Habang isinusuot mo ang iyong medyas at sapatos, maaaring napansin mo ang tuyo at bitak bitak na sakong. Minsan, maaari din itong maging masakit. Ngunit ang problema ay, hindi mo alam kung saan mo ito nakuha o kung paano ito gagamutin. Ang artikulong ito ay magbabahagi ng mga impormasyong tungkol sa bitak bitak na sakong at kung ano ang maaari mong gawin upang maging malambot at malusog ito muli!
Ano ang Paliwanag sa Bitak bitak na Sakong?
Karaniwang isyu sa paa ang bitak bitak na sakong. Mayroong mga tao na hindi gaanong pinapansin dahil natatakpan naman ito ng sapatos. Ngunit, minsan ito ay nakakainis at hindi kaakit-akit na kondisyon.
Ang bitak bitak na sakong o heel fissures, ay kadalasang resulta ng kakulangan ng moisture sa paa (xerosis). Nagiging masyadong tuyo ang mga paa, na kadalasang sinasamahan ng alinman sa mga sumusunod:
- Makapal na balat (hyperkeratosis)
- Pamumuo ng kalyo (madalas na dilaw o kayumanggi ang kulay sa bahagi ng gilid ng sakong)
Kapag ang mga bitak na ito ay naging malalim, maaaring mahirapan ka tumayo, maglakad, o kahit na malagay ng bigat sa iyong mga paa. Ang mga taong may mas malaki, mas malalim na mga bitak ay mas madalas na magkaroon din ng impeksyon. Maaari itong maging cellulitis at ulceration, lalo na kung may iba pang mga panganib tulad ng diabetes.
Sino ang Madalas Magkaroon ng Bitak bitak na Sakong? Ano ang mga Salik na Panganib?
Ang partikular na kondisyong ito sa balat ay maaaring mangyari sa sinuman, anuman ang edad at kasarian.
Kung mayroon kang alinman sa mga sumusunod, maaaring mas malaki ang pagkakataon na makuha mo ito:
- Tuyong balat o kahit anong sistematikong kondisyon na maaaring humantong dito (tulad ng diabetes, hypothyroidism)
- Atopic dermatitis
- Juvenile plantar dermatisis
- Palmoplantar keratoderma
- Psoriasis (tulad ng palmoplantar psoriasis)
Ang mga taong may diabetes ay mas madaling kapitan ng ganitong kondisyon at maaaring magdulot ng pinsala sa ugat (diabetic neuropathy). Dahil dito, maaring magresulta ito pangingilig at pananakit, at maaaring magresulta sa pagkawala ng sensasyon sa kanilang mga paa. Ito ang dahilan kung bakit maaaring hindi madaling makita ng mga diabetic ang mga palatandaan ng mga hiwa, sugat, o bitak, na maaaring humantong sa diabetic foot ulcers.
Ilan sa mga salik na nakaaambag sa pag-crack o paghati ay:
- Pagiging overweight
- Pagtayo nang matagal na oras (lalo na sa matigas na sahig)
- Pagsuot ng sandals at iba pang mga open-back na mga sapatos (ang mga ito ay hindi nagbibigay ng suporta sa sakong upang panatilihin ang fat pad sa ilalim ng iyong paa)
- Paglalaro ng sports na nangangailangan ng mahabang pagtayo at pagkatakbo (tulad ng basketbol)
Paano Nagagamot ang Bitak bitak na Sakong?
Mas mainam ang pagiwas at paggamot ng tuyong balat para maiwasan ang bitak bitak na sakong. Maraming mga emollients sa merkado na maaaring makatulong sa iyo upang maiwasan at gamutin ang tuyong balat at bitak bitak na sakong. Ang paggamit ng mga moisturizer araw araw ay nagbibigay ng hydration at naiiwasang matuyo ang balat. Ang mga pinakaepektibong formulation ay mayroong water-retaining (humectant) at keratolytic properties, tulad ng urea, salicylic acid, o alpha hydroxy acid.
Maaari mo ring subukan ang pagbababad ng paa (foot soaks). Ang paglalagay ng iyong mga paa sa maligamgam o masabon na tubig sa loob ng 20 minuto at dahan-dahang pagkayod ng mga ito gamit ang loofah ay maaaring makatulong sa pag-alis ng dead skin.
Mayroon ding ilang mga pagkakataon kung saan maaaring kailanganin mong kumunsulta sa isang medikal na propesyonal kung walang pagbabago sa loob ng isang linggo. Maaaring magrekomenda ang iyong dermatologist ng alinman sa mga sumusunod na paggamot:
1. Debridement
Ang ganitong uri ng treatment ay nagtatanggal sa matigas at makapal na balat. Hindi mo dapat subukang gawin ito sa bahay dahil maaari lumala ang iyong sitwasyon.
2. Strapping
Ito ay nangangailangan ng pagbalot ng benda o pagbihis sa paligid ng sakong upang maiwasan ang paggalaw ng balat.
3. Prescription ng malalakas na softening o debriding agents
Maaari ding magreseta ang iyong doktor ng mga topical treatments na naglalaman ng urea o salicyclic acid.
4. Paggamit ng insoles, heel pads, o cups
Ang treatment na ito ay nakatutulong na muling ipamahagi ang bigat ng sakong upang mas makapagbigay ng suporta. Pinipigilan nito ang fat pad na lumawak patagilid.
5. Paggamit ng special tissue glue
Ang ilang mga doktor ay maaari ring ikonsidera ang paggamit ng pandikit upang pagdikitin ang mga gilid ng bitak na balat upang ito ay gumaling.
Key Takeaways
Hindi mo dapat ikahiya ang pagkakaroon ng bitak bitak na sakong. Bagama’t maaari mong subukan ang mga lotion at iba pang paggamot upang matugunan ang isyu, ugaliin pa ring kumunsulta sa iyong doktor para sa pinakamahusay at pinakaligtas na paraan.
Alamin ang iba pa tungkol sa Kalusugan ng Balat dito.