Karaniwang nagkakaroon ng patay na kuko matapos matamaan ang daliri sa paa dahil naiipon ang dugo sa ilalim ng kuko. Ang magandang balita, nawawala rin ang ang pagbabago ng kulay ng kuko kasabay ng pag galing nito. Ngunit paano kung magkaroon ka ng patay na kuko kahit hindi naman natamaan ang iyong paa? Dapat mo ba itong ipag-alala? Sa artikulong ito, pag-uusapan natin ang mga posibleng sanhi ng pagkamatay ng kuko at mga paraan upang maiwasan ito.
Mga Posibleng Sanhi ng Patay na Kuko
Kung may patay kang kuko, tingnan ang mga posibleng sanhi nito:
1. Hindi tamang sukat ng sapatos
Kadalasang naiuugnay natin ang patay na kuko sa blunt force trauma, na nangyayari kapag may bumagsak na anumang mabigat at matigas sa ating daliri sa paa, o tumama ito sa matigas na bagay.
Ngunit hindi lamang ang blunt force trauma ang pwedeng kasapitan ng ating mga daliri sa paa.
Mayroon ka bang patay na kuko ngunit hindi maalala kung saan natamaan ang iyong paa? Isipin ang hindi tamang sukat ng iyong sapatos. Ang pagsusuot ng masikip na sapatos ay pwedeng maging dahilan ng pagkamatay ng kuko.
2. Paulit-ulit na trauma
Kung hindi blunt force trauma, o hindi tamang sukat ng sapatos ang dahilan, maaaring ang paulit-ulit na trauma mula sa paglalakad o pagtakbo ang sanhi nito.
Sinasabi ng mga eksperto na tumatanggap ng “kaunting pagkalamog” ang iyong paa kapag bumabagsak o kumakalampag sa daan kapag tumatakbo ka. Pagtakbo rin ang dahilan kung bakit bumabangga ang daliri ng iyong paa sa harapan o magkabilang gilid ng iyong sapatos.
Ang paglapag ng iyong paa kapag naglalakad ay traumatic din para sa mga daliri nito dahil puwersahan din itong bumabangga sa iyong sapatos.
Kaya’t kung tumatakbo ka o naglalakad, o isa kang runner o hiker, asahan mo na ang pagkakaroon ng patay na kuko.
3. Fungal na impeksyon
Ang mga fungal na impeksyon ay kadalasang nauuwi sa puti o dilaw na mga kuko. Gayunpaman, maaari ding mauwi ito sa pangingitim ng kuko dahil sa pamumuo ng debris.
Iba pang mga sintomas na nakapagbibigay sa iyo ng senyales na ito’y fungal na impeksyon ay ang:
- Pangangapal ng kuko
- Marupok o madaling mabaling mga kuko
- Wala sa tamang hugis na mga kuko
- Medyo mabaho ang mga daliri sa paa
4. Melanoma
Sa ilang mga kaso, maaaring ang patay na kuko ay senyales ng melanoma, ang pinakaseryosong uri ng kanser sa balat.
Ang melanoma ay maaaring sanhi ng hindi regular na patse ng nangitim na balat, na pwedeng mangyari sa ilalim ng kuko. Tandaan na kung ito ay melanoma, hindi dapat nangingitim ang buong kuko.
Maaari kang makakita ng mahabang linyang itim sa kuko. Kadalasan, nasa hinlalaki ito.
Kabilang sa iba pang senyales ng melanoma ang itim na patse sa balat sa gilid ng kuko, paghihiwalay ng kuko, umbok sa ilalim ng kuko, at pagtanggal ng kuko.
Paano Maiiwasan ang Pagkakaroon ng Patay na Kuko
Ang pinakamabuting paraan upang maiwasan ang patay na kuko ay sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga sanhi nito.
Iwasan ang fungal na impeksyon sa pamamagitan ng:
- pagpapalit ng medyas sa buong araw kung pawisin ka. Pwede ka ring bumili ng medyas na sumisipsip sa pawis.
- pagsusuot ng sapatos na gawa sa breathable material
- Pagpapanatiling malinis at tuyo ng iyong mga paa at daliri.
Kung maglalakad ka nang mahaba o tatakbo, ikonsidera ang mga sumusunod na hakbang:
- Gumamit ng silicon pads para sa sapatos. Maaaring makatulong itong tumanggap ng pressure mula sa pagtakbo.
- Piliin ang sapatos na may tamang sukat. Magpunta sa kilalang nagtitinda ng mga sapatos na panlakad at pantakbo upang makakuha ng professional advice mula sa kanilang mga attendant. Kadalasan, ang kailangan mo ay sapatos na may sapat na espasyo para sa iyong mga daliri, ngunit huwag sobrang luwag na dumudulas na ang iyong paa. Dapat mo ring isipin kung kasya ba ito kapag nagsuot ka ng medyas.
- Palaging maggupit ng mga kuko sa paa. Kapag mas maikli ang mga kuko sa paa, mas maliit ang tsansang bumangga ito sa gilid at harap ng iyong sapatos.
Kung hindi gumaling ang patay mong kuko o kung may iba ka pang mga tanong, huwag magdalawang isip na kumonsulta sa iyong dermatologist.
Matuto pa tungkol sa pangangalaga ng kuko dito.