Kapag narinig mo ang mga taong nag-uusap tungkol sa kalusugan ng prostate, ang madalas na nagiging paksa ay ang cancer sa prostate, o pagkakaroon ng malaking prostate. Subalit ang prostatitis, o pamamaga ng prostate ay hindi madalas na napag-uusapan. At hindi lahat ng tao ay malay sa kondisyong ito. Ano ang prostatitis? At ano ang sanhi, sintomas, at paggamot sa kondisyong ito?
Halos isa sa anim na mga kalalakihan ang nakararanas ng prostatitis sa isang bahagi ng kanilang buhay. Ito ay maaaring maging sanhi ng lubhang pananakit at hindi komportableng pakiramdam kung hindi ipagagamot. Ang pag-alam sa mga sanhi ng prostatitis, maging ang pinagkaiba ng chronic at acute prostatitis, ay nakatutulong sa mga kalalakihan upang maging mas maingat sa kanilang kalusugan, lalo na habang sila ay tumatanda.
Ano Ang Prostatitis?
Ang prostatitis ay ang pamamaga ng prostate gland, o ang maliit na organ na matatagpuan sa ibaba ng pantog.
Ito ay maaaring maging napakasakit, depende sa kalubhaan ng kondisyon at maging kung ito ay chronic o acute prostatitis. Sa ilang mga kaso, ang prostatae ay naiimpeksyon. Subalit posible ring ang prostate ay biglang mamaga.
Ang mga sintomas ng prostatitis ay maaaring maging katulad ng sa malaking prostate. Ito ay dahil ang pamamaga ay maaaring maging sanhi ng pressure sa pantog, dahilan upang maging mas mahirap umihi. Ang pinakapagkakaiba ng dalawang kondisyong ito ay ang prostatitis ay masakit, at maaaring mangyari sa mga kalalakihan anoman ang edad.
Anu-Ano Ang Mga Sanhi Ng Prostatitis?
Ang prostatitis ay maaaring sanhi ng bakteryang nakarating sa urethra at nakapunta sa prostate. Gayunpaman, maaari ding ang bakteryang mula sa ibang bahagi ng urinary tract ay nakarating sa prostate at naging sanhi ng pamamaga.
Pinaniniwalaan ding ang ilang salik ay maaaring maging sanhi ng prostatitis.Kabilang dito ang stress, depresyon, pamamaga, at maging ang mga problema sa pelvic muscles. Dahil sa mga ito, minsan ay nagiging mahirap ang paggamot sa prostatitis, lalo na kung hindi matukoy ang tiyak na sanhi.
Ano Ang Pinagkaiba Ng Chronic At Acute Prostatitis?
May dalawang pangunahing uri ang prostatitis, ang chronic at acute prostatitis.
Chronic Prostatitis
Ang chronic prostatitis ay isang paulit-ulit na pagkakaroon ng impeksyon o pamamaga ng prostate. Ito ay mas karaniwang uri ng prostatitis. Maaaring ito ay sanhi ng bakterya mula sa urinary tract na nagdulot ng impeksyon sa prostate, o paulit-ulit na pamamaga ng prostate.
Acute Prostatitis
Ang acute prostatitis ay sanhi ng impeksyong dulot ng bakterya. Ang isang lalaki ay maaaring biglang magkaroon ng kondisyong ito. Mayroong itong mga mas malulubhang sintomas. Ito rin ay mas delikado dahil ang impeksyon ay maaaring kumalat sa dugo ng isang tao at posibleng maging sanhi ng sepsis.
Ano ang pinagkaiba ng chronic at acute prostatitis? Ang malaking pagkakaiba ng dalawang kondisyong ito ay ang acute prostatitis ay mas masakit kumpara sa chronic prostatitis. Napakahalaga na ang isang taong may acute prostatitis ay agad na magpakonsulta sa doktor upang hindi ito lumubha habang lumilipas ang panahon.
Anu-Ano Ang Mga Sintomas Ng Prostatitis?
Pagdating sa usapin ng mga sintomas ng acute at chronic prostatitis, may ilang pagkakatulad ang mga ito, subalit mayroon ding malaking pagkakaiba. Narito ang ilan sa mga sintomas:
Para sa acute prostatitis:
- Ang pananakit na sanhi ng acute prostatitis ay biglang nararamdaman at walang pahiwatig.
- Ang pananakit ay kadalasang nararamdaman sa babang bahagi ng likod, tiyan, at maging sa paligid ng ari, testicles, o puwit. Maaari itong magdulat ng pananakit tuwing umiihi ay dumurumi.
- Ang lagnat ay isa ring karaniwang sintomas ng acute prostatitis.
- Ang ilang may ganitong kondisyon ay maaari ding makaranas ng pananakit kapag nag-ejaculate.
- Maaari din na ang isang taong may acute prostatitis ay mayroon ding urinary tract infection o UTI.
Para sa chronic prostatitis:
- Pananakit sa babang bahagi ng likod, tiyan, ari, o testicles
- Paglaki ng prostate o pagiging sensitibo tuwing sinusuri
- Ang erectile dysfunction, maging pananakit kapag nag-ejaculate ay maaari ding maging sintomas.
- Ang mga sintomas ay karaniwang nagtatagal sa loob ng halos tatlong buwan. At ang mga ito ay pasulpot-sulpot sa mga panahong ito.
Ang mahalagang tandaan tungkol sa acute at chronic prostatitis ay ang acute prostatitis ay bigla na lamang nararanasan at kadalasang may mga sintomas na tulad ng sa urinary tract infection o UTI.
Anu-Ano Ang Mga Risk Factor Ng Prostatitis?
Narito ang ilan sa mga posibleng mapapanganib na salik ng prostatitis:
- Pagiging edad 30 hanggang 50
- Na-diagnose na noon ng prostatitis
- May impeksyon sa pantog tulad ng UTI
- Injury sa pelvis
- Kung nakaranas na gumamit ng catheter na inilagay sa loob ng urethra upang makatulong sa pag-ihi
- Malaking prostate
Bagamat ang prostatitis ay nakamamatay, tulad ng kaso ng acute prostatitis, sa kasalukuyan ay walang ebidensya na nag-uugnay sa prostatitis at prostate cancer.
Paano Gamutin Ang Prostatitis?
Ang gamutan para sa acute at chronic prostatis ay maaaring lubhang magkaiba, depende sa tiyak na sanhi nito.
Para sa acute prostatitis, ang mga pasyente ay binibigyan ng painkillers na makatutulong upang makayanan ang nararamdamang pananakit. Maaring ding umino, ng antibiotics na makatutulong sa pagpatay ng bakteryang sanhi ng pamamaga.
Kung sobrang pananakit ang nararanasan, o kung pasyente ay hindi makaihi, maaaring kailanganing dalhin siya sa ospital upang masubaybayan ang kanyang kondisyon.
Ang gamutan naman para sa chronic prostatitis ay nababago depende sa kalubhaan nito, gayundin sa tiyak nitong sanhi. Maaaring ireseta ng iyong doktor ang painkillers. Ang alpha-blockers ay maaari ding ireseta upang mas maging madali ang pag-ihi.
Kung ang chronic prostatitis ay sanhi ng impeksyong dulot ng bakterya, maaari ding irekomenda ang antibiotics.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Kalalakihan dito.