pakiramdam sa mga mata
  • Pagdidikit ng mga talukap ng mata na nagpapahirap na imulat ang mga ito
  • Pagkurap paminsan-minsan kaysa karaniwan
  • Nakararanas ng pagiging sobrang sensitibo sa liwanag
  • Labis na pagluluha na may foamy texture, na nagreresulta sa pangingilid ng mga mata
  • Pakiramdam na parang may nakaharang sa paningin
  • Pagkakaroon ng malabong paningin na sa kalaunan ay bumubuti sa pamamagitan ng pagkurap ng mga mata

Mga Komplikasyon

Ang ilan sa mga komplikasyon ay maaaring maging sanhi ng blepharitis, kabilang ang mga sumusunod:

  • Problema sa pilikmata. Ang blepharitis ay maaaring maging sanhi ng peklat sa mga talukap. Ito ay maaaring magresulta sa pagkawala o maling direksyon ng mga pilikmata.
  • Mga problema sa balat ng talukap. Maaaring magkaroon ng mga peklat, na nakaaaapekto sa direksyon ng talukap. Ang mga talukap ay maaaring lumiko papasok o palabas dahil sa matagal na pagkakaroon ng blepharitis.
  • Dry eye syndrome. Ang luha at oil glands na naipon sa talukap ay mabilis na nag-eevaporate, na humahantong sa iba pang mga problema rito. Ito ay isang karamdamang sanhi ng kawalang-tatag ng tear film na pumipigil sa pagkabasa ng talukap.
  • Stye. Isa itong impeksyong dulot ng bakterya sa pilikmata na kadalasang masakit dahil sa paglaki ng bukol.
  • Chalazion. Nangyari ito kapag barado ang oil glands sa likod ng mga pilikmata sa gilid ng talukap, na nagiging sanhi ng pamamaga at matigas na bukol.
  • Kulay rosas na mata. Ang matagal na blepharitis ay maaari ding maging sanhi ng episodes ng kulay rosas na mata, dahil maaari itong makairita sa mata. Kapag ang parehong mga kondisyon ay mangyari sa parehong pagkakataon, ito ay tinatawag na blepharoconjunctivitis.
  • Injury sa cornea. Maaari itong ma-trigger ng mga pilikmatang may maling direksyon. Nagiging sanhi ito ng pagkakaroon ng sugat at peklat sa cornea. Maaaring mapataas ng mga panunuyo ng mata ang tyansa ng pagkakaroon ng kondisyong ito.

Gamot Sa Blepharitis

Narito ang ibang mga gamutang makatutulong upang mabawasan ang mga sintomas. Ang mga ito ay nangangailangan ng reseta para sa mga kailangang gamot. Ang mga gamutang ito ay ang mga sumusunod:

  • Eyelid scrubs. Ito ay ang paglilinis ng mga talukap ng mata sa pamamagitan ng pag-alis sa mga dumi, mites, at bakteryang naipon sa gilid ng talukap. Maaaring komunsulta sa doktor para sa reseta ngmga panlinis ng mata.
  • Warm compress. Maglagay ng mainit na compress sa ibabaw ng mata sa loob ng 15 minuto, nang hindi bababa sa 2 beses sa isang araw.
  • Mga gamot. Kung ang blepharitis ay nagmula sa bakterya, ang doktor ay maaaring magreseta ng mga pampatak sa mata, ointments, o pills. Ang gamot na ito ay makatutulong upang makontrol at mabawasan ang pamamaga, pamumula, at iritasyong sanhi ng blepharitis. Gayunpaman, ang pampatak sa mata na tinatawag na artipisyal na luha ay maaari ding kasama sa reseta. Ito ay mabibili nang walang reseta sa mga bituka.

Key Takeaways

Ang blepharitis ay isang karaniwang kondisyon sa  mata na nagdudulot ng hindi komportable ngunit nakokontrol na mga sintomas. Ito ay hindi nakahahawa. Maaari lamang gamitin ang mga gamot para sa kondisyong ito upang mabawasan ang mga epekto ng mga sintomas, ngunit hindi ito isang lunas. Ang blepharitis ay maaari ding sintomas ng isa pang kondisyon ng mata. Ang pagsasagawa ng mabuti at wastong hygiene ay maaaring makatulong upang maiwasan kung ano ang nagiging sanhi ng blepharitis. Maaari itong makatulong sa pagpigil ng pagkakaroon ng sakit na ito.

Matuto pa tungkol sa mga Sakit sa Mata dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Blepharitis, https://www.nei.nih.gov/learn-about-eye-health/eye-conditions-and-diseases/blepharitis#section-id-941, Accessed January 8, 2021

Blepharitis, https://www.aoa.org/healthy-eyes/eye-and-vision-conditions/blepharitis?sso=y#, Accessed January 8, 2021

Blepharitis, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/blepharitis/symptoms-causes/syc-20370141, Accessed January 8, 2021

Blepharitis: Causes, symptoms and treatment, https://www.allaboutvision.com/conditions/blepharitis.htm, Accessed January 8, 2021

Kasalukuyang Version

04/12/2023

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Victor Paulino, MD, DPBO

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Kuliti: Heto Ang Mga Dapat Mong Malaman

Mga Sanhi at Paggamot ng Lazy Eye


Narebyung medikal ni

Victor Paulino, MD, DPBO

Ophthalmology · Makati Medical Center


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement