Ang strabismus o pagiging banlag (cross-eyed) o duling ng mata (wall-eyed) ay isang kondisyon ng mata kung saan ang dalawang mata ay hindi nakatingin sa parehong direksyon.
Ang pagiging banlag ng tao ay nangangahulugang ang kanyang mga mata ay hindi nakahanay sa isa’t isa. Kung kaya, hindi sila tumitingin sa parehong bagay sa parehong oras na nagpapahirap sa pagkuha ng malilinaw na mga imahe o mapagalaman kung gaano kalayo ang isang bagay.
Paano Naaapektuhan ng Pagiging Banlag ang Paningin?
Sa mga taong may normal na paningin, ang parehong mga mata ay nakatutok sa parehong lugar, punto, o direksyon. Ang magkakahiwalay na mga imahe na nakikita ng bawat mata ay pinagsama na ng utak upang bumuo ng isang solong imahe. Ang kakayahang ito ng utak ay nagbibigay-daan sa atin na makita kung gaano kalapit at malayo ang isang bagay (depth perception) sa pamamagitan ng pagkilala sa mga 3-D images.
Sa mga taong may strabismus, mayroong misalignment sa mga mata na nagiging sanhi ng dalawang magkaibang imahe na natatangap ng utak. Para sa mga matatanda, ang kondisyong ito ay maaaring magdulot ng malabo o dobleng paningin. Sa maliliit na bata, kung saan umuunlad pa ang kanilang mga mata, nakikita lamang nila ang imahe ng normal na mata. Ngunit, dahil sa pagiging banlag o duling ng mga mata ng iba, nawawala ang depth perception dahil natututo ang utak na pigilan ang imahe ng misaligned eye (amblyopia).
Ang Strabismus ay nailalarawan ayon sa direksyon ng hindi naka-align na mata:
- Esotropia – Papasok (patungo sa ilong)
- Exotropia – Palabas (patungo sa mga templo)
- Hypertropia – Pataas
- Hypotropia – Pababa
Ang mga karaniwang uri ng strabismus ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
- Infantile Esotropia – Karaniwan ito sa kapanganakan o nabubuo sa loob ng unang anim na buwan ng buhay. Ang karamdaman na ito ay laganap sa mga batang may cerebral palsy o hydrocephalus.
- Accommodative Esotropia – Malaki ang posibilidad na lalong magsumikap ang mga taong may mataas na halaga ng farsightedness sa pagtutok sa mga malapit na bagay. Bilang resulta, ang mga mata nila ay lumiliko sa loob.
- Intermittent Exotropia – Ang isang mata ay nakatutok sa isang bagay habang ang isa naman ay nakatingin sa labas. Hindi mapapansin ng pasyente ang anumang pagbabago sa paningin ngunit mapapansin ng ibang tao ang paglihis ng kanyang mga mata.
Ano ang mga Sanhi ng Pagiging Banlag na Mata o Duling ng Mata?
Maraming mga kadahilanan ang maaaring maging sanhi ng strabismus. Ito ay maaaring ang kondisyon mismo o sintomas ng isang pinag-uugatang sakit. Anim na muscles ang nagpapanatili sa mga mata na nakahanay. Kung ang isang sakit o pinsala ay nagdudulot ng anumang pinsala sa isa o higit pang mga muscle na nakadikit sa mata, ang isang tao ay maaaring magkaroon ng strabismus.
Ang mga posibleng sanhi ng strabismus ay:
- Ang mga mata ay maaaring hindi gumana nang maayos at magkasama (mahinang koordinasyon ng mata)
- Isang makabuluhang pagkakaiba sa optical prescription sa pagitan ng mga mata. (Ang kaliwang mata ay may grade na 0.5 habang ang kabilang mata ay may grade na 3.75 minus)
- Panghihina ng muscles sa mata
- Trauma sa ulo
- Mga sakit sa utak
- Matinding farsightedness
Mga Salik na Panganib ng Strabismus
Maaaring mangyari ang strabismus sa sinuman ngunit ang ilang mga tao ay mas madaling magkaroon ng naturang kondisyon.
- Family history. Kung ang tao ay may kamag-anak na mayroong strabismus ay mas malaking posibilidad makuha ito.
- Mga medikal na kondisyon. Ang mga taong may mga medikal na kondisyon lalo na ang mga nauugnay sa utak o mga ugat ay mataas ang posibilidad ng pagiging banlag.
- Farsightedness o High Grade Error of Refraction. Ang mga taong may malaking halaga ng farsightedness ay maaaring magkaroon ng strabismus lalo na kung ang kanilang refractive error ay hindi ginagamot.
Sintomas ng Strabismus
Ang susi sa pag-iwas sa mga komplikasyon sa paningin dulot ng pagiging banlag o pagiging duling ay ang maagang pagtuklas at paggamot. Ito ay lalo na kung ang isang tao o bata ay nagpapakita ng mga sintomas na ito, siguraduhing ipabisita sila sa isang ophthalmologist para sa tamang pagsusuri.
- Misaligned na mga mata
- Ang mga mata ay hindi gumagalaw nang sabay
- Dobleng paningin
- Pagkiling ng ulo para tingnan ang mga bagay-bagay
- Sobrang pagkurap at pagpikit
- Sakit ng ulo
- Pagsakit ng mga mata
- Pagkapagod kapag nagbabasa
- Kahirapan sa pagbabasa
Treatment sa Pagiging Banlag o Duling
Ang layunin ng paggamot sa strabismus ay upang magkaroon ng normal na paningin sa pamamagitan ng muling pag-align ng mga mata. Sa pamamagitan ng pagwawasto sa maling pagkakahanay, pinipigilan ang utak na sugpuin ang imahe ng hindi naka-align na mata. Depende sa sanhi, mayroong ilang mga treatment para sa strabismus.
- Occlusive patching.Kung ang strabismus ay na-diagnose sa mga unang taon ng pagkabata, ang pagtatakip sa mas maayos na mata ay maaaring magpilit ng paggamit ng hindi nakaayos na mata upang mapabuti ang paningin.
- Treatment ng mga kondisyon ng mata. Ang mga kondisyon ng mata tulad ng katarata ay maaaring maging sanhi ng pagbaling ng mata. Ang paggamot muna sa pinagbabatayan na kondisyon ay isang hakbang sa paggamot sa strabismus.
- Eye muscle exercises. Ang isang optometrist o ophthalmologist ay maaaring mapadali ang mga ehersisyo na makatutulong upang ituon ang parehong mga mata sa isang direksyon.
- Prism glasses. Ang mga prism glasses ay isang espesyal na uri ng mga salamin na maaaring mag-udyok sa hindi pagkakapantay-pantay na mata na tumingin sa tamang direksyon. Binabago ng prism ang liwanag na pumapasok sa mata, na nagpapababa o nagtatanggal din ng double vision.
- Eyeglasses. Ang strabismus ay minsan sanhi ng isang refractive error. Ang pagsusuot ng tamang prescription glasses upang itama ang naturang refractive error ay maaaring makatulong gamutin ang strabismus.
- Eye muscle surgery. Ang strabismus ay nangyayari kapag ang mga muscle na nakadikit sa mata ay naninigas, nasira, o nanghihina. Maaaring baguhin ng eye muscle surgery ang haba o posisyon ng muscle gayundin ang pagluwag o paghigpit ng muscle upang ang mga mata ay magkapantay. Ang mga taong sumasailalim sa operasyon sa mata ay maaaring mangailangang sumailalim sa vision therapy upang mapabuti ang koordinasyon ng mata at maiwasan ang mga mata na hindi muling magkatugma.
- Botox. Sa ilang mga kaso, maaaring gamitin ang botox upang maparalisa ang mga muscle na pumipigil sa mga mata mula sa pagkakahanay nang maayos. Ang epekto ng botox ay maaaring tumagal ng ilang buwan. Subalit, maaaring makatulong ito sa permanenteng pagpapabuti ng pagkakahanay ng mata.
Prevention
Dahil ang strabismus ay maaaring mamana, mahirap ito iwasan, ngunit ang mga komplikasyon na may kaugnayan sa sakit ay maaaring maiwasan. Kung matukoy at magamot nang maaga lalo na sa mga bata, maaari pa ring itama ang strabismus. Pinapayuhan ang mga bata na sumailalim sa pagsusuri sa mata bago ang 6 na buwang gulang at muli sa pagitan ng 3-5 taong gulang.
Mahalagang Mensahe
Ang strabismus ay isang kondisyon ng mata kung saan ang mga mata ay misaligned, na nagiging sanhi ng amblyopia. At sa mga matatanda naman ay double vision. Ang pagiging banlag at pagiging duling ay maaaring sanhi ng ilang mga kadahilanan. Ito ay kinabibilangan ng family history, mga sakit sa utak, at matinding refractive error. Kung matukoy nang maaga, maaaring magamot ang mga komplikasyon tulad ng amblyopia at pagkawala ng depth perception.
Alamin ang iba pa tungkol sa Kalusugan dito.