backup og meta

Mga Uri ng Katarata: Ano ang Pinagkaiba sa mga Sanhi?

Mga Uri ng Katarata: Ano ang Pinagkaiba sa mga Sanhi?

Tiyak na makakaapekto sa iyong araw-araw na buhay ang pagkakaroon ng katarata, at maaari din itong unti-unting lumala kung hindi matugunan. Alamin dito ang tungkol sa mga uri ng katarata.

Paano Nakakaapekto ang mga Katarata sa Paningin ng Tao?

Para malinaw tayong makakita, kailangang pumasok ng liwanag sa ating mga mata at maabot ang mga layer sa likod ng mata na responsable sa pagdadala ng mga signal sa ating utak para sa paningin. Ang transparent at parang gel na lens sa loob ng mata ang nagtututok ng liwanag sa likod ng mata. Tinututok nito ang liwanag sa pamamagitan ng pagbabago ng kurbada nito. Ang kakayahan ng lens na baguhin ang anyo nito ang nagbibigay-daan sa atin na makita nang malinaw ang mga bagay sa iba’t ibang distansya.

Sa mga taong may katarata, mayroong sclerosis o pagtigas ng lens. Kapag nangyari ang pagtigas nito, hindi makapag-adjust nang maayos ang lens na nagiging sanhi ng mga problema sa paningin. Pinipigilan din ng matigas na bahagi ng lens ang liwanag na dumaan sa mata, na siyang pangunahing dahilan kung bakit nahihirapan ang mga pasyenteng may katarata na makakita ng kahit ano sa gabi, at nangangailangan sila ng malakas na ilaw kapag gumagawa ng mga gawain.

Ano ang unang senyales ng katarata? Mga kailangan mong malaman

Mga Uri ng Katarata Ayon sa Sanhi

Maraming uri ng katarata at nahahati ito ayon sa kung ano ang naging sanhi at kung saang bahagi ng lens ang tumitigas.

Katarata na may kaugnayan sa edad

Karaniwang nagkakaroon ng katarata na may kaugnayan sa edad dahil sa mga normal na pagbabago sa mga mata ng tao habang tumatanda. Habang tumatanda ang lens, tumitigas ang gitna ng lens o nucleus. Nangyayari ito sa mga taong lampas sa edad na 40. Ang mga katarata na may kaugnayan sa edad ang pinakakaraniwang anyo ng mga katarata na bumubuo sa karamihan ng kaso ng katarata.

Katarata sa mga bata

Maaari din mangyari sa mga bata ang mga katarata. Maaaring magkaroon ng masama at permanenteng epekto ang katarata sa mga bata kung hindi ito gagamutin. Lumalaki pa ang mata ng isang bata mula 8 – 10 na taong gulang. Maaaring nagkakaroon ng katarata sa mga bata dahil sa mga metabolic na sakit gaya ng diabetes o pinsala sa mata.

Tinatawag na congenital cataracts ang uri ng katarata na nangyayari mula pagsilang pa lamang o sa unang taon ng bata. Maaaring magkaroon ng katarata ang mga bata na may impeksyon tulad ng HIV, rubella, bulutong-tubig, syphilis, at herpes sa panahon ng pagkabata. Maaari din mangyari ang ganitong uri ng katarata sa mga sanggol na maagang ipinanganak o may family history ng congenital cataract.

Traumatic Cataract

Maaaring mangyari ang katarata pagkatapos ng isang malubhang pinsala sa mata na dulot ng malakas na puwersa o malalim na trauma sa mata. Maaari din mangyari ang katarata pagkatapos ng pinsala o matapos ang ilang taon.

Secondary Cataract

Kapag sumailalim ang isang tao sa operasyon ng katarata, nasa panganib na sila na magkaroon ng secondary cataract. Sa oras ng operasyon sa mata, pinapalitan ng doktor ng isang artipisyal na lens ang tumigas na lens, na inilalagay sa natural na lens capsule ng mata habang hawak ng sac ang lens. Nananatili sa loob ng capsule ang ilang mga cell mula sa lumang lens. Paglipas ng linggo, buwan, at taon, nagsisimula din maging maulap ang lens capsule. Kilala din bilang posterior capsular opacity ang kondisyon na secondary cataract.

Polychromatic Cataract

Nailalarawan bilang mga hugis karayon na opacities na dumadaan sa lens, ito ay isang uri ng katarata na karaniwang nauugnay sa myotonic dystrophy o progresibong paglala at panghihina ng mga muscle. Isa itong hindi pangkaraniwang uri ng katarata na nangyayari sa mga matanda.

Diabetic Snowflake

Lumilitaw sa mga mata ang mga white opacity na kahawig ng mga snowflake. Isa itong hindi pangkaraniwang uri ng katarata na kadalasang nangyayari sa mga taong nasusuri na may diabetes, lalo na sa mga batang may type 1 diabetes.

Mga Uri ng Katarata Ayon sa Bahagi ng Lens

Mahahati din ang mga uri ng katarata ayon sa kung aling bahagi ng lens ang apektado ng paninigas.

Nuclear Cataract

Karamihan sa mga katarata na may kaugnayan sa edad ang nuclear cataract. Nangyayari ang nuclear cataract kapag nagsimulang tumigas ang gitnang bahagi ng lens (nucleus) at unti-unti nagiging dilaw o kayumanggi. Madalas na nagreresulta sa hirap na pagkilala sa mga kulay ang mga nuclear cataract na hindi nagagamot.

Cortical Cataract

Nagsisimulang makaapekto ang mga white opacity na mukhang mga wedge ang labas na dulo ng mga lens o cortex. Habang lumalala ang cortical cataract, nagsisimulang kumalat ang mga streak sa gitna ng mata na nagdudulot ng malabong paningin, nakasisilaw na ilaw (glare), at mahinang depth perception.

Posterior Subcapsular Cataract

Nangyayari ang maliliit na opacity sa likod ng lens sa mismong dinadaanan ng ilaw. Tinatawag na subscapsular ang ganitong uri ng katarata dahil nangyayari ito sa ilalim ng sac na humahawak sa lens (lens capsule). Maaaring magdulot ng mahinang paningin sa maliwanag na ilaw, hirap na pagbabasa, nakasisilaw na ilaw, at halo ang posterior subcapsular cataract. Mas mabilis lumala ang ganitong uri ng katarata kumpara sa ibang uri.

Anterior Subcapsular Cataract

Nangyayari ang opacity sa harap ng lens malapit sa lens capsule. Kadalasang nangyayari ang ganitong uri ng katarata dahil sa inflammation sa loob ng iba pang bahagi ng mata.

Posterior Polar Cataract

Nangyayari sa gitnang posterior o sa likod na bahagi ng nucleus ng lens ang paninigas ng lens. Madalas itong congenital at mahirap operahan.

Key Takeaways

May iba’t ibang uri ng katarata. Ang pinakakaraniwang anyo ng katarata at kadalasang nangyayari sa mga matanda ang mga katarata na may kaugnayan sa edad. Maaari din mangyari sa mga bata ang mga katarata. Kabilang sa iba pang anyo ng katarata ang mga katarata dahil ng diabetes, nakaraang operasyon sa katarata, at trauma sa mata. Natutukoy din ang mga katarata ayon sa kung aling bahagi ng lens ang tumitigas. Maaaring mangyari sa gitna, harap, likod, o gilid ng lens ang katarata.

Matuto pa tungkol sa katarata dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Are There Different Types of Cataracts? https://visionaware.org/your-eye-condition/cataracts/different-types-of-cataracts/, Accessed January 3, 2021

Cataracts, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/cataracts/symptoms-causes/syc-20353790, Accessed January 3, 2021

Cataract, https://eyewiki.aao.org/Cataract, Accessed January 3, 2021

Types of Cataract, https://www.nei.nih.gov/learn-about-eye-health/eye-conditions-and-diseases/cataracts/types-cataract, Accessed January 3, 2021

Types of cataracts, https://www.aoa.org/healthy-eyes/eye-and-vision-conditions/cataract?sso=y, Accessed January 3, 2021

Cataract, https://aapos.org/glossary/cataract, Accessed January 3, 2021

Are you at risk for a secondary cataract? https://www.health.harvard.edu/diseases-and-conditions/are-you-at-risk-for-a-secondary-cataract, Accessed January 3, 2021

Management of Traumatic Cataract, https://www.aao.org/eyenet/article/management-of-traumatic-cataract#:~:text=Traumatic%20cataract%20is%20a%20clouding,integrity%20of%20the%20capsular%20bag., Accessed January 3, 2021

Congenital Cataracts, https://kidshealth.org/en/parents/congenital-cataracts.html, Accessed January 3, 2021

Pediatric Cataracts, https://www.aao.org/eye-health/diseases/what-are-pediatric-cataracts, Accessed January 3, 2021

Christmas tree cataract, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC5299112/, Accessed January 3, 2021

Diabetic Cataract—Pathogenesis, Epidemiology and Treatment, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC2903955/, Accessed January 3, 2021

Anterior subcapsular cataract, https://webeye.ophth.uiowa.edu/eyeforum/atlas/pages/Anterior-subcapsular-Cataract/index.htm#:~:text=Anterior%20subcapsular%20cataracts%20(ASC)%20form,%2C%20irradiation%2C%20or%20electrical%20burns., Accessed January 3, 2021

Posterior polar cataract: A review, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC3729648/, Accessed January 3, 2021

 

Kasalukuyang Version

03/31/2023

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Victor Paulino, MD, DPBO

In-update ni: Jaiem Maranan


Kaugnay na Post

Alamin: Ano Nga Ba Ang Mga Uri Ng Gamot Sa Katarata?


Narebyung medikal ni

Victor Paulino, MD, DPBO

Ophthalmology · Makati Medical Center


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement