Ang benepisyo ng pagkakaroon ng balbas ay hindi gaanong malinaw sa karamihan. Subalit, maraming nagpapatubo nito at may iba’t-ibang disenyo at kapal pa. Ito ang pinaka-natural na anyo ng buhok sa mukha, dahil upang mapalago ang isang balbas, kailangan mo lang na huwag mag-ahit. Ang balbas ay ang buhok na tumutubo sa panga, baba, itaas na labi, ibabang labi, pisngi, at leeg. Depende sa iyong genes at ethnicity ang pagiging makapal o manipis ng iyong balbas. Ito rin ang dahilan kung bakit may ibang lalaki na hindi tinutubuan ng balbas. Kapansin-pansin na mas makapal ang balbas ng mga tao sa Mediterranean countries.
Mga benepisyo ng pagkakaroon ng balbas
Di na kailangan mag-ahit
Maaaring maging kapaki-pakinabang para sa ibang tao ang pagpapatubo ng balbas dahil hindi mo na kakailanganing mag-ahit. Ang pag-ahit ng balbas ay kadalasang sanhi ng mga pantal, pangangati at di kanais-nais na kondisyon tulad ng:
- Pseudofolliculitis barbae
- Irritant folliculitis
- Bacterial folliculitis
Gayunpaman, kailangan mapanatili ang malinis at maayos na balbas sa pamamagitan ng regular na paghuhugas, pag-shampoo, at paggamit ng conditioner dito. Kapag sobrang kapal ay dapat na sinusuklay upang maiwasan ang pagbuhol nito. Ang maduming balbas ay maaari ding maging sanhi ng pangangati at balakubak.
Proteksyon sa araw
Isa sa benepisyo ng pagkakaroon ng balbas ay ang naibibigay nitong proteksyon laban sa init ng araw. Ayon sa pag-aaral na isinagawa ng University of Southern Queensland sa Australia, nagbibigay proteksyon laban sa ultraviolet radiation ang balbas. Nakakatulong ito para sa mga lugar na hindi gaanong nalalagyan ng sunblock tulad ng pang-itaas na labi. Depende sa kapal ng balbas ang antas ng proteksyon na dulot nito. Sa mga nagmamaneho, maaaring makakuha ng skin cancer sa mukha. Para sa mga taga Amerika na nagmamaneho sa kaliwang bahagi ng sasakyan, ang cancer ay malamang nasa kaliwang bahagi ng mukha. Sa England at Australia naman kung saan nasa kanan ang nagda-drive, nasa kanan naman ang kanilang pagkalantad sa araw.
Laban sa allergy
Ang pagharang nito sa allergies ang isa sa benepisyo ng pagkakaroon ng balbas. Kung mayroon kang hika o allergy, maaaring mabawasan ng balbas ang panganib na magkaroon ng flare-up o iba pang mga isyu sa paghinga. Ayon sa American Lung Association, ang makapal na balbas ay maaaring magsilbing filter laban sa usok, bacteria, virus at iba pang triggers. Gayunpaman, kapag ang mga mikrobyo na ito ay nananatiling nasa iyong balbas, maaari silang makapasok sa iyong katawan at magdulot ng mga problema sa kalusugan. Ayon sa agham ay maaaring makatulong din ang balbas sa iyong immunity. Kapag nanatili sa balbas ang mga allergens araw-araw, maaaring masanay ang katawan at mabawasan ang allergic response dito.
Proteksyon sa lamig
May benepisyo ang pagkakaroon ng balbas laban sa lamig. Nagdadagdag ito ng proteksyon sa iyong baba at leeg upang mapanatili ang mainit na temperatura sa malamig na panahon. Kung mas mahaba at mas puno ang balbas ay mas natatakpan nito ang iyong mukha at nagbibigay ng insulation. Gayunpaman, hindi gaanong malaki ang init na dala nito sa iyong katawan kung kaya mas mabuting gumamit ng scarf sa leeg. Ayon sa siyensya, nakakatulong ang balbas sa pagregulate ng iyong temperature sa pamamagitan ng thermoregulation. Nakakatulong din ito sa pag-iwas sa mga cold sores, breakouts at blemishes na dala ng malamig na panahon lalo na kung winter.
Dagdag appeal
Subok na ang benepisyo ng pagkakaroon ng balbas sa pagdagdag ng appeal ng isang lalaki. Sa katunayan, isa ito sa mga pinaka-kapansin-pansing at sexually dimorphic na katangian ng mga lalaki. Ito rin ay isang potensyal na tanda ng iba pang mga katangian, tulad ng:
- Masculinity
- Dominance
- Katayuan sa lipunan
- Tiwala sa sarili
Natuklasan ng isang pag-aaral na isinagawa ng Official Journal of the Human Behavior and Evolution Society na nagiging kaakit-akit ang mga lalaking may balbas. Nagbibigay ito ng makapangyarihang itsura sa mga lalaki at ito ay isang kaakit-akit na bagay.