Sa Pilipinas, itinuturing na marka ng pagiging lalaki ang pagpapatuli o circumcision. Kapag bakasyon, pumipila ang mga lalaking edad 10 – 12 upang magpatuli bago magpasukan. Maaaring itanong ng iba ang “ano ang tuli, paano magtuli, at kailangan bang magpatuli?”
Ano ang Tuli?
Ang tuli ay isang outpatient (ibig sabihin ay maaaring gawin sa klinika o hindi na kinakailangan ma-admit) na operasyon na mababa ang panganib upang tanggalin ang foreskin na bumabalot sa dulo ng ari. Ginagawa ito para sa medikal, kultural, at panrelihiyong mga dahilan. Anuman ang dahilan, mahalaga ang pahintulot ng mga magulang at ng mismong tao upang maisagawa ang operasyon.
May mga bansang nagtutuli sa mga sanggol na wala pang isang taon. Sa Africa ang may pinakamaraming bilang ng mga taong tuli na. Itinuturing din bilang ritwal na pangrelihiyon ang pagtutuli para sa Islamic at Jewish na pamilya.
Paano Magtuli: Mga Epekto Nito
Matapos maipaliwanag kung ano ang tuli at paano magtuli, mahalaga ring malaman ang mga epekto ng pagpapatuli. Ang kamalayan sa mga kalamangan at kawalan ng pagpapatuli ay magbibigay sa atin ng kaalaman kung bakit maraming tao ang sumasailalim dito.
Kabilang sa mga benepisyo ng pagpapatuli ang:
- Nagpapababa pa ng pagkakaroon ng sexually transmitted diseases kabilang ang HIV
- May ilang medikal na kondisyon tulad ng phimosis, balanitis o paraphimosis na pagtutuli ang isang opsyon sa paggamot.
- Pinapababa ang panganib ng urinary tract infection na karaniwang sakit ng mga hindi pa tuli na lalaki.
- Mas madaling linisin ang ari ng lalaki kapag tuli na
- Napapababa ang panganib ng penile cancer at cervical cancer para sa mga babaeng may kapartner na tuli na
- Mas mataas ang sensation kapag nakalabas ang dulo ng ari
Sa kabilang banda, ang disadvantage o posibleng komplikasyon ng pagtutuli ay:
- Iritasyon at/o posibleng impeksiyon dahil sa operasyon
- Pagdurugo
- Paggupit ng foreskin na mas maikli o mas mahaba kaysa sa inaasahan
- Meatitis o pamamaga ng opening ng penis
- Posibleng negatibong epekto ng anesthesia
- Mga isyu kung nais ba ng isang bata bilang adult na magpatuli o hindi.
*Tandaang ang mga komplikasyong ito ay bibihira at nangyayari lamang sa ilang pagkakataon.
Paano Magtuli: Kailangan ba talaga?
Ang mga sagot sa tanong na bakit magpapatuli at paano magtuli ay kinakailangang impormasyon upang makapagpasya kung magpapatuli o hindi. Depende sa iyong sitwasyon, maaaring kailangan itong gawin o hindi. Ang mga taong pinipiling hindi magpatuli ay hindi nangangahulugang may mas mababa silang kalidad ng buhay kumpara sa mga tuli na. May ilang mga doktor ding nagsasabing maganda ang benepisyo ng pagpapatuli, ngunit sa dulo, nakadepende pa rin ito sa desisyon ng pasyente.
May mga medikal na kaso kung saan maganda ang pagpapatuli lalo na para sa phimosis at balanitis. Sa mga sitwasyong ito, nakatutulong ang pagtanggal ng foreskin o sobrang balat upang mawala ang sakit na nararamdaman ng pasyente. Pagdating sa panrelihiyon at kultural na kaugalian, maaaring magbigay ito ng sense of accomplishment at pagmamalaki para sa isang tao. Mahalaga rin ang pag-unawa at pagpayag sa operasyon.
Ang desisyon ay nakasalalay sa taong sasailalim sa operasyon. Katawan niya ito at para sa kanyang sarili ang desisyon kung magpapatuli o hindi.
Key Takeaway
Maaaring kultural, medikal o may kinalaman sa relihiyon na karanasan ang pagpapatuli para sa mga lalaki. Pareho itong may mga kalamangan at kawalan na maaaring makaapekto sa buhay ng isang tao sa katagalan. Ang pag-unawa pa sa usapin ng pagtutuli, paano magpatuli, puwede bang hindi magpatuli, at bakit gusto mong magpatuli ay nakatutulong upang makabuo ng tamang desisyon ang isang tao hinggil dito.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Penis dito.