Hindi karaniwan ang tanong na–kung paano gamutin ang ingrown hair, dahil hindi lahat ng tao ay alam ang kondisyon na ito. Subalit, ang ingrown hair ay pangkaraniwan na kondisyon, ngunit di lamang alam ng marami ang terminong ito. Ang mga ingrown na buhok ay maaaring maging masakit at magdulot ng istorbo. Karaniwang nakakaapekto ang mga ito sa mga taong may makapal, magaspang at kulot na buhok. Maaari din itong magdulot ng impeksyon kapag hindi ginamot.
Ang ingrown na buhok ay isang buhok na nakabaluktot pabalik sa balat, sa halip na tumubo sa ibabaw nito at papalayo. Ang medikal na termino ng isang ingrown na buhok ay “pseudofolliculitis barbae.” Maaaring magkaroon ng ingrown hair kahit saan sa katawan ngunit karaniwang tumutubo ito sa mga lugar kung saan nag-aahit kabilang ang:
- Balbas
- Binti
- Kili-kili
- Dibdib
- Pubic area
Paano gamutin ang ingrown hair: Mga paraan
Pag-iwas sa sanhi ng ingrown hair
Ang sinumang nag-aahit ay maaaring magkaroon ng ingrown na buhok. Kung madalas kang mag-ahit, mas malamang na magkaroon ka ng ingrown na buhok. Ang pinakamabisang paraan upang gamutin ang ingrown na buhok ay ang pagtigil sa pag-ahit o waxing, hanggang sa bumuti ang kondisyon. Karaniwang isa hanggang anim na buwan bago ito tuluyang magamot. Maaari din gupitin ang iyong balbas gamit ang gunting o electric clippers. Huwag magsimulang mag-ahit muli hanggang ang lahat ng balat ay malinis at ang mga tumutubong buhok ay nawala. Ang mga hakbang na ito ay tumutulong sa pagkontrol ng kondisyon, ngunit hindi ito tuluyang mawawala.
Gumamit ng tiyani
Ang paggamit ng tiyani ay isang paraan kung paano tanggalin ang ingrown hair. Kapag lumitaw ang anumang bahagi ng buhok sa itaas ng linya ng balat, maaaring gumamit ng malinis na karayom o tiyani para hilahin ang buhok ng tuwid. Gawin lamang ito kapag ang buhok ay nasa itaas ng balat. Ang paghuhukay sa balat upang bunutin ang buhok ay maaaring magdulot ng impeksiyon. Mahalaga rin na huwag bunutin ang buhok, dahil pinapataas nito ang pagkakataon na ang buhok ay muling tumubo. Ang namamagang area na nakapalibot sa buhok ay nangangailangan ng oras upang ganap na gumaling, bago alisin muli ang buhok.
Gumamit ng mild na mga sabon upang linisin ang mga lugar sa paligid ng ingrown na buhok at maiwasan ang impeksyon. Ang pag-exfoliate sa paligid ng buhok ay makakatulong din sa pag-alis ng mga patay na selula ng balat. Nakakatulong din ito sa pag-alis ng namaga at nairitang balat sa paligid ng buhok.
Mga gamot
May mga gamot na maaaring inumin o ipahid sa balat bilang kasagutan kung paano gamutin ang ingrown hair. Maaaring magreseta ang iyong doktor ng ilang mga gamot upang makatulong na pamahalaan ang iyong kondisyon kabilang na ang:
Retinoid Cream
Ito ay mga gamot na tumutulong sa pagtanggal ng mga patay na selula ng balat. Ang paglalagay ng retinoid cream tulad ng tretinoin ay makakatulong upang maalis ang mga patay na selula ng balat. Maaari kang magsimulang makakita ng mga resulta sa loob ng dalawang buwan. Ang retinoid ay maaari ring tumulong sa pag-aayos ng anumang bahid o peklat, at humantong sa pagkawala nito (post inflammatory hyperpigmentation).
Antibiotic Cream o Tableta
Ang antibiotic na cream ay isang paraan kung paano gamutin ang ingrown hair. Ito ay nakakatulong na mabawasan ang pangangati ng balat dulot ng ingrown hair. Ginagamot ng mga antibiotic cream ang mga banayad na impeksyon na dulot ng pagkamot. Maaaring kailanganin ang mga antibiotic na tabletas para sa mas malubhang impeksyon. Ang isang produktong tinatawag na eflornithine o Vaniqa ay isang nire-resetang cream na nagpapababa ng tsansa o nag papabagal ng muling paglaki ng buhok kapag isinama sa isa pang paraan ng pagtanggal ng buhok, gaya ng laser therapy.
Laser hair removal and electrolysis
Maaaring irekomenda ng doktor ang laser-assisted hair removal, na nag-aalis ng buhok sa mas malalim na antas kaysa sa pag-ahit, waxing, tweezing o electrolysis. Ang laser treatment ay nagpapabagal sa muling pag tubo ng buhok at ito ay isang pangmatagalang solusyon. May mga posibleng side effect sa pamamaraang ito tulad ng pagkalapnos, pagkapilat at pagkawala ng kulay ng balat o hypopigmentation.
Ang electrolysis ay gumagamit ng isang maliit na karayom at isang banayad na electrical zap upang sirain ang mga ugat ng buhok. Bawat follicle ng buhok ay nangangailangan ng paggamot, kaya maaaring hindi praktikal na gumamit ng electrolysis sa isang malaking bahagi ng iyong katawan. Sa pamamagitan ng init mula sa isang laser, nasisira ang mga selula na mayroong maraming pigment kung kaya ito ay pinakamahusay na gumagana sa maitim na buhok.