Luslos o hernia ang tawag sa nangyayari kapag ang internal organ o iba pang bahagi ng katawan ay nakausli sa kalamnan o tissue kung saan ito nakakabit. Karamihan sa mga luslos ay nangyayari sa loob ng lukab ng tiyan, sa pagitan ng dibdib at balakang.
Kung mayroon kang luslos, mahalagang gamutin ito kaagad. Mayroong ilang mga uri ng luslos na maaari maranasan, depende sa lokasyon:
- Inguinal hernias
- Femoral hernias
- Abdominal hernias
- Umbilical hernias
- Hiatal hernias
Bakit nangyayari ang luslos?
Ang inguinal at femoral hernias ay dahil sa humihinang mga kalamnan na maaaring naroroon na mula noong kapanganakan. Maaari din itong nauugnay sa pagtanda at paulit-ulit na mga pagpipilit o pagpepwersa sa mga bahagi ng tiyan at singit. Ang ganitong pagpipilit ay maaaring magmula sa pisikal na pagpepwersa, labis na katabaan, pagbubuntis, madalas na pag-ubo, o paninigas ng dumi.
Maaaring magkaroon ng umbilical hernia ang mga nasa hustong gulang dahil sa:
- pagpipilit sa bahagi ng tiyan
- pagiging sobra sa timbang
- pagkakaroon ng matagal na matinding ubo
- pagkatapos manganak
Ang sanhi ng hiatal hernias ay hindi lubos na nauunawaan, ngunit ang paghina ng diaphragm habang nagkakaedad, o presyon sa tiyan ay maaaring gumanap ng isang bahagi.
Luslos sa bata
Sa kaso ng umbilical hernia sa isang bata, maaaring irekomenda ang operasyon kung malaki ang hernia, kung hindi na ito nababalik sa manual na paraan, o kung incarcerated na ito. Ang incarceration ay nangyayari kapag ang parte ng bituka ay nakukulong o trapped sa sac ng hernia. Kung ang isang may sapat na gulang ay may umbilical hernia, kadalasan inirerekomenda ang operasyon.
Paano ginagamot ang luslos
Ang tanging paraan upang epektibong gamutin ang hernia ay sa pamamagitan ng isang operasyon. Depende ito sa laki ng iyong hernia at sa kalubhaan ng iyong mga sintomas. Maaaring hindi naman agad operasyon ang gawin at pwedeng subaybayan lamang muna ng doktor ang iyong hernia para sa mga posibleng komplikasyon. Ang pamamaraang ito ay tinatawag na maingat na paghihintay.
Ang mga hernia ay kadalasang hindi gumagaling nang mag-isa, at maaaring operasyon lang ang tanging paraan upang maayos ang mga ito. Gayunpaman, ang iyong doktor ay magrerekomenda ng pinakamahusay na lunas upang matugunan ang iyong problema. Maaaring irekomenda din nya na sumangguni ka sa isang surgeon. Kung sa palagay ng surgeon ay kailangan ayusin ang iyong hernia, iaangkop niya ang paraan ng paggamot na pinakamahusay na makakatugon sa iyong mga pangangailangan.
Sintomas ng hernia
Ang mga sumusunod ang sintomas na maaaring magsabi na may hernia o luslos ka:
- Bukol o pamamaga sa singit o sa scrotum (para sa lalake)
- Pananakit sa singit na mas nararamdaman kapag may binubuhat
- Pagkabigat ng pakiramdam sa singit o tiyan
- Pananakit o hindi magandang pakiramdam tuwing dumudumi o umiihi
Kung may strangulation, ito naman sintomas (at kumonsulta sa doktor):
- lagnat
- pagsusuka
- pagduduwal
- bukol o bulge na kulay pula o asul
- hindi nakakapaglabas ng gas sa tiyan
- hindi nakakadumi
Minimally Invasive Robotic Hernia Repair surgery
Noong nakaraan, ang operasyon sa pag-aayos ng luslos ay isang pangunahing pamamaraan. Nangangailangan ito ng malaking paghiwa sa tiyan o singit na dadaan sa kalamnan upang makarating sa luslos. Sinusundan ito ng pamamalagi sa ospital at ilang buwang pagpapagaling kung saan nililimitahan ang mga aktibidad.
Ngunit mayroon ding minimally invasive robotic hernia repair surgery. Ito ay mas madalas na mayroon sa mga ospital na may state of the art facilities. Ang doktor ay maaaring gumawa ng ilang maliliit na paghiwa gamit ang mga espesyal na instrumento, kabilang ang isang maliit na video camera na umaakma sa mga inhisyon.
Ang mga instrumento ay nakakabit sa mga robotic arm, na kinokontrol ng isang ekspertong doktor mula sa isang malapit na computer console. Habang ginagalaw ng doktor ang kanilang kamay, pulso at mga daliri, ang mga robotic arm ay nagsasagawa rin ng parehong paggalaw. Maaari silang yumuko at paikutin sa mga paraan na hindi magagawa ng kamay ng tao. Ito ay nagbibigay-daan para sa higit na katumpakan at kontrol.
Ang minimally invasive na robotic hernia repair surgery ay maaaring isagawa bilang isang outpatient procedure, kung saan ang mga pasyente ay uuwi sa parehong araw. Ang pagpapagaling ay malamang na maging mas maikli at mas madali, at mas mabilis na pagbabalik sa mga aktibidad.
Subalit ito ay maganda at panibagong treatment para sa luslos, dapat tandaan na ilan lang sa mga ospital sa Pilipinas ang mayroon nito.