backup og meta

Anu-Ano Ang Mga Karaniwang Sakit Ng Mga Kababaihan?

Anu-Ano Ang Mga Karaniwang Sakit Ng Mga Kababaihan?

Hindi maipagkakaila na maraming karanasan ang natatangi sa mga babae. Mula pagdadalaga hanggang pagtanda, karaniwang dumaraan ang mga babae sa buwanang regla, pagbubuntis, panganganak, pagpapasuso, at menopause. Ngunit habang ang lahat ng ito, sa ilang pagkakataon ay inaasahan nang mangyari, mayroon ding ilang hindi. Ano ang karaniwang sakit ng mga kababaihan sa panahon ngayon? Paano ito mapipigilan at malalampasan ng mga babae? 

Sa article na ito, ililista natin ang ilan sa mga karaniwang sakit ng mga kababaihan na nakakaapekto sa kanila.

Sakit Ng Mga Kababaihan: Breast Cancer

Una sa listahan ng mga karaniwang sakit ng mga kakababaihan ang breast cancer. Ito ang pinakaagresibong cancer na nakaaapekto sa populasyon ng mga babae sa buong mundo. Karaniwan itong nagsisimula sa lining ng mga milk duct pero maaari ding kumalat sa iba pang organ.

Maaaring makapansin ng mga bukol sa suso ang pasyenteng may breast cancer sa breast exam. Ngunit pakatandaan ding hindi nakapipinsala ang lahat ng bukol sa suso. Gayunpaman, dapat na nagpapasuri ang mga babae ng kalagayan ng kanilang suso sa medikal na propesyonal isang beses sa isang taon. Hinihikayat din ng mga eksperto na mag-breast self-exam isang beses sa isang buwan at sumailalim sa mammogram kung kinakailangan.

Ayon sa World Health Organization (WHO), nalampasan ng breast cancer ang kanser sa baga bilang pinakakaraniwang uri ng kanser sa buong mundo.

Sa Pilipinas, tinatayang may 16% ng kaso ng cancer, at humigit-kumulang 30% ang babae dito. Sinasabi ng Department of Health (DOH) na ang breast cancer ang pinaka karaniwang cancer site. Bukod pa rito, ito rin ang pangatlong nangungunang sanhi ng pagkamatay sa cancer sa mga Pilipino alinsunod sa datos na ibinigay ng Global Cancer Observatory (GCO). Sinasabi ng mga doktor na tatlo sa bawat isandaang Pilipina ang posibleng magkaroon ng breast cancer sa buhay nila.

Tandaan:

Bukod sa breast cancer, kailangan ding malaman ng mga babae ang iba pang uri ng kanser, tulad ng cervical cancer, ovarian cancer, at endometrial cancer. Anuman ang uri ng kanser, pinagtutuunan ng pansin ng mga doktor ang kahalagahan ng maagang pag-alam sa sakit at agarang paggamot dito.

Sakit Ng Mga Kababaihan: Ischemic Heart Disease

Nakakaapekto ang coronary heart disease sa mga taong may malaking pamumuo ng plaque sa kanilang coronary arteries. Pinipigilan ng plaque ang pagdaloy ng dugo na posibleng lumala pa sa paglipas ng panahon. Kalaunan, maaari itong magresulta sa angina, heart attack, heart failure, at arrhythmias.

Nananatiling pangunahing sanhi ng kamatayan sa kababaihan ang sakit sa puso. Kabilang sa mga sintomas na maaaring nagsasabing mayroong problema sa puso ang pananakit ng dibdib, pangangapos ng hininga, at panghihina o pangingimay ng braso.

Ang pagkakaroon ng healthy lifestyle ang pinakamabuting paraan upang maiwasan ang kondisyon na ito, na maaaring magawa sa pamamagitan ng:

  • Pag-ehersisyo
  • Pagkain ng well-balanced diet
  • Pag-iwas sa paninigarilyo
  • Pagpapanatiling nasa wastong timbang

Dagdag pa rito, dapat pangasiwaan ang iba pang mga problema sa kalusugan tulad ng diabetes, high blood pressure, at high cholesterol.

Sakit Ng Mga Kababaihan: Polycystic Ovary Syndrome (PCOS)

Isa pa sa mga karaniwang sakit ng mga kababaihan ang polycystic ovary syndrome (PCOS). Nangyayari ito kapag gumagawa ang mga ovary o adrenal gland ng babae ng hindi normal na mataas na level ng male hormones. Bilang resulta, maaaring tumubo ang mga cyst (mga sac na puno ng fluid) sa mga ovary.

Mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng PCOS ang mga babaeng may obesity. Mas madali din silang kapitan ng iba pang problema sa kalusugan tulad ng diabetes at sakit sa puso.

Kabilang sa mga sintomas ang:

  • Infertility
  • Pagsakit ng balakang
  • Labis na pagtubo ng mga buhok sa mukha, dibdib, tiyan, at pati na rin sa mga hinlalaki o daliri sa paa
  • Pagkakalbo o pagnipis ng buhok
  • Acne, oily na balat, o balakubak
  • Makakapal na mga patch na kayumanggi o maitim na balat

Maaaring makaapekto ang PCOS sa fertility ng babae. Gayunpaman, may iba pang mga kondisyon na maaaring magpahirap para sa isang babae na magbuntis. Kabilang dito ang:

Sexually Transmitted Diseases (STDs)

Tinatawag na Sexually Transmitted Disease (STD) ang mga impeksiyon na maaaring makuha sa pakikipagtalik sa isang taong mayroon nitong sakit. Sanhi ito ng mga bacteria, parasite, at virus na may humigit-kumulang 20 na iba’t ibang uri.

Bagama’t maraming STD ang nakakaapekto sa mga lalaki at babae, kadalasang mas malala ang mga dulot nitong problema sa kalusugan ng kababaihan. Kung magkaroon nito ang isang buntis, maaaring magdusa ang sanggol mula sa mga malubhang epekto nito sa kalusugan.

Anxiety At Depression

Ayon sa pag-aaral, mas maaaring nakararanas ang mga babae ng anxiety, depression, at ilang problema ng somatic kaysa sa mga lalaki dahil sa mga natural na pagbabago ng hormones.

Halimbawa, ang premenstrual syndrome (PMS), na karaniwan sa kababaihan, maaari itong magdala ng pagkairita o depression. Gayundin, maraming ina ang nakararanas ng “baby blues” o postpartum depression pagtapos manganak. Samantala, ang perimenopause, o ang transisyon papunta sa menopause, maaari din itong magresulta ng problema sa mental health.

Karaniwang problema sa mental health para sa mga babae ang depression. Maaaring nakababahala na humantong ito sa pagpapakamatay. Samakatuwid, mahalagang itaas ang kamalayan para sa mga problema sa mental health ng kababaihan at bigyan sila ng lakas para agarang humingi ng tulong.

Key Takeaways

Iba-ibang problema at kondisyon sa kalusugan ang hinaharap ng kababaihan, mula sa prenatal at hormonal changes hanggang sa mga gynecological conditions at cancer. Kaya naman bahagi ng pagsuporta sa kababaihan ang pagbibigay sa kanila ng kaalaman sa mga karaniwang problema sa kalusugan upang maging mas handa sila pigilan o lampasan ang mga ito.

Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Kababaihan dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Breast cancer now most commonly occurring cancer: WHO, https://www.pna.gov.ph/articles/1129508, Accessed February 23, 2022

DOH Leads Observance of the Breast Cancer Awareness Month 2021, https://doh.gov.ph/press-release/DOH-LEADS-OBSERVANCE-OF-THE-BREAST-CANCER-AWARENESS-MONTH-2021, Accessed February 23, 2022

Top diseases that kill women in PH, https://www.pna.gov.ph/articles/1063773, Accessed February 23, 2022

Ten top issues for women’s health, https://www.who.int/news-room/commentaries/detail/ten-top-issues-for-women’s-health, Accessed February 23, 2022

9 Health Issues Every Woman Should Understand, https://www.nm.org/healthbeat/healthy-tips/9-health-issues-every-woman-should-understand, Accessed February 23, 2022

What health issues or conditions are specific to women only? https://www.nichd.nih.gov/health/topics/womenshealth/conditioninfo/whatconditions, Accessed February 23, 2022

Common Reproductive Health Concerns for Women, https://www.cdc.gov/reproductivehealth/womensrh/healthconcerns.html, Accessed February 23, 2022 

Health Issues Specific to Women’s Health,https://online.regiscollege.edu/online-masters-degrees/online-master-science-nursing/womens-health-nurse-practitioner/resources/health-issues-specific-womens-health/, Accessed February 23, 2022

Kasalukuyang Version

09/26/2024

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Regina Victoria Boyles, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Ano Ang Female Alopecia at Paano Ito Maaaring Gamutin?

Bukol Sa Ari Ng Babae: Mga Uri, Sintomas, At Paggamot


Narebyung medikal ni

Regina Victoria Boyles, MD

Pediatrics


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement