backup og meta

Paano Nakatutulong Ang Blepharoplasty Upang Magmukhang Bata?

Paano Nakatutulong Ang Blepharoplasty Upang Magmukhang Bata?

Mata ang unang napapansin ng maraming mga tao sa iba. Sinasabing ang mga ito ang bintana sa kaluluwa ng isang tao. Gayunpaman, habang tumatanda, maaaring mapansin mo kung paano lumawlaw ang balat sa paligid ng iyong mga mata. Makatutulong ba ang blepharoplasty sa suliraning ito? Alamin sa artikulong ito kung ano ang blepharoplasty at ang mga mahahalagang impormasyon tungkol sa operasyong ito.

Ano Ang Blepharoplasty?

Nawawala ang elastisidad ng balat habang tayo ay tumatanda. At hinihila pababa ng gravity ang malalambot na tissues ng mga talukap ng mata. Kaya naman, nagiging dahilan ito ng paglawlaw ng balat.

Ano ang blepharoplasty? Ito ay kilala ring eyelid surgery. Tumutukoy ito sa cosmetic procedure na nakatutulong sa paglawlaw ng balat. Napasisikip nito ang balat at ang malalambot na tissues sa paligid ng mga mata. Gayunpaman, tinatanggal din nito ang sobrang balat at taba mula sa talukap ng mga mata.

Ito ay maaaring isagawa sa itaas at/o ibabang talukap ng mga mata. Ito ay dahil ang sobrang balat ay maaaring maging sanhi ng anoman sa mga sumusunod:

  • Itaas na talukap ng mga mata. Minsan ito ay maaaring lumawlaw na sapat upang maharangan ang paningin.
  • Ibabang talukap ng mga mata. Maaaring mawala ang hubog nito, lumawlaw, magkaroon ng wrinkle, o tila mamugto dulot ng nakaumbok na pads ng taba. Kaya naman, ang operasyon ay makatutulong upang mapabuti ang eye bags sa pamamagitan ng muling pagposisyon sa mga ito at posibleng pagtanggal sa mga sobrang taba at balat.

Mahalagang proseso ang blepharoplasty sa pagpapabata ng mukha dahil sa direktang magandang relasyon ng kilay at pisngi.

Bukod pa rito, maaari ding isaaalang-alang ang pagsasagawa nito kasama ng iba pang operasyon sa mukha tulad ng laser resurfacing o brow lifts. Dagdag pa sa mga ito, ang botox injections ay maaari ding maging epektibo sa pagtanggal ng fine wrinkles.

Ano Ang Blepharoplasty? Angkop Ba Ito Para Sa Iyo?

Ang mga indibiduwal na nasa edad 30 o higit pa na may mabuting kalusugan at walang ibang mga kondisyon sa mata ay ang pinakaangkop para sa blepharoplasty. Ipagbigay-alam agad sa iyong doktor kung ikaw ay nagtataglay ng anoman sa mga sumusunod na kondisyon:

  • Sakit sa mata (halimbawa: glaucoma, o detached retina)
  • Mga problema sa thyroid (halimbawa: Graves’ disease, under or overactive thyroid)
  • Mga problema sa cardiovascular (halimbawa: altapresyon, at iba pang sakit na circulatory)
  • Diabetes

Mga Dapat Asahan Matapos Ang Operasyon

Maaaring isagawa ng surgeon ang operasyong ito nang may local o general anesthesia depende sa plano ng operasyon, kagustuhan ng pasyente at surgeon, at pangangailangan sa kasabay na operasyon.

Ang simpleng blepharoplasty sa itaas/ibabang talukap ng mata ay nangangailangan ng paggamit ng local anesthesia kung saan ang kinakailangan lamang ay ang pagtanggal ng balat. Sa kabilang banda, ang mas invasive na mga operasyon tulad ng lower blepharoplasty na may fat repositioning, mid-face lifts, at endoscopic browlifts, ay maaaring mangailangan ng general anesthesia.

Kadalasang kinabibilangan ng mga sumusunod ang operasyon sa itaas na talukap:

  • Paggawa ng hiwa (tahi) sa eyelid crease kung saan nakatupi ang natural na balat.
  • Pagtangga ng sobrang balat, taba, o muscle sa paligid ng bahagi
  • Pagtahi sa hiwa. Ang natural na tupi sa talukap ng mata ay maaaring makatulong upang maiatago ang peklat.

Sa kabilang banda, ang operasyon sa ibabang talukap ay kinabibilangan ng mga sumusunod:

  • Paggawa ng hiwa sa loob ng ibabang talukap o kahit sa baba ng ibabang talukap.
  • Muling pagposisyon o pagtanggal ng fat mula sa bags sa ilalim ng mga mata, maging sa kaunting balat.
  • Pagsuporta sa muscles ng talukap ng  mata at tendon kung kinakailangan.
  • Pagtahi ng hiwa.

Ang pagsasagawa ng upper blepharoplasty ay maaaring magtagal nang halos isang oras. Sa kabilang banda, ang lower lid surgery ay maaaring umabot ng dalawang oras.

Matapos ang operasyon, ang surgeon ay maglalagay ng suture strips bilang pansuporta sa talukap ng mga mata. Ito ay kadalasang tinatanggal makalipas ang isang linggo.

Bukod sa iba’t ibang hakbang ng operasyong ito, maaari ding asahan ang alinman sa mga sumusunod:

  • Hindi gaanong matinding pananakit o hindi komportableng pakiramdam
  • Pamamanhid
  • Paggamit ng cold compresses, gasa, at benda sa paligid ng mga mata
  • Pamamaga at pagkakaroon ng pasa sa paligid ng mga mata (posible rin ang pagkakaroon ng pasa sa puti ng mga mata)
  • Basa/tuyo at naiiritang mga mata
  • Pagiging sensitibo sa matinding liwanag

Ano Ang Blepharoplasty? Mga Posibleng Panganib At Komplikasyon

May ilang degree ng panganib sa anomang operasyon sa kabila ng pagiging bihira ng mga ito. Kabilang sa ilang mga posibleng panganib at komplikasyon ay ang mga sumusunod:

  • Reaksyon sa mga gamot
  • Pagdurugo, pamumuo ng dugo, at impeksyon
  • Panandaliang problema sa paningin (halimbawa: double vision, panlalabo ng paningin)
  • Mga problema sa pagsasara ng mata
  • Pamamaga o hindi pantay na pagbabagp
  • Maliliit na whiteheads
  • Ectropion

Key Takeaways

Ang itsura ng iyong mukha ay may malaking gampanin upang ikaw ay magmukhang bata. Maaaring magtagal ang resulta ng blepharoplasty. Ngunit mahalagang tandaang tulad ng anomang iba pang cosmetic surgery, hindi nito mapipigilan ang iyong pagtanda.

Matuto pa tungkol sa Pag-aalaga at Paglilinis ng Balat dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Blepharoplasty, https://www.mayoclinic.org/tests-procedures/blepharoplasty/about/pac-20385174#:~:text=Blepharoplasty%20, Accessed March 30, 2022

Blepharoplasty, https://www.healthdirect.gov.au/surgery/blepharoplasty, Accessed March 30, 2022

Blepharoplasty, https://med.stanford.edu/cosmeticsurgery/aestheticservices/face/blepharoplasty.html, Accessed March 30, 2022

Blepharoplasty: An Overview – Milind N Naik, Santosh G Honavar, Sima Das, Savari Desai, and Niteen Dhepe, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC2840922/, Accessed March 30, 2022

Blepharoplasty (eyelid surgery), https://www.betterhealth.vic.gov.au/health/conditionsandtreatments/blepharoplasty-eyelid-surgery, Accessed March 30, 2022

Eyelid Surgery (Blepharoplasty), https://my.clevelandclinic.org/health/treatments/8409-eyelid-surgery-blepharoplasty, Accessed March 30, 2022

Eyelid surgery, https://www.nhs.uk/conditions/cosmetic-procedures/eyelid-surgery/, Accessed March 30, 2022

Kasalukuyang Version

01/16/2023

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Dexter Macalintal, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Paano Makaiwas Sa Sunburn, At Paano Ito Gamutin?

Gluta Drip: Para Saan Ito, At Safe Ba Ang Treatment Na Ito?


Narebyung medikal ni

Dexter Macalintal, MD

Lifestyle Medicine, Registered Nutritionist Dietitian


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement