Karamihan sa mga tao, kung hindi lahat, ay nakaranas na magkaroon ng makakati, namumula, at masasakit na mga rashes sa balat. Depende sa kung ano ang sanhi ng pamamantal, maaari itong matagpuan sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ngayon na napapansin mong nangangati at nagsisimulang mamuo ang rashes sa kilikili, ano kaya ang posibleng dahilan nito? Basahin ang artikulong ito upang malaman ang kasagutan.
Iba’t Ibang Posibleng Sanhi Ng Rashes Sa Kilikili
Ang mga rashes o pantal ay tumutukoy sa pangangati o pamamaga ng balat na nagdudulot ng pamumula, pagbabago ng pakiramdam o texture ng balat. Maaari itong sintomas ng ilang mga medikal na kondisyon o maaari rin namang sanhi ng mga partikular na sangkap at allergens. May ilang tao rin ang prone na magkaroon ng ganito dahil sa ilang partikular na genes. Narito ang ilan sa mga posibleng dahilan kung bakit nagkakaroon ng rashes sa kilikili.
Contact Dermatitis
Isa sa pangunahing dahilan kung bakit nagkakaroon ng pamamantal sa balat ang isang tao, saanmang bahagi ng katawan, ay dulot ng contact dermatitis. Ito ay tumutukoy sa partikular na uri ng dermatitis kung saan ang makating pantal ay sanhi ng pagkakaroon ng direct contact sa isang sangkap (irritant contact dermatitis). Maaari ring magkaroon ng mga naturang rashes dahil sa pagiging sensitibo sa isang allergen, dahilan para humantong sa allergic reaction (allergic contact dermatitis).
Posibleng magkaroon ng rashes sa kilikili kung ikaw ay gumagamit ng deodorant na may sangkap na ikaw ay maaaring allergic. Kung kaya, minsan nagbibigay ng payo ang doktor na itigil ang paggamit nito. Pansamantala ka ring pagagamitin ng mga anti-inflammatory creams upang humupa ang pamamaga nito.
Eczema (Atopic Dermatitis)
Isa pang uri ng dermatitis ang eczema o atopic dermatitis. Kapag mayroon ka nito, nagiging dry, mapula, makati, at bumpy ang iyong balat. Ito ay sanhi ng kombinasyon ng immune system activation, genetics, environmental triggers, at stress.
Seborrheic Dermatitis
Ito ay tumutukoy sa isang skin irritation na karaniwang nakikita sa mga oily na parte ng katawan tulad ng mga sumusunod na lugar:
- Scalp
- Mukha (partikular sa talukap ng mata, kilay, at gilid ng ilong)
- Dibdib
Ang ibang tao ay maaari ring magkaroon ng rashes sa kilikili buhat ng nabanggit na kondisyon.
Heat Rash
Tulad ng ibang nabanggit na skin irritation, ang heat rash (prickly heat o bungang araw) ay isang kondisyon din na nagdudulot ng pamumula at pangangati. Ito ay kadalasang nangyayari kapag sobrang pawis ka. Ang pawis ay nakukulong sa ilalim ng iyong balat at nahaharangan ang iyong mga sweat glands. Kung hindi matanggal ang pawis sa pores, maaari kang magkaroon ng rashes sa kilikili na mayroong nakatutusok at namamagang pakiramdam.
Bukod sa kilikili, karaniwan din ito sa mga bahagi ng katawan kung saan nagdadampi ang parehong balat tulad ng:
- Leeg
- Ibaba ng dibdib
- Mga creases ng siko
- Groin
Candidiasis
Ang candidiasis ay tumutukoy sa isang karaniwang yeast infection na nagdudulot ng pangangati at mga mapupula at lumalaking mga pantal. Dahil karaniwan itong nangyayari sa mga mamasa-masang lugar ng katawan, posibleng magkaroon ng rashes sa kilikili. Kabilang din ang skin folds, genitals, gitna ng katawan, puwet, at ibaba ng dibdib sa mga lugar kung saan maaari itong matagpuan.
Intertrigo
Katulad ng ilan sa mga nabanggit na mga kondisyon, karaniwan ding nangyayari ang intertrigo sa mga skin folds. Ang pamamaga at pamamantal ay sanhi ng skin-to-skin friction na pinalala ng init at moisture dahil sa pawis.
Ilan sa mga karaniwang lugar kung saan nangyayari ang naturang kondisyon ay ang mga sumusunod:
- Creases ng leeg
- Kilikili
- Ilalim o pagitan ng dibdib
- Pagitan ng belly folds
- Pagitan ng puwetan
- Groin at scrotum
- Inner thighs
- Pagitan ng mga daliri sa paa at kamay
Key Takeaways
Tulad ng ibang rashes na makikita sa ibang parte ng katawan, ang rashes sa kilikili ay maaaring tumagal mula sa ilang oras hanggang ilang buwan. Karamihan sa mga pantal na ito ay madaling magamot sa pamamagitan ng mga home remedies o mga over-the-counter medications. Gayunpaman, mahalagang malaman kung ano ang sanhi ng iyong pantal bago gumawa ng mga hakbang upang gamutin ito at maiwasan ang muling pagkakaroon nito sa hinaharap.
Alamin ang iba pa tungkol sa Iba Pang Mga Sakit sa Balat dito.