Pagdating sa pag-aalaga ng balat, hindi maitatanggi na marami ang umaasa sa skincare products. Madalas rin na gumagawa tayo ng iba’t ibang routine sa kung paano ito gagamitin, upang makuha ang mga ino-offer na benepisyo nito sa balat. May pagkakataon din na pumupunta tayo sa Tik Tok App para makakuha ng tips sa kung ano ang skincare routine ang magandang sundin.
Isa sa Tiktok trends na mayroon tayo ngayon ay ang mga video tungkol sa skin cycling. Maraming netizen ang nahihikayat na gayahin ito dahil sa mga testimony ng mga taong gumagawa ng skin cycling, kahit walang approval o konsultasyon sa isang eksperto o dermatologist.
Sa katunayan ang pagsubok ng iba’t ibang skincare routine at products ay hindi palaging maganda, lalo na kung hindi ito ipinapayo ng mga dermatologist at eksperto na gamitin mo. Iba-iba ang ating skin type at pangangailangan ng ating balat, kaya maaaring ang epektibo sa iba ay hindi maging epektibo sa’yo.
Kaya basahin ang artikulong ito upang malaman kung ano ang skin cycling at paano ito gumagana.
Ano Ang Skin Cycling?
Ayon na rin kay Debra Wattenberg, MD, isang board-certified dermatologist maaaring makatulong ang skin cycling para maiwasan ang irritation at inflammation sa ating mukha. Dahil ang skin cycling ay isang skincare routine na nagpapahintulot sa ating balat sa mukha na magkaroon ng “rest day” sa paggamit ng ilang partikular na produkto na ginagamit sa pangangalaga ng balat. Ginagawa ito upang ang ating balat ay makapag-repair pagkatapos ng paggamit ng ilang produkto para sa mukha.
Sa katunayan, matagal nang ginagamit ang principles ng skin cycling sa loob ng maraming taon, pero kamakailan lamang ito tinukoy ni Dr. Whitney Bowe isang New York City—based board-certified dermatologist, bilang “skin cycling”.
Ano Ang Mga Sinasabing Benepisyo ng Skin Cycling?
Isang simpleng method ang skin cycling kung saan niro-rotate mo ang paggamit ng iyong mga produkto sa pangangalaga sa balat gaya ng mga sumusunod:
- retinoid
- chemical exfoliator
- moisturizer
Madalas na ginagawa ang skin cycling sa buong linggo upang makuha ang benepisyo ng bawat produkto at maiwasan ang labis na exfoliating sa iyong balat. Dahil ang mga retinoid at exfoliant ay karaniwang nagdudulot ng mga sumusunod:
- pamumula
- pangangati
- pamamaga
Madalas na makita ang mga side-effects na nabanggit sa simula nang paggamit ng mga produkto. Kaya naman ang skin cycling ay makakatulong sa balat na mabawi at masanay sa mga sangkap habang pinapayagan ang isang indibidwal na unti-unting makuha at makita ang mga benepisyong dala ng mga produkto, gaya ng mga sumusunod na magandang epekto nito sa balat:
- mas makinis
- mas maliwanag, at hydrated na balat
Paano Gawin Ang Skin Cycling Ayon Sa Mga Dermatologist at Eksperto?
“Retinoids and exfoliants help reduce the appearance of fine lines and wrinkles,” pahayag ni Peter Young, MD, isang board-certified dermatologist at medical director ng skin care company Facet. Nakakatulong din ang mga produktong ito para ma-unclog ang iyong pores at mabigyan ang iyong balat nang mas malusog at batang itsura.
Ang retinoid at exfoliant products ay ilan lamang sa produkto na maaaring gamitin sa skin cycling — at ang paggamit ng metodo na ito ay naglalayon na mag-designate ng partikular na produktong gagamitin sa bawat araw para maiwasan ang mga sumusunod na epekto sa balat ayon kay Dr. Bowe:
- skin sensitivity
- panunuyo o dryness
- inflammation
Para magkaroon ka ng ideya paano isinasagawa ang skin cycling, narito ang 4-night skin cycling routine ayon sa mga dermatologist.
Day 1- Exfoliation
Linisin ang iyong mukha gamit ang mild cleanser at patuyuin ito gamit ang malinis na tuwalya. Pagkatapos nito, mag-apply ka ng chemical exfoliator, tulad ng glycolic acid at fragrance-free moisturizer. Mahalaga na gawin ang unang hakbang na ito dahil ang exfoliation ay isang mahusay na paraan para alisin ang iyong dead cells sa balat na maaaring makabara sa iyong pores.
Ang exfoliation rin ay makakatulong para mas makapasok ng husto ang mga produkto sa ilalim ng ating mukha.
Day 2- Retinoids
Pagkatapos mong hugasan at patuyuin ang iyong balat, mag-apply ka ng retinoid o retinol para tumutulong sa pagtaas ng turnover ng skin cells. Ayon sa mga dermatologist ang retinoids ay isang pangkaraniwang paggamot para sa acne at pag-resurfacing ng balat. Pero huwag mong kakalimutan na gumamit ng retinoids nang matipid. Kaya maganda kung humingi ka rin ng payo sa doktor sa angkop na dami ng paglalagay nito sa mukha. Maaari ka ring gumamit ng retinoids na may moisturizer para maiwasan ang pangangati, lalo na kung may tuyo o sensitibong balat ka.
Day 3 & 4- Pahinga
Sa mga araw na ito ay wala kang ilalagay na anumang produkto ng retinoids o exfoliating products. I-cleanse lamang ang mukha at patuyuin ito at saka maglagay ng moisturizer.
Payo Na Mula Sa Mga Dermatologist
Iba-iba ang skin type at pangangailangan ng ating balat, kaya ang epektibo sa’yo ay maaaring hindi maging epektibo sa iba. Mas mainam pa rin na magpakonsulta sa isang dermatologist kaysa maniwala agad sa mga video na napapanood sa social media na tumatalakay sa paggawa ng skin care routine. Sa katunayan, maaaring magdulot ito ng panganib sa iyo, lalo na kung hindi galing sa mga doktor, eksperto, at dermatologist ang mga pahayag.
Ang pagsubok ng mga produkto at skincare routine na walang sapat na gabay mula sa mga eksperto ay pwedeng maging dahilan ng pagkasira ng iyong balat.
Bukod pa rito, ang skin cycling ay maaaring hindi makatulong sa mga taong may acne o wrinkles, maging sa mga indibidwal na kayang tiisin ang araw-araw na paggamit ng skincare products.