Patuloy ang pangangati ng iyong paa dahil sa athelete’s foot na dulot ng mga fungi. Bukod sa pangangati, nababahala ka na rin sa mga pulang pantal na ibinibigay nito. Ano kaya ang maaari mong gawin upang maibsan ang pangangati at mga pantal? Ibabahagi ng artikulong ito ang mga kailangan mong malaman tungkol sa gamot sa fungi.
Pag-Unawa Sa Fungal Skin Infection
Bago tayo tumungo sa mga gamot sa fungi, dapat muna nating alamin kung ano ang nagdudulot ng mga iba’t ibang nakakahawang sakit sa balat.
Ang skin fungi ay tumutukoy sa mga maliliit na organismo, kahalintulad ng mga amag at mga kabute. Karaniwan nakikita ang mga ito sa lahat ng posibleng dako, sa hangin, tubig, maging sa katawan ng tao. Halos kalahati ng mga ito ay itinuturing na nakapipinsala. Kung ang isa sa mga nakapipinsalang fungi ay dumapo sa iyong balat, maaari itong maging sanhi ng fungal skin infection. Dahil dito, maaari kang makaramdam ng pangangati kasabay ng pamamantal ng balat.
Iba’t Ibang Uri Ng Fungal Infection
Ang pantal ay maaaring lumitaw sa kahit anong bahagi ng katawan, kabilang ang mga kuko. Ito ay mas karaniwan sa mga lugar na may mga tupi ng balat, tulad ng singit, puwet o hita.
Mayroong iba’t ibang uri ng fungal infections kabilang ang mga sumusunod:
- Athlete’s foot (Tinea pedis). Ito ang pinakakaraniwang uri ng fungal infection. Kadalasan itong kumakalat kapag naglalakad na walang sapin sa paa lalo sa mga pampublikong lugar. Kung ikaw ay mayroon nito, mapapansing pumuputi ang balat sa pagitan ng iyong mga daliri sa paa at nagsisimulang magbalat.
- Ringworm (Tinea corporis). Ito ang “catch-all” termino na karaniwang ginagamit sa mga pantal na hindi akma sa anumang iba pang kategorya. Tulad ng ipinapahiwatig ng pangalan, ang mga pantal ay madalas na bumubuo ng hugis ng singsing.
- Scalp ringworm (Tinea capitis). Kadalasan itong nakukuha ng mga bata. Nagdudulot ito ng pagkawala ng buhok, ngunit sa tamang paggamot, ang buhok ay karaniwang tumutubo muli.
- Jock itch (Tinea cruris). Ang uri na ito na tumutubo sa bahagi ng ari, ay kadalasan makikita sa mga lalaki kaysa sa mga babae.
- Vaginal yeast infection (vaginal Candidiasis). Ang Candida ay karaniwang nabubuhay sa balat at sa loob ng katawan tulad ng sa bibig, lalamunan, bituka, at vagina, nang hindi nagdudulot ng anumang problema. Ngunit, maaari itong magdulot ng impeksiyon kung magbabago ang mga kondisyon sa loob ng vagina halimbawa, upang hikayatin ang paglaki at pag dami nito.
- Nail fungus (onychomycosis). Ang impeksyong ito ay isang karaniwang problema sa paa. Karaniwang nagiging dilaw at makapal at madaling masira ang mga kuko sa paa.
Kahit sino, mapa bata o matanda ay hindi ligtas sa naturang impeksyon, lalo pa ang mga taong may mahinang immune system.
Mga Posibleng Gamot sa Fungi
Dahil ito ay nangyayari sa balat, karaniwang ginagamit ang mga pamahid o topical fungal medications bilang gamot sa skin fungi. Maaari mo itong makuha sa mga sumusunod na anyo:
- Cream o ointment
- Solution
- Lotion
- Powder
- Gel
- Spray
- Shampoo
Ang mga ito ay over-the-counter na gamot sa fungi na maaaring makuha kahit walang reseta ng doktor. Karaniwang inilalapat ang mga ito sa apektadong bahagi dalawang beses sa isang araw sa loob ng dalawa hanggang apat na linggo. Ang paggamot ay dapat magpatuloy pa sa loob ng isa o dalawang linggo pagkatapos mawala ang huling nakikitang pantal.
Bukod pa rito, maaari ring magreseta ang doktor ng oral fungal medication kung ito ay malubha na at hindi na sapat ang mga pamahid lamang. Ikinokonsidera rin ito kung ito ay nakakaapekto na sa mga bahagi na may buhok.
Kabilang ang mga sumusunod sa mga karaniwang pangalan para sa mga gamot sa fungi:
- Clotrimazole
- Econazole
- Miconazole
- Terbinafine
- Fluconazole
- Ketoconazole
- Nystatin
- Amphotericin
Mainam ang mga ito upang patayin ang mga fungi at maiwasan ang patuloy na paglaki at paglago nila.
Key Takeaways
Ang skin fungal infection ay isang karaniwang kondisyon na maaaring makuha ng sinoman. Siguruhing kumunsulta sa iyong doktor upang malaman kung anong uri ang mayroon ka at mabigyan ito ng karampatang paggamot. Mahalaga ito dahil ang paggamot sa fungal rash na may anti-itch cream na naglalaman ng steroid ay maaaring magpalala ng impeksyon at mas mahirap gamutin.
Makatutulong din ang pagkakaroon ng proper hygiene at pag-iwas sa pagbahagi ng iyong mga personal na gamit sa ibang tao.
Alamin ang iba pa tungkol sa Nakakahawang Sakit sa Balat dito.
[embed-health-tool-bmr]