Napakahalagang malaman ng mga kalalakihan kung paano alagaan ang kanilang ari. Ang pagkakaroon ng malusog na ari ay makakatulong upang maiwasan ang mga sakit, at nakakapagpabuti rin ng buhay seksual at kabuuang kalagayan.
Sa kabila nito, hindi lahat ng lalaki ay may alam sa kung paano nila aalagaan ang kanilang ari. Inaasahan ng maraming lalaki na hangga’t nararamdaman nilang malusog at okay sila, ganoon din ang kanilang ari. Ngunit hindi ito laging nangyayari. Hindi lahat ng problema sa ari ng lalaki ay may halatang mga sintomas.
Kaya’t paano aalagaan ang ari ng lalaki upang mapanatili itong malusog?
Paano Alagaan ang Ari ng Lalake: Anong Dapat Malaman ng mga Lalake?
Mahalaga sa kalusugan ng lalaki ang pagpapanatiling malusog ng kanilang ari. Hindi lamang dahil mahalaga ito para sa kasiyahan, pagkakaroon ng anak, at pag-ihi, mahalaga rin itong marka ng kalusugan ng isang lalaki.
Ang mga problema sa iyong ari ay maaaring senyales ng iba pang karamdaman. Ang mga problema sa kalusugan gaya ng sakit sa puso, pinsala sa nerbiyo, at maging problema sa kalusugang mental tulad ng matinding kaba ay maaaring makaapekto sa ari ng lalaki at kung paano ito gumagana.
Isang aspeto ng pag-alam kung paano alagaan ang ari ng lalaki ay maging may alam sa mga karaniwang kondisyong nakakaapekto sa ari ng lalaki.
Narito ang ilang karaniwang problema na nararanasan ng mga lalaki:
Erectile dysfunction
Ang erectile dysfunction ay ang kawalang kakayahan ng lalaking magkaroon ng paninigas o mapanatili ito. Maaaring dahil ito sa ilang bagay tulad ng pinsala sa nerbiyo, altapresyon, baradong tubo ng dugo, mataas na cholesterol, at sikolohikal na sanhi gaya ng matinding kaba at depresyon.
Erectile dysfunction ang isa sa pinaka karaniwang problemang nakakaapekto sa ari ng lalaki. At maraming lalaki ang nakakaranas nito sa buong mundo.
Karaniwang nakakaranas ng erectile dysfunction ang mga mas matandang lalaki. Ngunit mayroon ding mga mas nakababatang lalaki ang nakakaranas nito.
Kakulangan sa sex drive
Upang pasimplehin, ang kakulangan sa sex drive ay kapag ang normal at malusog na sex drive ng isang lalaki ay biglang nawala.
Maaaring dulot ito ng mababang level ng testosterone, side effect ng ilang gamot, kakulangan sa ehersisyo, stress, o simpleng pagtanda.
Malaking problema ang biglaang pagkawala ng sex drive, lalo na para sa mga nasa matagal na relasyon. Bukod sa nagdudulot ito ng problema sa relasyon, maaari din itong maging sanhi ng problema sa kalusugang mental tulad ng matinding kaba at depresyon.
Priapism
Ang priapism ay isang kondisyon kung saan ang lalaki ay may patuloy at masakit na paninigas, kahit hindi naman siya aroused. Kadalasan, sinasabing may priapism ang tao kapag tumagal nang higit 4 na oras ang kanyang paninigas.
Maaaring dulot ito ng cancer, sugat sa spinal cord, gout, problema sa nerbiyo, o maging ng syphilis.
Isang seryosong kondisyon ng kalusugan ang priapism na maaaring maging sanhi ng permanenteng pinsala sa ari ng lalaki kung hindi agad magagamot.
Phimosis
Ang Phimosis ay isang kondisyong karaniwan sa mga lalaking hindi pa tuli. Isa itong kawalan ng kakayahang umatras ng balat ng masama mula sa ulo ng ari.
Kadalasan itong resulta ng impeksyon sa balat at kakulangan sa kalinisan sa ari. Maaaring napakasakit nito, at maaaring magdulot ng hirap sa pag-ihi.
Yeast infection
Kadalasang naiuugnay ang yeast infection sa kababaihan, ngunit maaari ding magkaroon nito ang mga lalaki, lalo na kung hindi sila malinis sa katawan.
Ang yeast infection ay pamamaga ng ulo ng ari ng lalaki, pati na ang pangangati at mahapding pakiramdam. May puti ring likido na lumalabas minsan sa ari ng lalaki.
Maaari ding mauwi sa phimosis ang yeast infection kung hindi magagamot.
Sexually transmitted infections
Kabilang sa sexually transmitted infections ang HIV, syphilis, chlamydia, gonorrhea, at HPV.
Gaya ng katawagan nito, ang mga impeksiyong ito ay pangunahing resulta ng pakikipagtalik nang walang proteksyon ng taong may ganitong sakit. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga para sa mga lalaking ugaliin ang ligtas na pakikipagtalik at gumamit ng condom, lalo na kung nakikipagtalik sila sa higit sa isang partner.
Penile cancer
Hindi karaniwan ang pagkakaroon ng penile cancer. Ngunit gaya rin ng iba pang cancer, maaari itong mabilis na mauwi sa mas seryosong problema sa kalusugan.
Ang susi sa paggamot sa penile cancer ay maagang pagtuklas dito. Pinaniniwalaang dulot ang penile cancer ng mga likido na naiipon sa foreskin. Kapag naipon ang likido na ito, maaari itong magkaroon ng mga epektong nakapagdudulot ng kanser.
Mas malapit sa panganib ng penile cancer ang mga lalaking naninigarilyo at matatanda. Nanganganib din dito ang mga taong may AIDS.
Ano ang mga kadahilanan ng ganitong mga kondisyon?
Narito ang ilan sa mga posibleng kadahilanan ng mga problema sa kalusugan na nakakaapekto sa ari ng lalaki:
- Problema sa kalusugan gaya ng sakit sa puso, diabetes, altapresyon, at iba pa
- Paninigarilyo ang isa pang posibleng kadahilanan ng sakit na maaaring makaapekto sa ari ng lalaki
- Kakulangan sa ehersisyo, o pagpapabaya sa kalusugan
- Pagiging obese o sobra sa timbang
- Hormone imbalance, partikular sa testosterone
- Mga problema sa nerbiyo
- Pagkakaroon ng hindi ligtas at hindi protektadong pakikipagtalik, lalo na sa maraming kapares
- Kakulangan sa tamang kalinisan ng katawan
- Ang edad ay nakapagpapataas din ng panganib ng mga problema sa ari ng lalaki
Mga payo kung paano alagaan ang ari ng lalaki
Narito ang kapaki-pakinabang na mga payo kung paano mapapanatiling malusog ang ari ng lalaki:
- Kumain ng tamang pagkain na mayaman sa prutas at gulay, at mababa sa mantika at processed foods
- Tiyaking nakapag-eehersisyo ng 30 minuto araw-araw.
- Kung obese ka o sobra sa timbang, subukang magbawas ng timbang upang mailapit sa iyong ideal weight.
- Tiyaking nililinis ang iyong ari gamit ang sabon at tubig. Kung may foreskin, hilahin ito paatras upang malinis nang husto ang iyong ari.
- Kung makikipagtalik, tiyaking may proteksiyon.
- Suriin ang iyong ari at bayag kung may bukol o may mga tumutubong maaaring senyales ng cancer.
- Kung may pantal o tingin mo ay may impeksiyon ang iyong ari, agad na bumisita sa iyong doktor.
- Kung may napapansin kang kakaibang mga sintomas, gaya ng biglaang pagkawala ng libido o erectile dysfunction, tiyaking kumonsulta sa doktor.
Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tip na ito, magagawa mong alagaan ang iyong ari at maiwasan ang anumang seryosong problema.
Key Takeaways
Ilan sa karaniwang mga kondisyon na nakaaapekto sa ari ng lalaki ang erectile dysfunction, kakulangan sa sex drive, priapism, phimosis, yeast infection, STIs, at cancer. Alagaan ang ari ng lalaki sa pamamagitan ng pagkain ng wasto, pag-eehersisyo, paglilinis ng ari gamit ang sabon at tubig, paggamit ng proteksiyon kapag makikipagtalik, at pagtingin sa iyong ari kung may anumang bukol, pantal o anumang tumutubo rito.
Alamin pa ang tungkol sa Kalusugan ng Penis dito.