Sa panahon ngayon, marami nang nauusong mga treatment para sa balat. Isa sa mga pinakabago ay ang PRP o platelet-rich plasma facial, na kilala rin sa pangalang “vampire facial.”
Ano nga ba ang treatment na ito, bakit ito tinawag na vampire facial, at ligtas ba ang sumailalim dito? Heto ang mga dapat mong malaman.
Ano ang vampire facial?
Ang vampire facial ay isang facial treatment na gumagamit ng PRP o platelet-rich plasma upang pagandahin at gawing mas malusog ang balat. Kaya ito tinatawag na “vampire facial” ay dahil ang PRP ay nakukuha mula sa dugo mismo ng pasyente.
Heto ang mga karaniwang hakbang sa treatment na ito:
- Kukuha ng dugo mula sa pasyente
- Sa pamamagitan ng isang centrifuge, ihihiwalay ang platelets at blood plasma mula sa dugo
- Hahaluan ng activating agent ang napaghiwalay na platelets at plasma upang ma-activate ang mga ito
- Isagawa ang microneedling sa balat, at pagkatapos ay ipapahid dito ang PRP
Mayroon ring isang uri ng PRP treatment na kung tawagin ay PRP facelift. May pagkakahalintulad ito sa PRP facial, ngunit ang pagkakaiba ay gumagamit ito ng PRP na hinaluan ng hyaluronic acid upang maging “filler” para isagawa ang facelift sa balat.
Pagkatapos ng procedure ay maaaring makaranas ng kaunting pamamaga o kaya irritation. Kadalasan itong nawawala pagkatapos ng 3-4 na araw, at pagkatapos ay tuloy-tuloy na ang paggaling. Pinapayuhan rin ang mga sumasailalim sa ganitong treatment na huwag munang gumamit ng makeup o kaya mga facial products hangga’t hindi pa nakaka-recover ang balat.
Ano ang sinasabing mga benepisyo nito?
Ayon sa mga sumasailalim at nagsasagawa ng procedure na ito, nakatutulong raw ang PRP sa mga sumusunod:
- Acne scars
- Linya sa balat
- Wrinkles
- Malalaking pores
- Pigmentation
- Magaspang na balat
Ang PRP na ginagamit para sa procedure na ito ay mayroong taglay na growth factors, platelets, at plasma. Ang mga bagay na ito ay sinasabing nakatutulong sa healing ng balat at nakakapag-stimulate ng production ng mga skin cells. Bukod dito, nakakatulong rin daw ito sa production ng collagen na kinakailangan ng ating balat upang panatilihin ang hydration at elasticity nito.
Ano ang posibleng side-effects nito?
Ang isang panganib sa PRP o vampire facial ay ang pagdurugo. Ito ay dahil tinutusok ng paulit-ulit ang balat sa microneedling, at ito ay maaaring maging sanhi ng pagdurugo. Pinapayuhan na ang mga taong may problema sa blood clotting na umiwas sa ganitong procedure dahil maaaring hindi makontrol ang bleeding.
Ngunit ang pangunahing panganib ng vampire facial ay ang infection. Kapag hindi maayos ang pagsasagawa ng procedure o kaya ay hindi nasusunod ang tamang protocol sa paglilinis at sterilize ng mga instruments na ginagamit, maaaring magkaroon ng iba’t-ibang mga sakit. Kabilang na rito ang mga blood-borne na sakit tulad ng Hepatitis B, Hepatitis C, pati na rin ang HIV.
Kaya’t kung sasailalim ka sa ganitong procedure ay importanteng magpunta sa lisensayadong mga clinic kung saan makasisigurado kang ligtas ang isasagawang vampire facial.
Tunay ba itong nakatutulong sa balat?
Sa kasalukuyan, limitado pa lamang ang mga pag-aaral na isinagawa sa vampire facial. Mayroong mga sumasailialim dito na sinasabing mabisa ang treatment, ngunit ang iba naman ay sinasabing wala itong naidulot na long-term na benepisyo para sa balat.
Bagama’t isinasagawa ito ng mga doktor, matatawag pa rin na “unproven treatment” ang vampire facial. Ibig sabihin, kung susubukan mo ang procedure na ito ay hindi ka agad dapat umasa na ito ay magkakaroon ng agarang epekto sa iyong balat, kung mayroon man.