Habang ikaw ay naliligo, naramdaman mo ang pamumuo ng bukol sa iyong kilikili. Hindi lamang ang pamumuo nito ang nakababahala sa iyo, ngunit nagiging sanhi rin ito ng masakit na pamamaga na mas lumulubha habang tumatagal. Ito ba ay pigsa lamang o iba? O marahil ay sintomas ng hidradenitis suppurativa?
Ano Ang Hidradenitis Suppurativa?
Ang hidradenitis suppurativa ay tumutukoy sa masakit, malubhang kondisyon sa balat kung saan may namumuong tila pigsa sa ilalim ng balat. Pangunahing kabilang rito ang follicles ng buhok at sweat glands sa mga bahagi kung saan nagkikiskisan ang balat tulad ng mga sumusunod:
- Kilikili
- Singit
- Puwit
- Suso
Maaari din itong lumabas sa mga hindi karaniwang bahagi tulad ng batok, baywang, loob na bahagi ng hita, likod, at maging sa mukha
Ang mga bukol ay maaaring maging sanhi ng pananakit at pamamaga ng apektadong bahagi na kalaunan ay pumuputok. Kaya natutuyo ang nana at fluid sa abscesses. Matapos gumaling, nag-iiwan ito ng makapal na peklat.
Kadalasan itong lumalabas matapos ang puberty na maaaring magtagal sa loob ng ilang mga taon at lumulubha sa paglipas ng panahon. Nakaaapekto ito sa pang-araw-araw na pamumuhay at kagalingang emosyonal.
Nagsasagawa ang dermatologists ng pagsusuri sa mga indikasyon ng mga sintomas ng hidradenitis suppurativa at maging sa mga sugat upang ma-diagnose ito.
Tinatawag din ito ng ilang tao bilang acne inversa.
Anu-Ano Ang Mga Sintomas Ng Hidradenitis Suppurativa?
Ang mga sintomas ng hidradenitis suppurativa ay kadalasang nagsisimula sa pagkakaroon ng breakouts sa balat na parang mga tigyawat o pigsa. Bago man ito tuluyang mapansin, maaaring magsimulang makaramdam ng hindi komportableng pakiramdam sa tiyak na bahagi. Ang breakouts na ito ay kadalasang nawawala makalipas ang maikling panahon. Matapos ito, maaaring mapansin ang pagkakaroon ng panibagong breakouts sa parehong bahagi.
Ilan sa mga sintomas ng hidradenitis suppurativa ay kadalasang nakasunod sa paglubhang ito:
- Malambot at malalim na nodules. Ang unang sintomas ng kondisyon na ito sa balat ay ang madalas na pananakit sa tiyak na bahagi na katulad ng pagkakaroon ng malalim na tigyawat, acne cyst, o pigsa.
- Pagdebelop ng nodules at nagsisimulang magdikit-dikit. Paglipas ng panahon, maaaring mapansin ang pamumuo ng maraming bukol na lumalaki nang dikit-dikit. Ang mga bukol na may fluid sa loob ay nagiging masakit habang lumalaki.
- Malaki at masakit na pagputok ng abscess. Lalabas ang dugo at nana kung pumutok ang abscess. Kung kaya ito ay nagiging sanhi ng hindi kanais-nais na amoy.
- Tila blackhead na spots. Sa malubhang yugto, napapansin ng ilan ang pagkakaroon ng maliliit na itim na bukol na katulad ng blackheads. Kadalasan itong lumalabas nang pares-pares.
- Paunti-unting paggaling ng abscesses ngunit muling pagkakaroon nito. Ang paulit-ulit na paggaling at pagkakaroon nito ay kadalasang nagreresulta sa pamumuo ng tunnels sa balat at nag-iiwan ng permanenteng pilat.
Ang mga taong may ganitong kondisyon sa balat ay maaaring makaranas ng depresyon at pagkabalisa bilang resulta sa hirap na kanilang nararanasang sakit.
Anu-Ano Ang Mga Sanhi Ng Hidradenitis Suppurativa?
Ang mga bukol sa balat ay kadalasang resulta ng hindi normal na lubhang paglaki ng cell na nagiging sanhi ng pagbabara at pamamaga ng follicles ng buhok o sweat glands. Pinaniniwalaang ang paglaki nito ay dulot ng hormones o nicotine. Pumuputok ito matapos magbara, na nagiging sanhi ng mas paglaki ng pamamaga at pagkapilat.
Hindi nakakahawang sakit ang hidradenitis suppurativa. Hindi rin ito sanhi ng hindi mabuting hygiene.
Ang mga sumusunod na salik ang nakapagpapataas sa tyansa ng pagkakaroon ng hidradenitis suppurativa:
- Edad
- Kasarian
- Lahi
- History sa pamilya
- Tiyak na mga kondisyon (i.e., tigyawat, diabetes, sakit sa puso, dissecting cellulitis, inflammatory bowel diseases, polycystic ovary syndrome, obesity)
- Paninigarilyo
May Gamot Ba Para Sa Hidradenitis Suppurativa?
Sa kasamaang palad, wala pang natuklasang lunas para sa malubhang kondisyong ito sa balat. Ang pangunahing dapat gawin ay ang pagbawas sa pagakakaroon ng mga sintomas ng hidradenitis suppurativa. Ang gamutan ay maaaring magbago batay sa kalubhaan ng sakit, ngunit karaniwang kabilang dito ang mga sumusunod:
- Topical na gamot (steroids, antibiotics, pain relievers, anti-inflammatory na mga gamot)
- Mga iniinom na gamot
- Injectables
Sa mga malulubhang kaso, maaaring magsagawa ng operasyon ang doktor upang alisin ang bukol at pilat.
Bagama’t hindi ito nagagamot sa kasalukuyan, ngunit maaaring magsagawa ng plano ng gamutan ang iyong dermatologist. Makatutulong ito upang makontrol ang sakit at maibsan ang mga sintomas tulad ng pananakit, flare-ups, at maging ang pagiging ng mga sugat.
Ang plano ng gamutan na gagawin ng iyong dermatologist ay maaaring kinabibilangan ng pangangalaga sa balat, mga gamot, paggamot sa impeksyon at sugat, at pampawala ng pananakit.
Matuto pa tungkol sa Iba Pang Mga Sakit sa Balat dito.