Ang buhok ay itinuturing na “crowning glory” ng mga babae at ginagamit din nila ito para ipahayag ang kanilang personalidad. Bukod dito, pwede ring mag-alok ng proteksyon ang buhok sa ating anit. Kaya mahalaga ang hair care upang mapanatili ang ating kalusugan at sa pagkuha ng “look” na gusto natin na ipakita.
Isa sa mga nauuso ngayon na paraan sa pagpapaganda at disenyo ng buhok bilang bahagi ng pangangalaga dito ay ang “curly girl method” o CGM. Bagamat, isa ito sa trend ng ating panahon, may mga tao pa rin na hindi alam kung ano ang curly girl method. Kaya naman patuloy na basahin ang artikulong ito para sa mahahalagang impormasyon tungkol sa CGM.
Ano ang curly girl method?
Ayon sa mga artikulo, noong 2001 ang Curly Girl Method ay ipinakilala sa mas malawak na audience ng kilalang hairstylist na si Lorraine Massey, sa kanyang bestselling na libro — ang Curly Girl: The Handbook. At dahil sa pagiging professional hairstylist at curl specialist ni Lorraine, naglakbay siya sa iba’t ibang panig ng mundo para ibahagi ang kanyang passion at kaalaman.
Ang Curly Girl Method, na kilala rin bilang CGM ay isang diskarte sa pangangalaga ng buhok na sadyang idinisenyo para sa natural na kulot at sa naturally textured hair. Ito rin ay ginagamit bilang maintenance ng kahit anong types ng curly hair at ma-enhance ang natural beauty ng buhok na hindi gumagamit ng synthetic o cosmetic enhancements. Kung saan ayon sa mga datos at artikulo ang method na ito ay specific para sa mga buhok na hindi chemically o heat straightened.
Paano ginagawa ang curly girl method?
Batay sa artikulo na mula sa Cosmopolitan, narito ang basic at ang simpleng paraan ng paggawa ng CGM para sa beginners at sa mga taong gustong subukan ito. Narito ang mga sumusunod:
STEP 0: Reset wash
Hugasan mo ang iyong buhok ng isang sulfate-filled na shampoo para alisin ang silicone at wax buildup mula sa iyong mga hibla o strands.
STEP 1: Cleanse
Hugasan ang iyong buhok gamit ang co-wash o sulfate-free na shampoo, imasahe ang iyong anit gamit ito nang hindi bababa sa 60 segundo bago banlawan.
STEP 2: Condition
Kuskusin ang iyong buhok ng conditioner hanggang sa makaramdam mo ang “slimy feels”. Pagkatapos nito ay i-detangle mo ang buhok gamit ang iyong mga daliri o ng isang wide-tooth comb. Kapag nagawa mo na ito, banlawan ang karamihan ng buhok (ngunit hindi lahat).
STEP 3: Style
Kalaykayin at kuskusin ang buhok ng isang palad ng gel, saka ka mag-style ng buhok
STEP 4: Dry
Alisin ang sobrang tubig mula sa iyong buhok gamit ang cotton T-shirt, pagkatapos ay i-air-dry ito.. Kapag ang iyong buhok ay tuyo na, kuskusin ito gamit ang iyong mga kamay para maalis ang malutong na gel coating.
STEP 5: Keep Going
Ulitin ang steps 1-4 sa tuwing mababasa mo ang iyong buhok (at hugasan lamang ito gamit ang “reset” shampoo kung hindi mo sinasadya na gumamit ng produktong may silicones o wax.)
Payo ng mga doktor sa pangangalaga ng buhok
Ayon sa mga dermatologist, doktor, at eksperto nasa paraan kung paano mo hinuhugasan ang iyong buhok at sa mga produktong ginagamit nakasalalay ang pagpapabuti ng kalusugan ng buhok. Kaya naman narito ang ilan sa pwede mong subukan at tandaan sa pagpapanatili ng magandang buhok:
4 Tips sa Pangangalaga ng Buhok
- Iwasan ang sobrang pagsusuklay
- Huwag masyadong maligo nang matagal para hindi maging dry ang buhok
- Piliin ang mga produktong gagamitin sa buhok, tingnan kung masyadong matapang ang mga kemikal na nakapaloob dito para maiwasan ang pagkasira ng buhok.
- Banlawan nang mabuti ang buhok kapag naliligo para hindi ito mababad sa mga kemikal na nakapaloob sa shampoo at conditioner