Ang mga babae ay dumadaan sa pelvic exams bilang bahagi ng regular na pagsusuri. Nagsasagawa ang mga doktor ng pelvic exams para suriin ang reproductive organs. Bukod sa pagiging bahagi ng mga regular na checkup, ginagawa din ang mga ito kung nakakaranas ka ng anumang hindi pangkaraniwang discharge o pananakit ng pelvic. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung ano ang pelvic exam, kung kailan kailangan at kung kailan hindi.
Pamamaraan ng pelvic exam: Ano ang pelvic exam at paano ito ginagawa?
Ang pelvic exam ay isang procedure na ginagawa ng isang doktor para suriin ang iyong vulva, ari, cervix, ovaries, matris, rectum, at pelvis. Ginagawa ito sa opisina ng doktor at tumatagal lamang ng ilang minuto.
Para maayos na masuri ng doktor ang lugar, kailangan niyang gumamit ng plastic o metal tool na hugis tuka ng pato, na tinatawag na speculum. Ito ay ginagamit upang buksan ang iyong mga vaginal wall para makita ng doktor ang iyong ari at cervix. Maaaring magdulot ito ng kaunting discomfort. Ngunit maaaring painitin ang speculum upang maging mas komportable para sa iyo, at makakatulong na mag-relax.
Ang isang pelvic exam procedure ay maaari ding samahan ng Pap smear. Para dito, gagamit ang doktor ng maliit na wand para kumuha ng sample ng cervical cells bago tuluyang alisin ang speculum.
Para saan ang pelvic exam?
Ito ay para magkaroon ang doktor ng maayos na visual at physical assessment ng mga reproductive organ ng isang babae. At upang maghanap ng anumang mga palatandaan ng mga sakit sa katawan.
Ang Pap smear ay ginagawa para suriin ang mga cell na maaaring mauwi sa cervical cancer. Maaari ring suriin o magsagawa ng mga pagsusuri ang doktor mo na matukoy kung mayroon kang sexually transmitted diseases.
Maaaring maglaan din ng oras sa iyong doktor upang talakayin ang anumang mga alalahanin tungkol sa iyong sexual o reproductive health.
Kailan at gaano kadalas ako dapat magpa-pelvic exam?
Ang pelvic exam ay dapat lamang gawin sa mga babaeng may edad na 21 taong gulang pataas. Mas karaniwan para sa mga kababaihan na sumailalim sa pelvic exam isang beses sa isang taon. Kadalasan, ito ay bilang bahagi ng general physical checkups. Gayundin, kadalasang ginagawa ito sa mga kababaihang aktibo sa pakikipagtalik.
Mayroong ilang iba pang mga dahilan na magpa-pelvic exam ang mga kababaihan. Kabilang dito ang:
- Pananakit ng pelvic
- Hindi pangkaraniwang discharge o pagdurugo sa ari
- Pagkakaroon ng family history ng cancer
- Pagtugon sa mga alalahanin tungkol sa mga cyst, mga sakit na nakukuha sa pakikipagtalik, at iba pang gynecological issues
Ipinapayo na magpa-Pap smear tuwing ikatlong taon.
Hindi inirerekomenda para sa mga babaeng wala pang 21 taong gulang na magpa-pelvic exam. Ang mga pagsusulit na ginawa sa mga kababaihan sa edad na ito ay maaaring humantong sa over-treatment, false-positive tests, anxiety, at mga hindi kinakailangang gastos.
Mga resulta ng pelvic exam procedure
Kadalasan, matutukoy ng doktor mo sa oras ng iyong pelvic exam kung may anumang kakaiba. Sa kabilang banda, ang mga resulta para sa isang Pap smear ay karaniwang tumatagal ng isang araw o dalawa.
Sa iyong mga resulta, maaaring magrekomenda ang iyong doktor ng anumang gamot na maaaring kailanganin mo. Gayundin ang mga karagdagang pagsusuri, o maaaring mag-iskedyul ka para sa isang follow-up na appointment o paggamot.
Key takeaways
Ang isang pelvic exam procedure ay maaaring mukhang nakakatakot sa una dahil sa kung paano ito ginagawa at ang discomfort na dulot nito. Maaari itong magdala ng pisikal at mental na pagkabalisa. Kaya naman pinakamainam na malaman kung ano ang pelvic exam bago sumailalim sa pagsusulit. Ang pag-alam kung ano ang gagawin bago, habang, at pagkatapos ng pelvic exam ay nakakatulong para sa iyong appointment.
Kung hindi ka komportable sa oras ng procedure, sabihin ito sa doktor mo o healthcare provider. Pinakamabuting makipag-usap at maging bukas sa iyong doktor tungkol sa sexual health mo.