Ano ang pinagkaiba ng hydrating at moisturizing? Ang dalawang terminong ito ay kadalasang nagdudulot ng pagkalito sa mga taong naghahanap ng solusyon sa magaspang na balat. Maraming dahilan kung bakit natutuyo ang balat, isang kondisyong kilala bilang xerosis o xeroderma. Kabilang sa mga sanhi nito ay ang sumusunod:
- Malamig o tuyo na panahon
- Pinsalang dulot ng araw
- Matapang na sabon
- Sobrang pagbababad sa tubig
Maraming maaaring gawin upang mapabuti ang tuyong balat. Kabilang na rito ang pag-moisturize at pagpoprotekta sa balat laban sa init ng araw. Maaari mong subukan ang iba’t ibang mga produkto at mga gawain sa pangangalaga sa balat upang makahanap ng diskarte na epektibo para sa iyo.
May pinagkaiba ba ang hydrating at moisturizing?
Maraming mga patalastas ang nagpapakilala sa mga benepisyo ng hydration at moisturization. Ngunit naiintindihan mo ba kung ano talaga ang ibig sabihin ng mga ito? May malaking pagkakaiba pagdating sa hydrating at moisturizing. Pareho itong mga pamamaraan sa pag-aalaga ng balat. Kailangan mo silang pareho upang mapanatili ang maganda, at malambot na balat sa buong katawan.
Kung nakakaranas ka ng tuyong balat paminsan-minsan, malamang na ito ay na-dehydrate o hindi nakakakuha ng sapat na kahalumigmigan.
Ano ang hydration?
Mahalagang malaman kung ano ang hydration upang maintindihan mo kung ano ang pinagkaiba ng hydrating at moisturizing. Ang mga hydrating na sangkap ng mga produkto para sa balat ay umaakit ng tubig sa pinakalabas na parte ng balat. Habang ang mga moisturizing na sangkap naman ay nagpapadulas sa balat upang maiwasan ang paglabas ng tubig.
Paano nga ba naha-hydrate ng tubig ang iyong katawan? Ang mga selula ng balat ay may taglay ding tubig. Mabilog at malambot ang mga hydrated na selula ng balat. Nangangahulugan ito na ang balat ay mabilog at malambot din. Kapag dehydrated ang selula ng balat, ito ay lumiliit, kung kaya ang balat ay nagmumukhang impis at walang buhay.
Ano ang pinagkaiba ng hydrating at moisturizing: Kahalagahan ng tubig
Nakasalalay sa tubig ang pangkalahatang kalusugan ng iyong katawan. Ang bawat selula, tissue, at organ sa iyong katawan ay nangangailangan ng tubig upang gumana ng maayos. Halimbawa, ang iyong katawan ay gumagamit ng tubig upang:
- Mapanatili ang temperatura nito
- Mag-alis ng dumi
- Mag-lubricate ng iyong mga kasukasuan
May ibat-ibang pangangailangan ang tao para sa hydration. Ngunit ang rekomendasyon ay ang pag-inom ng anim hanggang walong baso ng tubig araw-araw.
Humectants: Ano ang pinagkaiba ng hydrating at moisturizing?
Ang humectants ay mga sangkap na nagpapataas ng hydration ng balat. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pag-akit ng tubig mula sa kapaligiran patungo sa balat. Kumukuha rin sila ng tubig mula sa mas malalim na mga parte ng balat o dermis, at dinadala ito sa pinakalabas na layer ng balat na tinatawag na epidermis.
Alamin ang mga halimbawa ng hydrating ingredients:
- Honey
- Sorbitol
- Urea
- Gulaman
- Glycerin
- Panthenol
- Hyaluronic acid
- Alpha hydroxy acid
Ano ang moisturization?
Maaaring nagtataka ka kung bakit kailangan ng iyong balat ng moisturizer kung kaya namang gawing malambot ito ng hydration. Hindi sapat ang hydration kung nais mong manatiling malambot ang iyong balat. Ang moisturizer ay nagsisilbing hadlang sa ibabaw ng balat. Tinatakpan nito ang mga tubig na dala ng hydration upang manatili ito sa balat at hindi mag-evaporate o mawala. Ito ang sagot sa kung ano ang pinagkaiba ng hydrating at moisturizing.
Kambal tuko kung tawagin ang hydration at moisturization. Ang hydration ay nagbibigay sa balat ng malambot at nababanat na pakiramdam ngunit hindi ito magtatagal kung walang moisturizer. Sa kabilang banda, ang paglalagay ng mga moisturizing cream at balms sa tuyong balat ay maaaring pansamantalang magpakinis. Ngunit ang dehydrated na balat ay magmumukha pa ring tuyo kahit lagyan pa ng moisturizer.
Paano tandaan ang pinagkaiba ng hydrating at moisturizing
Ang pang-araw-araw na moisturizing ay mahalaga para sa malusog na balat. Hindi lamang ito pagpapaganda, kung hindi tamang pangangalaga ng balat. Pinaka-epektibo ang paglagay ng moisturizers pagkatapos maligo, mag-ahit o mag-exfoliate.
Kung nalilito ka pa rin kung ano ang pinagkaiba ng hydrating at moisturizing narito ang simpleng solusyon. Tandaan na ang hydration ay tumutukoy sa tubig habang ang moisture ay tumutukoy sa langis.