Mahilig ka bang magsuot ng sunglasses bilang bahagi ng iyong porma at fashion? O isa ka sa mga nagsusuot ng sunglasses na may layunin na ingatan ang kalusugan ng iyong mga mata?
Anuman ang sagot mo sa dalawang tanong na ito, napakahalaga ng sunglasses sa fashion at kalusugan. Sa aspeto ng fashion ng isang tao, ang pagsusuot ng sunglasses ay maaaring makapagbigay at dagdag ng karisma sa isang indibidwal. Habang sa aspeto naman ng kalusugan napakahalaga ng pagsusuot nito para protektahan ang ating mga mata. Ngunit sa kasamaang-palad, hindi ito alam ng marami sa atin ang benepisyong hatid ng sunglasses sa’ting kalusugan.
Kaya naman, patuloy na basahin ang article na ito para malaman ang benepisyo ng pagsuot ng sunglasses, at ano ang mga tip sa pagpili ng sunglasses na balak ninyong bilhin.
5 Benepisyo ng Pagsuot ng Sunglasses, Ayon sa Eksperto!
- Proteksyon sa Ultraviolet Ray
Tandaan na kung gaano kahalaga na protektahan ang iyong balat mula sa mga epekto ng araw, mahalaga din na protektahan ang iyong mga mata mula sa mga nakakapinsalang epekto ng ultraviolet (UV) ray na galing sa matinding sikat ng araw. Kaya naman, ito ang una sa pinakamahalagang benepisyo ng pagsuot ng sunglasses, dahil maaaring magkaroon ng nakakapinsalang epekto sa talukap ng iyong mga mata, kornea, lens at retina ang matindi mong exposure sa UV.
- Nababawasan ang risk sa skin cancer
Maaaring matatagpuan malapit sa talukap ng mata ang skin cancer, kaya’t kailangan mong protektahan ang iyong mata at mga nakapaligid na lugar gamit ang UV protected sunglasses.
- Naiiwasan ang migraine
Ang mga sinag ng araw ay maaaring maging trigger sa migraines, kaya ang pagsuot ng sunglasses ay maaaring makatulong na mabawasan ang kalubhaan at dalas ng iyong migraines.
- Prevention ng macular degeneration
Ang macular degeneration ay isang kondisyon kung saan lumalala ang macula sa paglipas ng panahon. Kung saan, nagiging sanhi ito ng panlalabo ng mga mata at sa ilang mga kaso ay pagkabulag. Pinapabilis ng UV rays ang prosesong ito kaya napakahalagang protektahan ang iyong mga mata sa pamamagitan ng pagsusuot ng sunglasses.
- Napapababa ang risk ng katarata
Ayon sa mga doktot, ang katarata ay isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkabulag. Ang pagbuo ng katarata ay pinahuhusay ng UV rays, at ang pagsusuot ng sunglasses na may UV protected lens ay makakatulong na mabawasan ang pagkakaroon nito.
Ngayon na alam mo na ang mga benepisyo ng sunglasses sa kalusugan ng iyong mata, narito naman ang mga tip sa pagbili nito.
4 Tips Sa Pagpili Ng Sunglasses Na Gagamitin
- May UV protection
Maganda kung ang sunglasses na bibilin ay may UV protection at dapat mong i-check kung nagtataglay ba ng gasgas o scratches ang salamin nito. Sapagkat ang sirang protective coating salamin ay maaaring maging sanhi para makapasok ang UV rays sa iyong mata.
- Tingnan ang angkop na size batay sa iyong pangangailangan
Ang mas malalaking frame ay sumasakop sa mas malaking bahagi ng mukha. Kung saan, nagbibigay ito ng higit na proteksyon para sa balat at mga mata. Huwag mo ring kakalimutan na ang sunglasses na nagtataglay ng wraparound lens ay maaaring maging kapaki-pakinabang para sa pagharang ng mga sinag na mula sa araw.
- Piliin ang sunglasses na may lighter lenses
Dahil ang UV protective coating ay malinaw, ang darker lenses ay hindi nangangahulugang mas kapaki-pakinabang kumpara sa lighter lenses. Gayunpaman, ang lighter lenses ay maaaring maging mas angkop para sa ilang mga setting at mas makita ang kapaligiran ng mabuti— at maiwasan ang mga aksidente.
- I-check ang quality ng sunglasses
Ang sunglasses na walang proteksyon sa UV ay maaari maging dahilan ng pagkakaroon ng mas mataas na risk para mapinsala ang mga mata. Dahil ang lenses na walang proteksyon sa UV ay humaharang sa visible light na sanhi ng pag-dilate ng pupils. Kung walang proteksyon sa UV, ang mas nakakapinsalang UV rays ay maaaring pumasok sa mga mata sa pamamagitan ng mga dilaedt na pupil, kahit na sa tingin mo ay protektado ka.
Payo ng mga doktor
Para mas maproteksyunan ang mga mata, mainam kung magpapakonsulta sa mga espesyalista ng mata upang mabigyan ka ng payo tungkol sa pangangailangan ng iyong mga mata. Makakatulong din sila para mas maunawaan mo ang mga benepisyo ng pagsuot ng sunglasses at kung paano ka mas makakapili ng angkop na salamin– at maiawasan ang pagkasira o pagkalabo ng paningin.