Ayon sa Global statistics, mas maikli ang buhay ng mga lalaki kumpara sa babae. Ano ang sinasabi ng datos na ito tungkol sa kalusugan ng kalalakihan?
Sa Pilipinas, malaki ang tsansang mamatay ang mga lalaki pagtuntong ng edad 60s kumpara sa mga babae. Mas marami ang mga babaeng nakakaabot sa edad na 80 kaysa sa mga lalaki.
Ang “health gap” na ito sa mga lalaki, ayon sa World Health Organization ay may kinalaman sa iba’t ibang salik na nagtutulak upang ma-expose ang mga lalaki sa magkakaibang panganib sa kalusugan sa kanilang buhay.
Ano ang bumubuo sa health gap na ito? Ano ang mga salik na ito na mas madalas makaharap ng mga lalaki? May magagawa ka ba upang matugunan ito?
Mga pagkakaiba sa kalusugan ng kalalakihan at kalusugan ng kababaihan
Maraming pagkakapareho ang katawan ng kalalakihan sa kababaihan gaya rin ng kanilang pagkakaiba. Sa mga pagkakaibang ito, maraming mga panganib sa kalusugan ng kalalakihan na sila lang ang mayroon o mas madalas na mangyari sa mga lalaki.
Marami sa mga ito ay may kinalaman sa sikolohikal at sosyal na salik na naglalapit sa kalusugan ng mga lalaki sa panganib. Pag-usapan natin ang mga pangunahing panganib na mas hinaharap ng mga lalaki (o ng mga lalaki lamang) kumpara sa mga babae nang sa gayon ay magkaroon ka ng mas malinaw na ideya kung paano aalagaan ang sarili.
Panganib sa Kalusugan #1: Ang Prostate
Marahil, isa sa pinakamalinaw na pagkakaiba sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan (maliban siyempre sa reproductive system) ay ang maliit, kasinlaki ng walnut na gland sa ilalim ng pantog ng mga lalaki.
Ang prostate, na naglalabas ng semilya na nagdadala ng sperm cells mula sa testes kapag nag-ejaculate, ay maaaring magdebelop sa magkakaibang kondisyon na puwedeng mauwi sa magkakaibang panganib sa kalusugan, kasama na ang abnormal na paglaki ng prostate (benign prostatic hyperplasia o BPH) na puwedeng maging sanhi ng hirap sa pag-ihi, o maging ng prostate cancer na puwedeng mag-metastasize papunta sa kalapit na mga organ.
Panganib sa kalusugan #2: Mga Problema sa Puso
Mas mataas din ang tsansang magkaroon ng mga sakit sa puso ang mga lalaki. Nakitang mas madalas magkaroon ng mga sakit sa puso gaya ng high blood pressure ang mga lalaki. Sa katunayan, mas madalas atakihin sa puso ang mga lalaki sa mas batang edad kumpara sa mga babae.
Lubhang naiuugnay ito sa behavioral factors sa mga lalaki, dahil ang mga problema sa puso ay karamihang sanhi ng sobrang paninigarilyo, mataas ang cholesterol, pagiging sobra ng timbang o obese, stress, at sobrang pag-inom ng alak. Ito ang mga panganib na madalas kaharapin ng mga lalaki dahil sa kanilang mga kinakain at ginagawa.
Panganib sa kalusugan #3: Sakit sa baga at iba pang problema sa paghinga
Ang lung cancer ang nangungunang uri ng cancer sa kalusugan ng kalalakihan sa bansa. Kaya’t oo, maaari kang madagdag sa bilang ng mga nagkaka-cancer dahil sa iyong paninigarilyo. At dahil paninigarilyo ang pangunahing sanhi ng sakit sa baga, hindi lamang ito ang dahilan. Ang mga panganib sa trabaho gaya ng amoy ng pintura, singaw o usok ng mga kemikal, o matinding alikabok sa construction ay naglalagay din sa kalalakihan sa mataas na panganib na magkaroon ng mga sakit sa paghinga.
Panganib sa kalusugan #4: Pagkakaiba sa gawi at mental health
Aminin natin. Mas risk-taker ang mga lalaki. Sila ang mas madalas sumuot sa panganib. Ang paglabas mo sa gabi upang gumala at mga adrenaline rush adventure ay maaaring maglapit sa iyo sa mas maraming panganib sa kalusugan kumpara sa mga babae.
Ito ang maaaring dahilan kung bakit mas malaki ang tsansang manigarilyo at uminom ng maraming alak ang mga lalaki kaysa sa mga babae. Ang sobrang pag-inom ng alak, na tinatawag ding alcohol use disorder o alcoholism sa madaling salita, ay mas madalas sa kalalakihan kaysa sa kababaihan dahil sa maraming salik, kasama na ang mga inaasahang social norm.
Isa pang bagay na maaaring kaugnay ng ganitong gawi ay may kinalaman din sa mental health– isang paksang hindi maipagkakailang hindi gustong pag-usapan ng maraming lalaki kasama ng kanilang mga kaibigan, o hindi maamin maging sa sarili.
Ayon sa American Foundation for Suicide Prevention, may higit 3.5x na mas maraming lalaki ang namamatay dahil sa pagpapakamatay kumpara sa mga babae noong 2017. Sa Pilipinas, nakaaalarma ang bilang na ito. Nitong 2016, nakapagtala ang Kagawaran ng Kalusugan (Department of Health) ng 2,413 na kaso ng pagpapakamatay. 2,000 dito ang mga lalaki.
Naiuugnay ito sa pagtingin tungkol sa mental health at ang pagtingin ng lipunan sa mga lalaki sa pagiging masculine. Madalang na kumilala o lumapit ang mga lalaki upang humingi ng professional na tulong para sa mga problemang kanilang kinakaharap na may kinalaman sa kanilang mental health.
Key Takeaways
Mas magandang mga self-care tip
Totoong may ilang pakakaiba sa pangangailangang pangkalusugan ng kalalakihan kumpara sa kababaihan. Ngunit hindi ito nangangahulugan ng malaking pagkakaiba sa pangangalaga sa inyong kalusugan.
- Kumain ng masustanya at manatiling aktibo. Bagaman mas kaunti ang mga obese sa lalaki, mayroon pa ring matibay na kaugnayan sa implikasyon sa kalusugan ng pagiging obese o sobra ang timbang at sakit sa puso at baga – parehong mga sakit na pinakatalamak sa kalalakihan.
- Bawasan ang pag-inom ng alak. Limitahan lamang sa isang basong alak bawat araw.
- Itigil ang paninigarilyo. Maraming mga isyung pangkalusugan ang naiuugnay sa paninigarilyo na hindi lamang para sa mga lalaki. Gayunpaman, isa rin ito sa pangunahing risk factor para sa prostate at testicular cancer.
- Regular na magpatingin sa doktor, lalo na kung nasa edad 40 pataas. Mas madalang magpunta sa doktor ang mga lalaki kumpara sa mga babae. Tiyaking regular na bumisita sa doktor, kahit para lamang sa regular annual check-up. May kasabihang nagsisimula ang buhay ng tao sa edad na 40, gayundin ang ilang problema sa kalusugan ng kalalakihan. Magandang ugaliin ang regular na screening test kapag umabot ka na sa edad na 40. Pag-usapan ito kasama ng iyong healthcare provider.
- Maging malay sa iyong mental health. Hindi pagiging mahina ang pagkonsulta sa mental health professional. Sa katunayan, nangangailangan ng higit na hikayat sa sarili at lakas ng loob na amining kailangan mo ng tulong. Pinakamabuti pa ring makipag-usap sa isang professional kung may kinakaharap na problema sa iyong mental health. Ang paghingi ng tulong ay hindi nangangahulugang mayroon kang sakit sa pag-iisip, ngunit matutulungan ka nitong gumanda ang iyong pakiramdam.