Maraming babae ang nakakaranas ng matinding pagsakit ng puson sa tuwing sila ay nagkakaroon ng menstruation period o buwanang dalaw. Ang pagsakit ng puson ng isang babae sa kanilang buwanang dalaw ay tinatawag na dysmenorrhea. Isa itong medical term para sa menstrual cramps ng isang indibidwal sa panahon na sila ay nireregla. Ang pagsakit ng kanilang puson ay maaaring makaapekto sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay na pwedeng maging sanhi ng kanilang discomfort sa pagkilos. Kaugnay nito, hindi maiiwasan na maaaring maghanap ang mga kababaihan ng mga pagkain para sa sakit ng puson upang maibsan ang kanilang nararamdaman na pananakit. Bilang gabay, gumawa kami ng listahan ng mga pagkain na pwede mong subukan kapag masakit ang iyong puson.
Pagkain Para Sa Sakit Ng Puson
Dark Chocolate
Maaaring makatulong ang dark chocolate sa mga babaeng nakakaranas ng pagsakit ng puson. Ang dark chocolate ay may kakayahan na makapagpa-relax ng muscles o kalamnan na makakatulong upang maibsan ang sakit ng puson. Gayunpaman, kinakailangan pa rin na umiwas sa pagkain ng mga sobrang matatamis dahil maaari nitong mapalala ang menstrual cramps.
Mga Prutas At Gulay
Ang pagkain ng prutas at gulay ay mahalaga para sa atin dahil nagtataglay ang mga pagkain na ito ng iba’t ibang nutrients na tumutulong sa pagpapanatili ng kalusugan. Bukod sa benepisyong nabanggit, napag-alamanan din sa isang pag-aaral na pinamagatang “Lifestyle and Prevalence of Dysmenorrhea Among Spanish Female University Students” na ang vegetarian diets o ang pagkain ng mas maraming gulay at prutas ay nakapagpapabawas ng menstrual pain.
Tubig
Pwedeng gawin ang pag-inom ng maligamgam na tubig para mawala ang cramps kapag may menstrual period. Sapagkat ang mainit o maligamgam na tubig ay nakapapagpa-relax ng kalamnan ng ating katawan.
Isda
Ang mga isda na nagtataglay ng omega 3 acids gaya ng salmon ay mahusay na panlaban sa inflammation lalo na kung may regla ang isang babae. Nakakatulong din ang pagkain ng salmon para maiwasan din ang mga sintomas ng premenstrual syndrome.
[embed-health-tool-ovulation]
Mga Hindi Dapat Kainin Kapag Masakit Ang Puson Dahil Sa Regla
Kung may mga pagkain na nakakatulong upang maibsan ang pagsakit ng puson, tandaan mo na may mga pagkain din na pwedeng magpalala ng iyong nararamdaman na menstrual cramps.
Narito ang mga sumusunod na pagkain na dapat mong iwasan:
- Mga highly processed na pagkain na kilala rin bilang ultra-processed food
- Pagkain na may mataas na sugar
- Mga pagkain na dahilan ng pagkakaroon ng gas sa tiyan gaya ng cauliflower o Brussels sprouts
Kailan Dapat Magpakonsulta Sa Doktor?
Bagamat ang pagsakit ng puson ay isang normal na sintomas ng regla, mainam na magpakonsulta sa doktor sa oras na maranasan ang mga sumusunod:
- Pagdurugo pagkatapos makipag-sex
- Pagkakaroon ng irregular periods
- Pagkakaroon ng spotting
- Malakas na pagdurugo o heavy bleeding
- Pagdurugo na nagtatagal ng higit sa 7 araw
- Matinding pananakit na hindi nawawala
Ang mga nabanggit ng mga sintomas ay maaaring manifestation ng pagkakaroon mo ng iba pang mga kondisyon na dapat mong malaman. Kung saan matutukoy mo lamang ang sakit na maaaring taglay sa pamamagitan ng pagpapakonsulta sa isang doktor.
Key Takeaways
May mga pagkain para sa sakit ng puson na pwede mong subukan na makakatulong para maibsan ang nararamdaman na pananakit. Gayunpaman, mas maganda pa rin kung makikipag-usap ka sa iyong doktor upang malaman ang angkop na mga pagkain para sa’yo. Maaari kasing hindi maging angkop sa iyo ang ibang mga pagkain para sa sakit ng puson. Ito’y lalo na kung may iba ka pang medikal na kondisyon na dapat matugunan, kagaya ng allergy. Ang pagpapakonsulta sa doktor ay isang mahusay na hakbang upang makakuha ng wastong diagnosis at paggamot.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Kababaihan dito.