Normal para sa mga babae at lalaki na mahilig sa paggamit ng makeup, dahil nakakatulong ito para ma-achieve ang style at look na gusto para sa sarili. Kaya’t hindi na nakapagtataka kung marami sa’tin ang nagse-search sa online kung ano ang bagong trends ng mga makeup na pwedeng magamit. Pero alam mo ba na ang mineral makeup ang isa sa pinakasikat na cosmetic na ginagamit ngayon? Marahil ay pamilyar na kayo sa mineral makeup, lalo’t makikita ito sa iba’t ibang social media platforms, ngunit ang tanong mas safe ba ang mineral makeup na gamitin sa ating mukha? Alamin dito!
Mineral Makeup
Mula sa salitang “mineral” ang makeup na ito ay gawa sa minerals. Ito ang mga sangkap na matatagpuan sa lupa, at itinuturing bilang isang uri ng natural na pampaganda. Bukod pa rito, ang mineral makeup ay isang finely milled powder foundation o cosmetic, na binubuo ng 100% mineral mula sa lupa, tulad ng titanium dioxide, zinc oxide, mica at iron oxide.
Ang substances na bumubuo sa mineral makeup ay may mga sumusunod na benepisyo:
- titanium dioxide – nagbibigay ito ng kamangha-manghang coverage sa balat ng tao at nag-aalok ng natural na SPF protection;
- zinc oxide – nakakatulong ito sa panghihikayat ng paggaling ng balat at pag-minimize ng break-outs at blemishes;
- mica – malaki ang maitutulong nito upang makalikha ng “ningning” at maging natural ang makeup na nagpo-promote ng ilusyon ng mas malambot at makinis na balat;
- iron oxide – ginagamit ito para makulayan ang mga natural na mineral cosmetics.
Huwag mo ring kakalimutan na kung ikukumpara rin ang mineral makeup sa regular na pampaganda o makeup, ang mineral makeup ay pangunahing naglalaman ng mga sangkap mula sa kalikasan. Karaniwan din na naglalaman ito ng maliit na amount ng synthetic, at lab-made substances.
9 Benepisyo Ng Mineral Makeup
Narito ang mga sumusunod na benepisyo ng mineral makeup na dapat mong malaman:
- Naglalaman ito ng mga ligtas na sangkap na pwedeng gamitin sa sensitibo, acne-prone, nasugatan na balat, perioral dermatitis, at rosacea.
- Karamihan sa sangkap ng mineral makeup ay walang bacteria at hindi mag-e-expire.
- Ang mga sangkap ng mineral makeup ay tumutulong sa pagpapagaling, pagpapaginhawa, at proteksyon ng balat
- Ang mga natural na sangkap na taglay ng mineral makeup ay kadalasan na hindi nakakairita sa balat.
- Ang mga gentle ingredients ng mineral makeup ay nagtataguyod ng malusog na balat at hindi bumabara sa mga pores.
- Maaaring gamitin ang mga versatile na pigment na basa o tuyo bilang pansamantalang pangkulay ng buhok, kulay ng labi, blush, highlighter, eye shadow, eyeliner, at body shimmer.
- Mas kakaunti ang sangkap ng mineral makeup na nangangahulugan na mas mababa ang tsansa ng iritasyon
- Ang mas kaunting mga sangkap ay nangangahulugan ng mas kaunting pagkakataon ng pangangati.
- Mas long lasting sa balat ang mineral makeup.
Mas Safe Ba Ang Mineral Makeup?
Ang mineral makeup ay ginawa sa pamamagitan ng mga mineral at iba pang natural na sangkap. Madalas itong naglalaman ng mga sangkap na madaling gamitin sa balat ng tao. Ito ang isa sa pangunahing dahilan kung bakit mahusay rin ito para sa mga taong may sensitibong balat. Gayunpaman, ipinapayo pa rin ang pagpapakonsulta sa dermatologist upang masigurado na ligtas ang paggamit mo nito, dahil iba-iba ang skin type at pangangailangan ng ating balat kaya mahalaga na aprubado ng iyong dermatologist ang paggamit mo nito. Ang pagpapakonsulta sa dermatologist ay isang mahusay na hakbang para maiwasan ang anumang medikal na problema sa balat. Palagi mo ring babasahin ang label ng produkto bago ito bilhin o gamitin.
At sa huli, huwag mo ring kakalimutan na kung ikukumpara sa regular makeup, ang mineral makeup ay kadalasang mas mahal. Marami kasing mga indibidwal ang nagugulat sa presyo nito, kaya mas pinipili nilang gumamit na lamang ng mga regular makeup upang mas makatipid sila.