Naramdaman mo na ba yung pakiramdam na gustong-gusto mong gumamit ng skincare product dahil sa ganda ng mga review nito? Gayunpaman, kahit gaano mo pa kagustong gamitin ito, kailangan mo pa ring mag-ingat lalo na kung bago pa at maraming produktong ito. Alamin dito kung ano ang patch test procedure at iba pang mga paalala sa pagsubok ng bagong skincare product.
Patch Test: Para saan ito?
Sa dermatology, isang diagnostic tool ang patch testing para sa mga taong may contact dermatitis. Gumagamit ang mga doktor ng patch test para malaman kung ang isang substance ang sanhi o nagpapalala ng kanilang kondisyon.
Iba-iba ang hakbang sa patch test. karaniwang may kasama itong marami at maliliit na materyal na nakalagay sa isang plastik na kahon o round aluminum chamber. Inilalagay ang mga materyal na ito sa likuran ng pasyente, na dinidikitan naman ng malaking adhesive tape.
Sa pangalawang appointment (kadalasan pagkatapos ng 2 araw), aalisin naman ng dermatologist ang patch, at mamarkahan ang balat sa kung anuman ang makitang resulta gamit ang panulat na may indelible ink. Kadalasang lumalabas sa pangatlong appointment ang panghuling resulta ng reaction sa katawan. Karaniwang 4 na araw pagkatapos ng application.
Ngayon, halos pareho lamang ang paraan nito sa pagsasagawa ng patch testing para sa bagong skincare product. Gayunpaman, maaari itong gawin sa bahay at karaniwang tumatagal lamang ng 24 na oras.
Paano gawin ang patch test para sa bagong cosmetic product
Inirerekomenda ng mga eksperto ang pagdaan sa patch test bago gumamit ng bagong produkto, lalo na kung may sensitibong balat o alam na allergy.
Tandaang mas nag-re-react ang sensitibong balat sa mga produktong iniiwan dito, gaya ng mga toner, moisturizer, serum, o eye cream, kumpara sa mga cleanser na hinuhugasan kaagad.
Narito ang patch test procedure:
- Pumili ng lugar kung saan maglalagay ng produkto. Ayon sa mga eksperto, magandang simulan sa likuran ng siko. Pagkatapos, saka na maaaring ilagay ang produkto sa balat sa likod ng tainga o gilid ng leeg.
- Kumuha lamang ng kaunti ng produkto at ipahid ito sa napiling skin area.
- Iwanan ang produkto sa loob ng 24 na oras.
- Kung magkakaroon ng reaction mula sa produkto (pamumula, pangangati, breakout, atbp.) huwag magpatuloy sa paggamit nito. Kung determinado pa rin gamitin ang produkto, komunsulta muna sa dermatologist para sa kanilang payo.
- Sakaling walang reaksyon mula sa produkto, maaari nang dahan-dahan ipakilala sa balat ang produkto. Halimbawa, sa halip na magsabon ng marami, magsimula munang maglagay ng manipis na layer nito.
Ayon sa mga ulst, humuhupa rin ang contact dermatitis dulot ng cosmetics kapag naalis na ang allergen. Kung nakakaabala sa iyo ang reaction nito, pag-isipan ang pagpahid ng over-the-counter cream na may mild topical steroid (halimbawa: hydrocortisone).
Karagdagang tips kapag gumagamit ng bagong skincare products
Bukod sa pagsagawa ng patch test, tandaan din ang mga sumusunod na tip kapag gumagamit ng bagong skincare product:
- Magpapalit ng produkto? Pagpahingahin muna ang iyong balat. Ibig sabihin, huwag munang maglagay ng kahit ano dito sa loob ng ilang araw bago gamitin ang bagong produkto.
- Paisa-isa lang ang paglagay ng produkto. Mahalaga ang tip na ito lalo na kapag susubok ng bagong linya ng products na kailangan mong magpatong ng isang produkto sa isa pa (serum, moisturizer, eye cream, atbp)
- Kahit na walang lumabas na reaction sa patch test, patuloy pa ring bantayan kung paano nag-re-react ang iyong balat sa produkto. Maaaring hindi ka nga allergic dito, ngunit may pagkakataon pa ring hindi naman angkop ang produkto para sa iyo.
- Maglaan ng ilang buwan bago magpasyang palitan muli ang produkto. Dahil karaniwang tumatagal ng 3 hanggang 4 na buwan bago makita kung gumagana ba ang produkto.
- Hindi dahil sinabi ng produkto na “natural” o “organic” ito, ibig sabihin ligtas na rin ito.
Key Takeaway
Ano ang patch test? Nabibigyan ka ng patch test ng ideya kung paano mag-re-react ang iyong balat sa bagong cosmetic product. Kung gusto mong sumubok ng bagong product line, inirerekomenda ng mga eksperto na huwag laktawan ang patch test procedure.
Matuto pa tungkol sa Skin Health dito.