Pampaputi ng balat ang isa sa pinakamalakas na negosyo ngayon. Kasi naman, halos lahat yata ng tao ay gustong magkaroon ng mas maliwanag at maputing balat. Kung ang iba ay kuntento na sa pagkuskos ng bato sa kanilang mga balat, meron namang gumagamit talaga ng skin bleaching.
Ang skin lightening o bleaching, ay isang cosmetic procedure na naglalayong magpaputi ng maitim na bahagi ng balat o magkaroon ng mas maputi (o translucent) na kulay ng balat. Karaniwan itong ginagamit upang pagandahin ang hitsura ng mga sa balat tulad ng mga birthmark at dark patches o melasma.
Ang mga pamamaraan sa pagpapaputi ng balat ay gumagana sa pamamagitan ng pagbabawas ng konsentrasyon o ng produksyon ng melanin sa balat. Ang melanin ay ang pigment na nagbibigay ng kulay sa balat at tumutulong na protektahan ito mula sa araw.
Gaano karami ang gumagamit ng pampaputi ng balat?
Sa isang bansa sa Africa, umaabot sa pagitan ng 25 at 80 porsyento ng mga kababaihan ay regular na gumagamit ng mga produktong pampaputi ng balat. Ang bilang na ito ay humigit-kumulang 40 porsyento sa Asya. Sa India naman, higit sa kalahati ng mga produktong binebenta para sa pangangalaga sa balat ay mga produktong pampaputi. Natagpuan namang naglalaman ng nakakalason na antas ng hydroquinone at mercury ang mga produktong pampaputi sa Pakistan.
Saan nagsimula ang pampaputi ng balat?
Ang mga pagsisikap na mas gumanda sa pamamagitan ng pagpapaputi ng balat ay nagsimula noong mga 1500s sa Asya. Ang ilang mga pampaputi tulad ng kojic acid at alpha-hydroxy acid ay pinapayagang ihalo sa mga pampaganda sa Europa. Ngunit ang ilang kemikal tulad ng hydroquinone at tretinoin ay hindi. Bagama’t hindi pinapayagan ng ilang bansa ang mga mercury compound sa mga cosmetics, may mga mabibili pa rin nito online.
Karamihan sa produktong nagpapaputi ng balat ay gumagamit ng mga kemikal na sangkap. Ilang kemikal ang napatunayang mabisa sa pagpapaputi ng balat. Ang ilan naman ay napatunayang nakakalason o may mga kaduda-dudang epekto sa kaligtasan. Kabilang dito ang mga mercury compound na maaaring magdulot ng mga neurological problems at mga problema sa bato.
Medisinang pampaputi ng balat
Ang mga sumusunod ay mga karaniwang ginagamit na gamot o kemikal kung gusto mong pumuti ang iyong balat:
- Hydroquinone. Ito ay karaniwang ginagamit subalit hindi na pinapayagan sa European Union. Binabawasn nito ang produksyon ng melanin.
- Tretinoinalpha. Ito ay kilala bilang all-trans retinoic acid na ginagamit upang paputiin ang partikular na parte ng katawan.
- Alpha-hydroxy acid. Ginagamit bilang pampaputi ngunit hindi malinaw ang biokemical na mekanismo nito.
- Kojic acid. Ayon sa mga pag-aaral, ito ay isang mabisang pampaputi at pinapayagan ding gamitin sa mga pampaganda. May mga side effects tulad ng pamumula at eczema.
- Glutathione. Ito ay isang antioxidant na ginagawa ng katawan ngunit pinakakaraniwang iniinom bilang pampaputi. Maaari ding gamitin bilang isang cream.
Mga natural na pampaputi ng balat
Mayroong ilang mga simpleng paraan upang mapanatiling maliwanag ang iyong balat. Basahin at subukan ang mga natural na paraang ito:
Lemon juice
Ang lemon juice ay matagal ng ginagamit upang mapabuti ang kulay ng balat. Ginagamit din itong panggamot sa iba’t ibang mga problema sa balat. Ang acid nito ay hindi lamang maaaring bahagyang magpaputi ng balat, ngunit nakakapag-exfoliate din. Ito ay itinuturing na isang natural na pampaputi. Subalit, ang pag gamit ng purong lemon juice ay maaaring humantong sa pangangati ng balat.
Pipino
Ang pipino ay isa pang natural na sangkap na pampaputi ng balat. Ito ay isa sa mga kilalang remedyo sa bahay para sa pagbabawas ng itim sa mga eyebags. Maghiwa lamang ng maninipis na piraso ng pipino at ipatong ito sa eyebags sa loob ng 5-10 minuto. Maaari kang makakuha ng makinis, malambot, mukhang bata, at kumikinang na balat sa regular na paggamit nito.
Aloe vera
Ang aloe vera ay naglalaman ng aloin, isang natural na depigmenting compound. Ito ay nagpapaputi ng balat at epektibong gumagana bilang gamot para sa non-toxic hyperpigmentation. Maglagay ng purong aloe vera gel sa mga pigmented na lugar bago matulog. Banlawan gamit ang maligamgam na tubig sa susunod na umaga.
Ang magic ay nasa gel na matatagpuan sa loob ng pinakaloob na layer ng dahon ng aloe vera. Ito ay isang malinaw at malapot na substance na binubuo ng hanggang 99% na tubig at humigit-kumulang 75 na potensyal na aktibong sangkap. Kabilang dito ang mga bitamina, antioxidant, mineral, at amino acid. Ang aloe vera ay ginagamit sa iba’t ibang produkto hindi lamang pampaputi ng balat kung hindi pati na rin sa pag-aalaga ng balat.
Ang mga patalastas ng pampaputi ng balat ay nagmumungkahi na magiging mas kaakit-akit ka kung ikaw ay may mas maputing balat. Ngunit bago ka magdesisyon kung anong produkto ang iyong gagamitin, importante isipin at ikonsider ang posibilidad ng allergies o reaksyon sa balat. Marapat din na kumonsulta muna sa iyong doktor upang masiguro ang iyong kaligtasan.













