backup og meta

Pinapawisan sa Gabi Dahil sa Menopause, Bakit nga ba Ito Nangyayari?

Pinapawisan sa Gabi Dahil sa Menopause, Bakit nga ba Ito Nangyayari?

Nagiging dahilan ng pagkabasa ng damit at sapin sa higaan, at nakaiistorbo sa pagtulog kapag pinapawisan sa gabi dahil sa menopause. Karaniwan itong nangyayari sa mga babaeng nasa edad 40 hanggang 50 dulot ng pagtaas ng daloy ng dugo kaya’t nag-e-expand at nagko-contract ang mga ugat.

Ito ang pakiramdam ng biglang pagkalat ng init sa buong katawan na nagdudulot ng pagpapawis at mabilis na tibok ng puso at pamumula ng balat. Matapos ang matinding init ng pakiramdam, makararamdam naman ng panlalamig dulot ng pagsikip ng mga ugat.

Mga Dahilan kung bakit Pinapawisan sa Gabi Dahil sa Menopause

Madalas itong mangyari sa mga babae kapag nasa perimenopause. Normal ito at likas na yugto ng buhay kung saan ang ovaries ay gumagawa ng mas kaunting hormones. Ang hormones na ito ay estrogen, progesterone, at testosterone na sanhi iregular na buwanang regla. Ang pagbabago sa level ng hormones ang dahilan kung bakit pinapawisan sa gabi. Ito rin ang yugto ng transisyon patungong menopause.

Nangyayari din ito sa babaeng menopausal. Ang hindi pagkakaroon ng regla sa loob ng isang taon ang ibig sabihin ng menopause. Ang average age kung kailan ito nangyayari ay 51 taong gulang.

Bagaman ito ang mga karaniwang sanhi, hindi lamang ito ang tanging dahilan kung bakit pinapawisan sa gabi dahil sa menopause. Ang pagpapawis sa gabi ay nangyayari sa babae at lalaki.

Ilan sa mga dahilan kung ito nangyayari ang mga sumusunod:

  • Bacterial infections na puwedeng lumabas bilang endocarditis, osteomyelitis, at pyogenic abscess
  •   Cancer o gamutan para dito
  • flu
  • Fever
  • Mga sakit na may kinalaman sa hormones
  • Mga nakahahawang sakit gaya ng human immunodeficiency virus (HIV) at tuberculosis
  • Obstructive sleep apnea
  • Panic disorder or anxiety
  • Mga gamot tulad ng acetaminophen, antidepressants, aspirin, mga gamot sa diabetes, gamot para sa high blood pressure, at steroids.

Makatitiyak ka namang lahat ng mga ito ay nagagamot. Kaya’t kung nakararanas ka ng madalas na pagpapawis sa gabi na nakasisira sa iyong pagtulog, pinakamainam na kumonsulta sa iyong doktor at gamutin ito.

Mga Salik ng Panganib

May mga panganib na nakaaapekto sa pagpapawis mo sa gabi. 

Ang unang salik ay edad na nagbibigay ng hudyat sa yugto ng iyong reproductive maturity. Gaya ng nabanggit natin kanina, karaniwang-karaniwan ang pagpapawis sa gabi para sa mga babae sa edad na 40 hanggang 50. Puwede itong sabayan ng hot flashes at puwedeng parehong-pareho ang pakiramdam.

Isa pang salik ay paninigarilyo. Mas malaki ang tsansang mangyari ang mabilis na pagluwag at pagsikip ng mga ugat sa mga naninigarilyo. Kaya’t malaki rin ang tsansang makaranas sila ng pagpapawis sa gabi at hot flashes.

Ang obesity ang pangatlong salik. Ang mataas na body mass index (BMI) ay nagdudulot ng hormonal imbalances at magluwag ng mga ugat kaya’t mas posibleng mangyari ang pagpapawis sa gabi.

Nalaman din ng mga pag-aaral na ang lahi ay puwede ring salik dahil napag-alamang mas madalas mangyari ang pagpapawis sa gabi at hot flashes sa mga babaeng mula sa lahing Afrikano at hindi gaanong nararanasan ng mga babaeng may lahing Asyano.

Kailan Kailangang Magpunta sa Doktor

Dahil normal lang ang pinapawisan sa gabi sa isang tiyak na bahagi ng reproductive maturity, kadalasan, hindi ito dapat ipag-alala. 

Sinabi ng mga unang mga pag-aaral na normal lang na pinapawisan sa gabi sa loob ng kalahati hanggang dalawang taon. Ngunit sa mga bagong pag-aaral, sinasabing normal lang na makaranas nito ng mas matagal pa sa unang nabanggit. 

Karaniwan itong nawawala makalipas ang ilang taon. Ngunit kung nakagagambala na ito sa iyong pagtulog at hindi humuhupa ang tindi nito, pinakamainam na kumonsulta sa doktor. Gaya ng karamihan sa mga sakit, ang pagkagambala sa pang-araw-araw na gawain, pagtulog, o kalidad ng pagpapahinga ay sapat nang indikasyong kailangan mo nang magpatingin.

Kung pinapawisan sa gabi dahil sa menopause kasabay ng iba pang nakaaalarmang sintomas gaya ng sobrang antok sa araw, at pagkahapo na dahilan ng pagbagsak ng sleep health o hindi maipaliwanag na lagnat o pagbaba ng timbang, pinakamainam na humingi ng tulong medikal.

Gamutan

Dahil may kaugnayan sa menopause ang dahilan, ang pinakakaraniwang gamutan dito ay hormone therapy.

Ang hormone therapy ay ang paggamit ng estrogen na mayroon o walang kasamang progesterone. Layunin nitong balansehin ang iregular na level ng hormones na sanhi ng pagpapawis sa gabi. Nakatutulong din ang hormone therapy sa iba pang sintomas ng menopause gaya ng vaginal dryness.

Ang estrogen replacement therapy naman ay gumagana sa parehong paraan ngunit hindi ito puwede sa mga taong may history ng breast cancer. May panganib kasi ng blood clot at pamamaga ng gallbladder ang gamutang ito. Kabilang sa gamutan para sa pagpapawis sa gabi ang antidepressants, anticonvulsants, clonidine, at megestrol.

Ilan sa gamutang hindi gumagamit ng gamot ay ang pagsusuot ng maluluwag at magagaan na cotton pajamas upang hindi gaanong pagpawisan.

Makatutulong din ang pagkakaroon ng maayos na sapin sa higaan at magandang bentilasyon ng tinutulugan. Maaari ding makatulong ang paghahanda ng malamig na inuming tubig sa iyong tabi at cold pack sa ilalim ng unan.

Gaya ng karaniwang pagpapawis, puwede mong iwasan ang alak, kape, sigarilyo, at maaanghang na pagkain. Bago matulog, puwede mong gawin ang deep breathing exercise at relaxation method upang makontrol ang iyong pagpapawis sa gabi.

Key Takeaways

Makararanas ka ng pagpapawis sa gabi minsan sa iyong buhay. Ang mahalaga, alam mong mayroon kang mga paraan upang gamutin at mapamahalaan ito. Umaasa kaming naituro sa iyo ng artikulong ito ang mga puwedeng gawin upang harapin ang pagpapawis sa gabi dahil sa menopause o sa iba pang kondisyon.

Matuto pa tungkol sa Menopause dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Night Sweats and Women’s Health

https://my.clevelandclinic.org/health/symptoms/16562-night-sweats-and-womens-health

Accessed October 25, 2021

Menopause-Related Hot Flashes and Night Sweats Can Last For Years

https://www.health.harvard.edu/blog/menopause-related-hot-flashes-night-sweats-can-last-years-201502237745

Accessed October 25, 2021

How to Sleep Well During Menopause

https://www.abingtonhealth.org/healthy-living/health-news/library/articles-related-to-womens-health-/sleeping-hot-how-to-sleep-well-during-menopause/

Accessed October 25, 2021

Hot Flashes: Symptoms and Causes

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/hot-flashes/symptoms-causes/syc-20352790

Accessed October 25, 2021

Night Sweats

https://www.sleepfoundation.org/night-sweats/

Accessed October 25, 2021

Kasalukuyang Version

06/29/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Janie-Vi Villamor Ismael-Gorospe, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Nakakatulong ba ang Ehersisyo para sa mga Sintomas ng Menopause

Bakit Nagkakaroon ng Vaginal Dryness? Alamin Dito ang Kasagutan!


Narebyung medikal ni

Janie-Vi Villamor Ismael-Gorospe, MD

General Practitioner


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement