Madalas nakakaapekto ang myoma sa pagkamayabong ng isang babae, ngunit may ilan din na matagumpay na nabubuntis. Gayunpaman, maaaring magdulot ng karagdagang pagsubok ang myoma sa buntis at sa kanyang sanggol. Paano nakakaapekto ang myoma sa buntis, at totoo bang mas lumalala ang tumor dahil sa pagbubuntis?
Mga Sanhi ng Myoma
Ang uterine fibroids o myoma ay mga benign o non-cancerous na mass na tumutubo sa matris o uterus ng babae. Hindi pa rin alam ang tiyak na dahilan, ngunit maraming pagsusuri ang nagsasabing naiimpluwensyahan ang fibroid ng mga hormone na ginagawa ng mga ovary ng babae na tinatawag na estrogen at progesterone.
Maaaring ito rin ang dahilan kung bakit lumalaki ang ilang fibroid tuwing nagbubuntis (kapag nasa pinakamataas ang estrogen at progesterone) at lumiliit pagkatapos ipanganak ang sanggol.
Mga Epekto ng Uterine Fibroid sa Pagbubuntis
Karamihan sa mga kaso ng myoma habang nagbubuntis ay nangyayari sa unang trimester; ito ang dahilan kung bakit sumasabay ang fibroid sa iba pang sintomas gaya ng morning sickness at spotting.
Ngunit maaari pa ring humantong sa mga sumusunod na panganib sa kalusugan ang pagkakaroon ng myoma habang nagbubuntis:
Pagdurugo
Karaniwang nakasalalay sa lokasyon ng tumor ang panganib ng pagdurugo sa mga buntis.
Ayon sa mga pag-aaral, mas nagiging karaniwan (60%) ang pagdurugo kung malapit sa fibroid ang placenta o inunan. Ngunit kung hindi naman malapit ang inunan sa tumor, bumababa (9%) naman ang panganib ng pagdurugo.
Pananakit ng Fibroid
Maaaring makaranas ng pananakit ng fibroid ang mga nagbubuntis na babaeng may myoma, bukod pa sa karaniwang sakit na nararamdaman na dala ng pagbubuntis.
Maaari silang makaramdam ng pananakit sa tiyan, pelvis, balakang, ibabang likod, at pababa sa kanilang mga binti.
Mas malaki din ang posibilidad na makaranas ng pananakit ng fibroid ang mga babaeng may tumor na mas malaki sa 5 sentimetro.
Pagkalaglag
Isa ang pagkalaglag sa mga posibleng komplikasyon na dala ng pagkakaroon ng myoma habang nagbubuntis.
Ipinakita ng mga pag-aaral na mataas (14%) ang panganib ng pagkalaglag sa mga buntis na may mga fibroid, kumpara sa mga buntis na walang myoma (7.6%). Nalaman din ng mga mananaliksik na hindi nakakaapekto ang laki ng tumor sa rate ng pagkalaglag.
Ngunit nagiging mataas naman ang panganib na mawala ang sanggol dahil sa pagkakaroon ng maraming tumor.
Preterm Labor
Isa pa ang preterm labor sa mga posibleng komplikasyon ng myoma at pagbubuntis. Sa kasong ito, maaaring subukan ng doktor na paabutin sa husto na buwan ang iyong labor sa pamamagitan ng pagbibigay ng ilang gamot.
Mga Isyu sa Placenta
Ilang mga pag-aaral ang nagsabi na tatlong beses na mas mapanganib ang mga babaeng nagbubuntis mula sa placenta abruption, isang kondisyon kung saan maagang natatanggal ang placenta bago pa man ipanganak ang sanggol.
Bukod pa dito, sinasabi din ng ilang ulat na nauugnay ang pagkakaroon ng myoma ng mga buntis sa malaking panganib sa placenta previa, isang kondisyon kung saan lumalaki ang inunan sa pinakababang bahagi ng matris, na bahagya o tuluyang humaharang sa pasukan ng cervix.
At panghuli, tumataas din ang panganib ng pagkakaroon ng retained placenta, isang kondisyon kung saan hindi natatanggal ang placenta kapag pangatlong stage ng labor dahil sa mga fibroid.
Breech Position
Ilang pag-aaral ang nagsasabing pinapataas ng mga fibroid ang panganib ng breech position – posisyon kung saan nauuna ang puwet ng sanggol, imbis na ang ulo. Maaari ito mangyari lalo na kung nililimitahan ng tumor ang espasyo ng sanggol sa loob ng sinapupunan. Napipigilan ng malalaking fibroid ang pag-ikot ng sanggol sa tamang fetal position, na nagpapataas sa panganib na mapunta sa breech position
Mga Epekto ng Pagbubuntis sa Uterine Fibroid
Ngayong alam mo na ang tungkol sa mga posibleng komplikasyon ng Myoma at pagbubuntis, talakayin naman natin kung paano nakakaapekto ang pagbubuntis sa paglala ng mga fibroid.
Gaya ng nabanggit, lumalaki ang ilang tumor habang nagbubuntis. Ayon sa mga report, ⅓ sa mga kaso ng Myoma sa buntis na babae ang lumalaki sa unang trimester. Posibleng dahil ito sa pagtaas ng estrogen at progesterone level.
Ngunit karamihan sa mga uterine fibroid sa panahon ng pagbubuntis ang hindi lumalaki. Sa katunayan, may ilang kaso din na lumiliit ang tumor habang nagbubuntis.
Mga Pagpipiliang Treatment
Karaniwang hindi ginagamot ang mga fibroid sa buntis, maliban na lamang kung nagdadala ito ng mga seryosong problema gaya ng tuloy-tuloy na pananakit o labis na pagdurugo.
Para sa mga kasong iyon, maaaring magbigay ng mga gamot ang doktor, o pag-usapan ang pagtanggal ng mga fibroid sa tulong ng operasyon, gaya ng laparoscopic fibroid removal.
Sa bahay, maaaring mapawi ng isang babaeng nagbubuntis na may Myoma ang kanyang mga sintomas sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Maglagay ng warm compress sa masakit na lugar
- Maligo ng maligamgam na tubig
- Iwasan ang pag-inom ng alak
- Umiwas sa paninigarilyo
- Bantayan ang blood pressure
- Kumain ng masustansya, at balanseng diet
- Uminom ng maraming tubig
- Bawasan ang stress
Ang pakikipagtulungan sa physician at pagsunod sa kanilang mga inirekomenda ang pinakamahusay na paraan.
Matuto pa tungkol sa mga Uterine Fibroid dito