Mga benepisyo ng paghihilamos ng mukha
Ano ang mga benepisyo ng paghihilamos ng mukha? Naisip mo na ba kung bakit ito mahalaga? Karaniwang bahagi ng personal hygiene ng karamihan sa mga tao ang paghihilamos. Ngunit maaari ba itong gawin madalas?
Inilalarawan ang paghihilamos bilang paggamit ng tubig, at kung minsan, iba pang panlinis ng mukha upang matanggal ang dumi at iba pang hindi kanais-nais na bagay sa mukha.
Bakit mahalaga ang paghihilamos ng mukha?
Mahalaga ang paghihilamos dahil parating exposed ang iyong balat sa mukha sa mga panganib sa labas na nasa anyo ng mga bagay tulad ng dumi at bakterya. Ang araw-araw at regular na paghihilamos ang tutulong sa iyo na matanggal ang mga sumusunod:
- natirang oil
- dumi
- polusyon
- mga dead skin cell
Tulad ng sa lahat ng skincare routine, unang hakbang ang paglilinis. Sa kadahilanang kung maipon ang mga dumi at polusyon sa iyong mukha dahil sa hindi wastong paglilinis, tataas ang posibilidad ng pag kakaroon at pagdami ng tigyawat, at mga senyales ng katandaan at dehydration.
Narito ang ilang benepisyo at mga dahilan kung bakit mahalaga ang paghihilamos ng mukha:
Pagpapanatili ng makinis na balat
Natural na gumagawa ng sebum ang iyong balat mula sa sebaceous glands upang makatulong na mapanatili at protektahan ang balat mula sa kapaligiran. Bahagi ang sebum sa bumubuo ng oil secretions sa iyong mukha.
Habang karaniwang kapaki-pakinabang ang sebum sa balat, mayroon ding panganib ang labis na pagkakaroon nito dahil sa kakulangan ng paglilinis ng mukha. Maaaring dumami rin ang paggawa ng sebum dahil sa pagbabago ng hormone ng katawan. Maaaring humantong ito sa paglaki ng pores at pagbabara ng skin follicles. Dahil din sa naiwang sebum kaya posibleng manganib ang balat sa mga bakterya. Nagreresulta ito sa acne, pamamaga, at pagbabago sa kutis.
Anti-aging
Nakatutulong ang paghihilamos ng mukha upang maalis ang mga hindi kanais-nais na particle at iba pang mga bagay na nakakaapekto sa balat at nagpapabilis sa proseso ng pagtanda. Ang tamang paghihilamos ang nakatutulong na mapagaan ang mga proseso na nagtutulak sa pagtanda, wrinkle, pigmentation, at dullness ng balat.
Hydration
Isa ang hydration sa mga benepisyo ng paghihilamos. Nakatutulong sa iyong balat ang palaging paglilinis ng mukha sa pamamagitan ng paghihilamos upang mapanatili ang tamang level ng moisture nito. Pinapanatili nitong malambot ang iyong balat. Pinipigilan din nito na matuyo ang balat, na maaaring humantong sa pagbibitak, pangangati at pagkaliskis ng balat.
Mas epektibo ang skincare products
Kabilang sa mga benepisyo ng paghihilamos ng mukha ang pagpapalakas ng bisa ng mga skincare products, na kabilang sa mga dahilan kung bakit mahalaga ang paghihilamos. Kung hindi naghihilamos, maaaring natatakpan na ang iyong balat ng makapal na layer ng dumi, bakterya, dungis, at iba pang mga bagay na hahadlang sa tungkulin ng mga active ingredients sa iyong ginagamit na skincare products.
Kailan at gaano kadalas dapat ang paghihilamos ng mukha
Dalawang beses lamang sa loob ng isang araw dapat ginagawa ang paghihilamos ng mukha. Dapat maghilamos isang beses sa umaga, at isang beses naman sa gabi. Gayunpaman, dapat din maghilamos matapos pagpawisan. Halimbawa, sapat na rason ang matinding pagpapawis dahil sa mga pisikal na gawain upang maghilamos uli ng mukha, nang hindi nababahala sa anumang masamang epekto nito.