Posibleng nakakainis at hindi mabuti sa pakiramdam ang pangangati dahil sa allergy. Mabuti na lang at may iba’t ibang natural remedy para mabawasan ang sobra nitong pangangati. Kung naghahanap ng home remedy sa skin allergy, isaalang-alang ang mga sumusunod na sangkap.
Mga Natural na mga Sangkap Para sa Pangangati
Ang pangangati, o kilala sa medisina bilang pruritus, ay maaaring mangyari dahil sa iba’t ibang dahilan. Sa ilang kaso, nangyayari ito dahil sa kagat ng insekto; minsan nangyayari din ito pagtapos madikit sa isang substance na nagdudulot ng allergic reaction.
Kailangan ng treatment galing sa doktor ang mga pangangati na sanhi ng sakit sa balat o iba pang medikal na kondisyon. Para sa mga mild na kaso, maaaring subukan ang mga natural na kasangkapan bilang home remedy sa skin allergy.
1. Aloe Vera
Maaaring mapawi ng aloe vera ang irritation at pangangati dahil sa cooling effect nito.
Kapaki-pakinabang din ang natural remedy na ito para ma-moisturize ang balat, pang-stimulate ng cell growth, at pang-iwas sa mas lalong pangangati na maaaring humantong sa impeksyon.
Maaaring makabili ng mga produktong may aloe vera sa anyo ng gel o cream. Bilang alternatibo, maaari ding kunin ang gel direkta sa halaman. Sa paggamit ng aloe vera, ipahid lamang ang produkto sa apektadong bahagi.
2. Gotu Kola
Centella asiatica o gotu kola ang tawag sa herbal plant na kabilang sa pamilya ng parsley. Ayon sa mga pag-aaral sa hayop, maaaring gamitin ang halamang ito bilang anti-itch remedy dahil naglalaman ito ng anti-allergic, antipruritic, at anti-inflammatory properties.
Ang mga katangiang ito ang dahilan kung bakit mabuting sangkap ang gotu kola para sa maraming skin care product. Gayunpaman, kailangan pa rin natin ng mas maraming pag-aaral para malaman kung ligtas bang inumin ang gotu kola o ipahid bilang home remedy sa skin allergy.
3. Langis ng Niyog (Coconut Oil)
May active compound ang langis ng niyog na maaaring makapawi sa pamamaga ng balat. Maaari ding maalis ng nilalaman nitong antioxidant ang mga free radicals para maprotektahan ang skin cell sa pagkasira.
Maaari ding makatulong ang lauric acid sa langis ng niyog para patayin ang bakterya na nagdudulot ng pangangati.
Hindi lamang iyon, maganda ring moisturizer ang langis ng niyog lalo na sa mga may allergy na mayroon dry skin. Tandaang mas madaling kapitan ng malubhang sintomas ng allergy sa balat ang mga taong may dry skin.
4. Tea Tree Oil
Puwede ring home remedy sa skin allergy ang tea tree oil dahil mayroon itong anti-inflammatory properties. Bukod sa pangangati, makatutulong din ang tea tree oil sa iba pang mga problema sa balat, tulad ng nail fungus, acne, kagat ng insekto, at athlete’s foot.
Tandaan na hindi maaaring gumamit ng tea tree oil ang mayroong eczema. Higit pa rito, tingnan kung kailangang i-dilute ang oil sa iba pang oil o kung kailangang mag-moisturizer bago gumamit.
5. Oatmeal
May potensyal din ang oatmeal bilang home remedy sa skin allergy. Salamat sa anti-inflammatory at antioxidant properties nito. Parehong nakatutulong ang mga properties na ito para gamutin ang makati, tuyo, at magaspang na balat.
Benepisyal din ang oatmeal para sa pag-aayos ng balat na kadalasang gawa ng mga allergy. Isa rin itong humectant. Ibig sabihin, nakatutulong ito sa pag-moisturize ng balat.
Tandaang kapag para sa balat, inirerekomenda ng mga eksperto ang colloidal na anyo nito, na kadalasang giniling ng whole oats para maging pinong powder.
6. Peppermint
Pinakaangkop na home remedy sa skin allergy ang peppermint dahil sa soothing properties nito. Dahil hindi ito pangkaraniwang halaman na nakikita sa bahay, nakukuha ito ng karamihan sa mga essential oil.
Para makuha ang mga benepisyo nito, ihalo ang peppermint leaf oil sa moisturizer na madalas ginagamit bilang panlunas sa pangangati. Huwag ipahid nang direkta ang oil sa masakit o makati na balat dahil maaari itong mag-trigger ng burning sensation.
Mga Dapat Malaman Bago Pumili ng Natural Itching Remedy
Karaniwang ligtas ang mga home remedy sa skin allergy na gawa mula sa mga sangkap na tinalakay natin sa itaas. Ngunit dahil hindi angkop sa lahat ang paggamit ng mga natural remedy, isaalang-alang ang paggawa ng patch test. Gayundin, makipag-ugnayan sa iyong doktor bago gumamit ng anumang produkto, lalo na kung mayroong sensitibong balat.
Gayundin, tandaan na hindi ka maaaring umasa sa mga natural remedy lamang kung hindi pa bumuti ang pangangati o kung may iba pang problema sa balat. Sa ganitong kaso, unahin ang paghingi ng tulong na medikal.
Matuto pa tungkol sa Skin Health dito.